Anak ng lider-maralita, hinihinalang pinaslang
Hinihinalang pinaslang dahil sa aktibismo ng kanyang ina ang 16-anyos na anak ng isang lider-maralita. Natagpuan ang bangkay ni Mac-Mac, anak ni Diamond Kalaw, tagapagsalita ng grupong maralita na Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso (ManLaban), noong Hunyo 21 sa Wawa River sa Rodriguez, Montalban. Pero ayon kay Kalaw at kanyang mga kamag-anak, may marka […]
Hinihinalang pinaslang dahil sa aktibismo ng kanyang ina ang 16-anyos na anak ng isang lider-maralita.
Natagpuan ang bangkay ni Mac-Mac, anak ni Diamond Kalaw, tagapagsalita ng grupong maralita na Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso (ManLaban), noong Hunyo 21 sa Wawa River sa Rodriguez, Montalban.
Pero ayon kay Kalaw at kanyang mga kamag-anak, may marka ng kuko at kagat ang gilid ng ilong at mga labi ni Mac-Mac at nawasak at nagdugo ang isang mata nito.
Kuwento ni Kalaw, isang kapitbahay na kinikilala lamang sa pangalang “Totoy” ang nag-imbita sa kanyang anak at pinsan nito na lumangoy sa Wawa River, bandang ala-una noong Hunyo 20.
Nang bumalik si Totoy at kanyang pinsan, sinabi ng mga ito na nalunod si Mac-Mac. Agad na humingi ng tulong si Kalaw sa mga opisyal ng barangay, pero pinayuhan siyang maghintay dahil masyado nang madilim para hanapin ang bata.
Nakuha ang bangkay ni Mac-Mac bandang alas-otso ng umaga kinabukasan.
Inilibing ang bata noong Linggo sa moske sa Litex, Quezon City, sang-ayon sa tradisyon ng mga Muslim.
Suspetsa ni Kalaw, isang manininda sa Balintawak, Q.C., pinaslang ang kanyang anak bilang ganti sa kanyang mga aktibidad na nagtataguyod sa karapatan ng mga manininda.
Umano’y “may koneksiyon” si Totoy kay Batasan Hills Chairman Rannie Ludovica, na kabangga ni Kalaw sa mga isyu hinggil sa pang-aabuso sa mga manininda.
Noong Mayo, nagsagawa ng dalawang rali ang ManLaban at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa barangay hall, kung saan minura ni Ludovica ang mga demonstrador, ayon kay Kalaw.
Simula noon, lagi nang nang binibisita ang kanyang bahay ng kahina-hinalang mga kalalakihan, ayon kay Kalaw. Isang kapitbahay pa umano ang nakarinig na plano ng mga kalalakihang sunugin ang kanyang bahay.
Si Ludovico ay kilalang dating sundalo, sabi ni Kalaw.
Samantala, laging sumasama si Mac-Mac sa mga rali na pinangungunahan ng kanyang ina.
Sa susunod na linggo, magsasagawa ang Kadamay ng parangal para kilalanin ang kontribusyon ni Mac-Mac sa laban ng mga manininda.
“Nananawagan kami sa lahat na tulungan kaming makamit ang hustisya para kay Mac-Mac,” sabi ni Bea Arellano, pangkalahatang-kalihim ng Kadamay.