Karapatang Pantao

‘Mga biktima ng Martial Law, matagal nang naghihintay ng hustisya’


“Muli na naman bang maghihintay nang matagal na panahon ang mga biktima ng Martial Law sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10368 sa ilalim ni Pang. Benigno Aquino III?” Ito ang sigaw ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), isang organisasyon ng dating mga bilanggong pulitikal, dahil di pa ganap na naipapatupad […]

Roneo Clamor, pambansang tagapag-ugnay ng Selda (Arkibong Bayan)
Roneo Clamor, pambansang tagapag-ugnay ng Selda (Arkibong Bayan)
Roneo Clamor, pambansang tagapag-ugnay ng Selda (Arkibong Bayan)

“Muli na naman bang maghihintay nang matagal na panahon ang mga biktima ng Martial Law sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10368 sa ilalim ni Pang. Benigno Aquino III?”

Ito ang sigaw ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), isang organisasyon ng dating mga bilanggong pulitikal, dahil di pa ganap na naipapatupad ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 dalawang buwan matapos itong lagdaan ni Aquino.

Ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 ang magbibigay kompensasyon sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao noong panahon ng batas militar. Ayon sa bagong batas, mabibigyan ng kompensyason lahat ng nakulong at nakaranas ng tortyur, kabilang na rin ang mga pamilya ng biktima ng sapilitang pagkawala (enforced disapperances) mula Septyembre 21, 1974 hanggang Pebrero 25, 1986.

Sa pagpapatupad nito, kinakailangang bumuo ng Claims Board ang pamahalaan sa pamumuno ni Aquino para alamin kung sinu-sino ang mabibigyan ng kompensasyon at magkano ang matatanggap na halaga ng mga biktima 15 araw matapos itong opisyal na malathala.

“Ilang buwan na ang nakalipas simula nang lagdaan ito ng Pangulo, at lumagpas na ito sa ibinigay na dedlayn. Pero wala pa rin kahit anong impormasyong galing Malakanyang ukol dito. Hanggang kailan na naman kami mag hihintay?” ani Roneo Clamor, pambansang tagapag-ugnay ng Selda.

Ayon sa Tsapter II ng naturang batas, dapat ay binubuo ng siyam na miyembro ang Board. Nabanggit sa bagong batas ang iba’t ibang katangiang dapat taglay ng magiging miyembro ng Board.

Bukod dito, nakasaad rin na ang Pangulo ang siyang mag-aatas ng tatayong tagapangulo nito. Ang natitirang walo’y itatalaga sa iba’t ibang organisasyon ng karapatang pantao kabilang ang Selda.

Pero sinabi ng Selda na naglatag na sila ng pangalan ng limang nominado sa Board na may matataas na kredibilidad noong Marso 12. Pero hindi pa rin umano ito inaaksiyunan.

Umaasa ang Selda na mabuo na kaagad ang Board para ganap ng maproseso ang mga pangalan ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao noong rehimeng Marcos.

“Tama na ang mahabang paghihintay ng mga biktima ng Martial Law. Dapat na bigyan na sila ng sapat na pansin,” sabi pa ni Clamor.

Umabot sa P10-Milyon ang nakalaang pondo para sa mga biktima ng karapatang pantao. Ang nilaang pondo’y mula sa ill-gotten wealth ng mga Marcos mula sa mga bangkong Swiss.

“Ang pagpapatupad ng batas na ito na sana ang daan para (masimulan ang pagbibigay-hustisya sa) mga biktima. Kung walang Board na maihahalal, wala ring mga regulasyon na maipapatupad. Kung ganito ang mangyayari, para saan pa itong batas na ito?” diin ni Clamor.