Mga atake sa kilusang paggawa


Sa pamamagitan ng mga batas, polisiya at desisyon ng nakaraan at kasalukuyang mga rehimen, unti-unting natapyasan ang kakayahan ng mga manggagawa na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Pero may lakas ang manggagawang Pilipino para pangunahan ang makabuluhan at malawakang pagbabago ng lipunan.

"Tuta ng kapitalista" si Pangulong Aquino sa pagyuko niya sa mga ito para atakihin ang karapatan ng mga manggagawa, ayon sa KMU. (KR Guda)
"Tuta ng kapitalista" si Pangulong Aquino sa pakikipagkutsaba umano niya sa mga kapitalista para atakihin ang karapatan ng mga manggagawa, ayon sa KMU. (KR Guda)

Hindi na gaya nang dati ang kilusang paggawa sa bansa.

Hindi na ito kasing-laki, o kasing-lakas, ng naunang mga dekada. Ayon ito mismo sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang sentrong unyon na nagtataguyod ng tunay, palaban, at makabayang unyonismo sa Pilipinas.

Pero kabilang sa mga dahilan ng paghina ito ang tumitinding atake ng neoliberal na mga polisiya ng gobyerno at mga kapitalista.

Sagka sa pag-oorganisa

Nang maitatag ang KMU noong 1980, napuno ang Araneta Coliseum sa Quezon City ng mga manggagawa na nangahas mag-organisa sa kabila ng Batas Militar. Tahasang ipinagbawal noon ang pag-uunyon at pagwewelga.

Nagwakas ang diktadura makaraan ang ilang taon, pero hindi ang sistema ng gobyernong pumapabor pa sa interes ng mga kapitalista kaysa mga manggagawa. Ang pagkait sa demokratikong karapatan ng mga manggagawa ay ipinaloob sa mga batas at polisiya na nagsisistematisa at naglelegalisa nito.

Pangunahin dito ang Labor Code at Wage Rationalization Act ng 1989, na nagtayo sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards para basagin ang pambansang minimum na sahod, nagbigay ng kapangyarihan sa Department of Labor and Employment (DOLE) na pigilan ang welga sa pamamagitan ng Assumption of Jurisdiction, at iba pang probisyong ginawang mas mahirap ang pagtatayo ng unyon.

Gayundin, sa bisa ng DOLE Order 18-02, naging madali para sa kahit sinong kompanya na mag-empleyo ng mga manggagawang kontraktuwal. Kapag nabigyan ng DOLE ng rehistrasyon bilang “job contractor,” puwede na siyang mangontrata kahit esensiyal sa operasyon ng kompanya ang trabahong ito.

“Tingin namin, tinanggalan ng seguridad sa trabaho ang mga manggagawa at dahil dito ay ipinagkakait sa kanila ’yung demokratikong karapatan na mag-organisa at pumaloob sa isang unyon. Kahit na hindi ipinagbabawal sa kanila na magbuo ng unyon, sa reyalidad ay ginawang napakahirap para sa kanila dahil anumang oras kapag natuklasan, maaari silang tanggalin,” ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Sa 19 milyong manggagawa sa buong bansa, nasa 1.34 M na lamang ang nakapaloob sa mga unyon, ayon sa DOLE noong Hunyo 2010. Bumaba ito ng mahigit sa kalahati sa nakaraang dekada o mula sa 3.9 M noong 2001.

Halimbawa, sa Republic Asahi Glass Corp., isang pabrika sa Pasig City, mula sa unyon na may mahigit 1,000 kasapi, naging mahigit 100 na lamang  ang kasapi nito dahil sa pagdami ng mga kontraktuwal at pagtanggal sa trabaho ng mga regular na manggagawa.

Sa ganitong paraan nababawasan ang bargaining leverage ng mga manggagawa, o ang kapangyarihan nilang igiit sa manedsment ang dagdag-sahod at iba pang mga benepisyo sa mga negosasyon para sa mga collective bargaining agreement (CBA).

“Kaya kapag nagwelga ang unyon, kailangan talaga malakas ang pagkakaisa nila at kaisa nila maging ang mga kontraktwal dahil kung hindi, gagamitin ng manedsment ang mga kontraktwal para patakbuhin ang kompanya,” ayon kay Soluta. Noong Hunyo 2010, nasa 230,802 na manggagawa na lamang ang nakapaloob sa mga CBA – wala pang isang porsiyento ng buong puwersa ng paggawa.

Kapansin-pansin umano ang pag-iral ng mga CBA moratorium, na unang isinagawa ng manedsment ng Philippine Airlines noong 2001 at may bisa ng 10 taon, sa pakikipagsabwatan ng mga unyong dilawan (Tingnan ang kaugnay na istorya). “Ginaya ito ng iba pang empresa. Kung anong nakasaad sa nakaraang CBA, ’yun lang ang natatamasa ng mga manggagawa. Kung minsan, Memorandum of Agreement na lang at hindi na CBA ang iginigiit ng manedsment,” paliwanag ng lider-manggagawa.

Kaayusang neo-liberal sa daigdig

Sa isang dokumentong inilabas ng sentrong unyon noong 2010, tinukoy ang deregulasyon ng pamilihan ng lakas-paggawa bilang pangunahing porma ng pag-atake ng gobyerno’t kapitalista sa mga manggagawa. Ito ay ang pagtanggal ng anumang proteksiyon ng gobyerno sa mga manggagawa nito, kasabay ang neoliberal na mga polisiya ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon na sinimulang ipatupad noong dekada ’70.

Iba ang sitwasyon bago ang dekada ’70. Dahil sa presensiya at lakas ng sosyalistang mga bansang Unyong Sobyet at Tsina, at sa radikalismo ng mga manggagawa’t mamamayan sa iba pang bansa, napilitan ang mga nasa kapangyarihan na magbigay ng mga reporma, gaya ng pagluwag sa pagtaas ng sahod at pagtaguyod sa mga serbisyong panlipunan.

Pero sa ilalim lang ng rehimen ni Ronald Reagan sa US (1981-1989) at ni Margaret Thatcher sa Britanya (1979-1990), naging dominanteng patakaran ng imperyalismo ang neoliberalismo. Isinisi nila sa mga repormang Keynesian ang istagplasyon, o pagtumal ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng krisis ng sistemang kapitalista.

Isinulong, at namayagpag, ang neoliberalismo. Sa ngalan ng “malayang pamilihan,” hinayaan ang malalaking kompanya na magkamal ng tubo nang walang pumipigil, at durugin ang kilusang paggawa sa pakikisabwatan din ng mga gobyerno, lokal na burgesya, at mga unyong dilawan.

Ramdam maging ng kilusang paggawa sa iba’t ibang parte ng daigdig ang epekto nito. “Ang banggit sa atin ng kaibigang mga manggagagawa sa ibang bansa, ramdam din nila ang pag-atake sa kilusang paggawa sa kani-kanilang bayan,” pahayag ni Soluta.