Gabriela sumugod sa DSWD, NFA dahil sa taas-presyo, pagkabulok ng bigas
Galit na sinugod ng mga kasapi ng Gabriela, kasama ang People Surge, ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City dahil sa hinayaan lamang di umano ng nasabing ahensiya na mabulok ang may 45,000 sako na bigas sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo nito at pagkagutom ng maraming […]

Galit na sinugod ng mga kasapi ng Gabriela, kasama ang People Surge, ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City dahil sa hinayaan lamang di umano ng nasabing ahensiya na mabulok ang may 45,000 sako na bigas sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo nito at pagkagutom ng maraming biktima ng mga kalamidad.
Nasabat ang nasabing mga bigas mula Vietnam ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) noon pang 2012 nang maling maideklara ang mga ito bilang mga materyales sa konstruksiyon.
Bilang pagsunod sa Customs and Tariff Code, sinubukang ipa-auction ang mga ito ng Bureau of Customs-SBMA sa pinakaminimum na P57.9 Milyon. Pero matapos mabigo ng dalawang beses, binigay na donasyon ito sa DSWD noong Disyembre 26, 2012 para ipamahagi umano sa mga biktima ng bagyong Pablo.
Ayon sa National Food Authority (NFA) nasa anim na buwan lamang kung maiimbak ng maayos ang itatagal ng bigas.
“Sa kabila ng matinding protesta ng mga biktima ng bagyong Pablo, dahil sa mabagal na pamimigay ng relief, lalo ng pagkain gaya ng bigas, hindi pa rin umaksiyon ang DSWD hanggang sa mabulok na lang ang bigas,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon sa People Surge, dapat na magbitiw o patalsikin sa puwesto si Sec. Corazon “Dinky” Soliman. Nagpabaya raw ni Soliman at walang kakayahang pangasiwaan ang pag-ayudsa sa mga biktima ng mga kalamidad na bagyong Pablo at Yolanda.
Nagtataka umano sila kung bakit hindi pa naiimbestigahan ang DSWD at si Soliman.
“Ang katotohanan na may P58-M halaga ng bigas para sa mga biktima ng bagyong Pablo ay nagpapakita ng malinaw na kaso ng kriminal na kapabayaan,” ayon kay Dr. Efleda Bautista, convenor ng People Surge.
Sabi naman ni Salvador, hindi katanggap-tanggap ang ganitong kainutilan ng DSWD. Hindi pa rin umano naaampat ng gobyerno ang patuloy na taas-presyo ng bigas sa mga lugar na nasalanta at maging sa iba pang bahagi ng bansa.
“Ngayong pinupukol din ng protesta ng mga biktima ng bagyong Yolanda ang kakapusan ng ayuda ng gobyerno, may gana pa ang DSWD na sabihing ipamimigay na lang nila sa mga biktima ni Yolanda ang mga nabubulok na bigas. Ano ba ang tingin nila sa mga biktima ng Yolanda, mga baboy na pakakainin ng bulok?” tanong ni Salvador.
Nanawagan naman si Bautista sa administrasyong Aquino na linisin hindi lamang ang DSWD kundi patuloy na pabilisin ang batayang mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo. Patuloy umano ang People Surge na managawan ng emergency cash assistance, kabuhayan, pabahay, at mga panlipunang serbisyo dahil na rin umano sa pagkabigo ng gobyerno na matugunan ang mga ito mag-aapat na buwan matapos ang bagyo.
Sumugod din ang Gabriela sa loob tanggapan ng NFA dahil sa umaabot na ng P3 ang pagtaas ng presyo ng bigas mula nitong Enero.

“Nobyembre noong huli kaming sumugod sa NFA at Department of Agriculture kung kailan nangako ang mga ahensyang ito na tutugisin ang smugglers at rice cartel. Pero hanggang ngayon, wala pang napaparusahan ni isang smuggler o bahagi ng kartel. Pataas pa rin ang presyo ng bigas. Nasaan ang gobyerno?” ani Salvador.
Dahil umano sa ganitong kriminal na kapabayaan ng administrastyong Aquino malaking protesta ng kababaihan ang kanila umanong isasalubong sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.