OPM para sa ‘jingle’ ni Teddy Casiño


Habang ang ibang kandidato ay nahihirati sa paggamit ng mga jingle mula sa mga sikat at dayuhang awitin tulad ng “Call Me Maybe” ni Carly Rae Jepsen o ng “Gangnam Style” ng Koreanong si PSY, mas pinili ni Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño ang OPM o original Pinoy music. Mula pa nang magsimula ang kampanya […]

Progressive senatorial candidate Teddy Casino. (Contributed Photo)
Progressive senatorial candidate Teddy Casino. (Contributed Photo)
Tulad ng kanyang temang Iba naman, iba rin ang klase ng pagpili ni Teddy Casiño maging sa kanyang jingle sa pangangampanya. (Contributed Photo)

Habang ang ibang kandidato ay nahihirati sa paggamit ng mga jingle mula sa mga sikat at dayuhang awitin tulad ng “Call Me Maybe” ni Carly Rae Jepsen o ng “Gangnam Style” ng Koreanong si PSY, mas pinili ni Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño ang OPM o original Pinoy music.

Mula pa nang magsimula ang kampanya noong nakaraang Pebrero, ginagamit na ni Casiño at ng kanyang mga kasama ang “Pagbabago Para sa Karaniwang Tao”, na isinulat at kinanta ni Karl Ramirez, isang independyenteng musikero.

Ayon kay Casiño, nasakyan niya agad ang naturang kanta matapos niyang marinig ang demo recording na ipinadala ni Ramirez sa kanyang mga kaibigan. “Nakatrabaho ko na si Karl dati at alam kong progresibong musikero siya pero nagulat pa rin ako sa lyrics ng una kong marinig ang kanta. Parang tinataglay nito ang aking pangunahing linya sa kampanya na ‘pagbabago para sa karaniwang tao,’ sabi ni Casiño.

Agad namang pinalitan ni Ramirez ang ilang salita sa kanta at lumikha ng “remix jingle version” na orihinal na isinulat at nirekord para sa kanyang nalalapit na album na “Sulong,” para magamit sa kampanya.

“Naniniwala ako at ang mga kapwa ko manlilikha ng awit at mang-aawit sa Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa pagsulat ng makabuluhang awitin na sumasalamin sa aspirasyon ng mga Filipino para sa tunay na pagbabago,” ayon kay Ramirez.

Ang plataporma ni Casiño ang pinaka-tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan ngayon – mataas na suweldo, reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, mababang presyo ng mga bilihin at isang gobyerno na ipagtatanggol ang mga karapatan ng mga mamamayan. Iyan ang tunay na makabayan!” sabi pa ni Ramirez.

Ayon sa CAP, nakakatuwang nila si Casiño sa pagpapatampok sa lokal na musika.

Noong 2011, lumapit ang CAP  sa Kongreso para i-exempt sa buwis ang mga lokal na artista. Si Casiño, na noo’y kinatawan ng Bayan Muna partylist, ang sumuporta sa kanila, naghain ng panukalang batas at tiniyak ang pagpasa nito sa Kamara

Naniniwala ang CAP na kailangan ni Casiño ang lahat ng tulong na makukuha niya. Tulad ng mga independyente at progresibong mga musikero, kulang si Casiño sa rekurso para magkaroon ng puwang sa radyo at telebisyon. Pero kung anong kulang ni Casiño sa rekurso, umaangkop sila sa usapin ng pag-abot sa maraming tao, pag-oorganisa sa mga komunidad at pagkamalikhain.