Lay worker na kontra mapanirang pagmimina, inaresto sa harap ni Tinio ng ACT Teachers PL


Kinondena ng ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pag-aresto kay Agnes Mesina, tagapag-gunay ng Makabayan sa Rehiyon 2, dahil sa di umano’y kasong frustrated murder. Hinuli si Mesina, na isa ring lay worker, sa operasyong ginawa ng mga elemento ng intelligence unit ng Philippine National Police ng rehiyon kasama ng Tuguegarao Philippine National Police […]

Mapa ng Tugegarao City (Google Maps)
Mapa ng Tugegarao City (Google Maps)
Mapa ng Tugegarao City (Google Maps)

Kinondena ng ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pag-aresto kay Agnes Mesina, tagapag-gunay ng Makabayan sa Rehiyon 2, dahil sa di umano’y kasong frustrated murder.

Hinuli si Mesina, na isa ring lay worker, sa operasyong ginawa ng mga elemento ng intelligence unit ng Philippine National Police ng rehiyon kasama ng Tuguegarao Philippine National Police sa Hotel Roma coffee shop sa Tuguegarao City noong Hulyo 4.

Lumaya siya matapos makapagpiyansa kinabukasan, Hulyo 5.

Naganap ang pang-aaresto habang nagpupulong si Tinio kasama ang  mga organisador ng ACT Teachers Party-list. Naniniwala ang ACT Teachers Party-list na tulad ng mga panggigipit sa mga progresibong grupo, gawa-gawa ang nasabing kaso laban kay Mesina.

“Dala ng pag-aresto kay Mesina ang marka ng taktika ng panghaharass ng estado, na nagsusupil sa mga aktibidad ng mga aktibista na kilala na Kaliwa sa pamamagitan ng pagsampa ng mga kaso tulad ng murder, arson, kidnapping, armed robbery at mga katulad. Karaniwan, ang mga ganitong kaso ay hindi nagtatagal sa korte subalit sa kasalukuyan, kailangang tiisin ng aktibista gaya ni Mesina ang pagkakulong at magastos para sa legal na pagdepensa,” ayon kay Tinio.

Kasabay ng pagpatay sa Dutch NGO worker na si Wilhelm Geertman, pinapakita ng pag-aresto kay Mesina na nagtutulak ng kampanya ang administrasyong Aquino para supilin ang progresibong kilusan na isinasantabi ang karapatang pantao at kalayaang sibil, dagdag ni Tinio.

Samantala, sinabi naman ni Sr.M. Francis Añover, pambansang tagapag-ugnay ng Rural Missionaries of the Philippines, na pinagkakatiwalaang lay co-worker si Mesina ni Sr. Mela Alvarez, RGS, tapag-ugnay ng RMP sa Cagayan Valley.

“Walang pagod si Agnes na nakikipagpulong sa mga pari, madre at iba pang lay workers kabilang ang mga pastor at ministro sa ibang paniniwala sa rehiyon para ipahayag ang mga problema ng lokal na mga komunidad hinggil sa iba’t ibang proyekto tulad ng bio-ethanol, pagtotroso at pagmimina,” ani Añover.

Sinabi pa niya na maaaring ikinagagalit ng malalaking negosyante at lokal na mga opisyal sa rehiyon ang paglaki ng suporta sa kampanya ng RMP at iba pang grupo kontra sa mapanirang pagmimina sa Cagayan Valley.

“Gustong takutin ng pag-aresto kay Agnes ang mga mamamayan para (malaya silang) makapagdambong sa mayamang rekurso-mineral at maisantabi ang lumalabang mga komunidad kontra sa malawakang operasyon ng pagmimina,” pagtatapos ni Añover.

Kinondena rin ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP) ang pag-aresto kay Mesina.

“Bahagi ito ng tangka ng Estado para pigilan ang mga kontribusyon ni Agnes sa kilusan ng mga mamamayan, na matagal na panahon na niyang pinaglilingkuran,” sabi ni Pia Macliing Malayao,  tagapagsalita ng KAMP.