Mga biktima ng Yolanda, nagrali sa mga tanggapan ng ‘Gang of 5’
Bago ang malaking protesta ng mga biktima sa ikalimang buwan matapos ang bagyong Yolanda sa Abril 8, isang linggo silang araw-araw na nagprotesta — sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na sa suri nila’y “nagpabaya” sa milyun-milyong mamamayang nasalanta ng bagyo at nagdurusa pa rin ngayon. Partikular na ipinrotesta ng grupong People Surge ang mga […]


Bago ang malaking protesta ng mga biktima sa ikalimang buwan matapos ang bagyong Yolanda sa Abril 8, isang linggo silang araw-araw na nagprotesta — sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na sa suri nila’y “nagpabaya” sa milyun-milyong mamamayang nasalanta ng bagyo at nagdurusa pa rin ngayon.
Partikular na ipinrotesta ng grupong People Surge ang mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Energy (DoE), at tanggapan ni rehabilitation czar Panfilo Lacson, gayundin ang bahay ng pamilyang Aquino.
Nitong Lunes, Abril 7, nagrali rin ang grupo sa harap ng opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang pinuno ng mga ito — sina Pangulong Aquino, DSWD Sec. Dinky Soliman, DILG Sec. Manuel Roxas III, Energy Sec. Jerico Petilla, at Lacson — ang tinagurian nilang “Gang of Five” na pangunahin umanong responsable sa abang kalagayan ngayon ng milyun-milyong maralitang Pilipino sa Eastern Visayas na sinalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013.
Pinagpapanagot

Kasama ang mga grupong makakalikasan sa ilalim ng Kalikasan-People’s Network for the Environment, sumugod sa tanggapan ng DENR ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa ilalim ng People Surge nitong Abril 7. Iginiit nila ang pagtigil ng polisiyang “No Build Zone” sa mga komunidad sa tabi ng dagat.
Ang No Build Zone Policy ang nagbabawal sa mga mamamayan ng Eastern Visayas na manirahan na sakop ng 40 metro na layo mula sa baybayin. Iniutos ito ni Pangulong Aquino matapos masawi ang libu-libong mamamayan sa baybayin dulot ng storm surge noong bagyong Yolanda.
Isa ang DENR sa mga ahensyang nagpapatupad ng nasabing polisiya sa buong bansa. Ayon sa kay Joel Reyes, 72, mula sa People Surge, mas matinding bagyo ang No Build Zone policy dahil permanente silang tinatanggalan ng tirahan at kabuhayan.
Wala rin daw katiyakan ang kanilang lilipatan dahil hindi malinaw ang mga pangako na sinasabi sa kanila.
“Hindi man lamang kami kinausap kung ano ang mabuti para sa amin. Basta na lang sasabihin sa amin na hindi na kami maaaring magtayo kung saan kami dati nakatira at nabubuhay. Basta na lamang kami itatapon sa ibang lugar at walang kasiguruhan kung ligtas din ang mga lugar na iyon. Saan kami kukuha ng kabuhayan? Papaano na kami?” ayon kay Reyes sa panayam ng Pinoy Weekly.
Noong Abril 5, sinugod naman ng People Surge ang bahay ng mga Aquino sa Times Street, Quezon City. Sa pormang “prusisyong bayan” dahil sa nalalapit na Semana Santa, ipinakita nila ang paghihirap ng mga mamamayan ng Eastern Visayas na katulad ng paghihirap umano ni Kristo.
Bago nito, noong Abril 4, nagrali rin ang mga biktima ng Yolanda sa tanggapan ni Lacson sa Nickel Asia Corporations Tower sa Taguig City. Kinondena nila ang programang “rehabilitasyon” ng administrasyong Aquino sa pamumuno ni Lacson na tumutungo umano sa paggawad ng mga kontratang “rehabilitasyon” sa malalaking negosyante.
Sabi ni Marissa Cabaljao, isa sa mga lider ng People Surge at biktima ng Yolanda, lalong pahihirapan ng pagsasapribado sa rehabilitasyon ang mga mamamayan na aniya’y pagkakakitaan pa ng malalaking negosyante.
Ipinortesta din ng grupo ang tanggapan ng DoE sa ilalim ni Petilla. “Alam naman ni Sec. Petilla na bumalik na ang mga mamamayan sa mga komunidad nila sa karatig ng dagat, bilang protesta sa polisiyang ‘no build zone’ ng gobyernong Aquino,” sabi ni Cabaljao.

‘Oportunismo’ ni Mar
Matapos ang pagsugod ng People Surge sa DSWD noong nakaraang linggo, tinungo nila ang tanggapan ng DILG nitong Abril 2.
Sinabi ng People Surge na “malubhang klase ng oportunistang pampulitika” si Roxas. Ayon sa grupo, ginamit ni Roxas ang kalamidad para pumapel sa publiko at isulong ang kanyang ambisyong tumakbo bilang pagkapangulo sa darating na 2016.
“Matatandaang naandun siya sa Tacloban City bago ang bagyo,” salaysay ni Sr. Edita Eslopor, tagapangulo ng People Surge. “Ngunit umalis din siya bago tumama ang bagyo. Wala ang susing opisyal ng gobyerno upang mangasiwa, at hindi rin siya bumalik sa isipan ng liderato. Hindi madaling malilimot ng mga tao iyon.”
Politikal na oportunismo, sabi ni Eslopor, ang ipinakita ni Roxas. Matatandaan umanong binigyang-diin ni Roxas na hindi alyado ng administrasyong Aquino ang alkalde ng Tacloban City, na inakusahan ni Roxashindi ginagawa ang tungkulin at pinilit na ipasa na lang sa pambansang liderato–sa kanya–ang pamumuno sa relief at rescue sa mga nasalanta.
“Ang pagiging tuso ni Roxas at ng gobyernong Aquino ay umuwi sa di-dapat na pag-aaway sa pulitika (ng mga Aquino at Romualdez) na nakadagdag pa sa kapabayaan sa rescue at relief efforts,” sabi pa ni Eslopor.
Sinabi naman ni Joel Abaño, 72, isa sa mga lider ng People Surge at taga-Tacloban City, na tinatanggihan pa rin ng administrasyong Aquino ang hiling nila na agarang relief na P40,000 sa bawat pamilya. “Iyong pera na iyan ay gagamitin namin sana sa pagbili namin ng pagkain, mga baon ng mga anak namin o apo ko na nag-eeskuwela, pamasahe,” sabi niya.
“Ang panawagan ko ay mag-resign na (si Roxas). Hindi naman siya nakakatulong sa mga sinalanta ng bagyo.Hindi lang sa mga sinalanta, doon pa sa ibang tao na naghahanap ng kanyang serbisyo. Wala na siyang nagagawa,” sabi pa ni Abaño.
Mas matinding bagyo
Ayon pa kay Abaño, nagiging dahilan lamang umano ang No Build Zone para paalisin ang mga mahihirap at palitan ng interes ng mga malalaking negosyante. Binabatikos ng People Surge ang polisiya ng rehabilitasyon na inuna pa ang imprastraktura kung saan malaki ang kita ng mga negosyante, sa halip na pagtuunan ang nasirang agrikultura na kabuhayan ng mayorya ng mahihirap na mga magsasaka sa Eastern Visayas.

“Hindi puwedeng tirhan pero puwedeng magnegosyo. Dati tahimik kaming nabubuhay, pero pagdating ni Yolanda mas nakita namin ang kalagayan namin kung papaano kami kapag wala na kaming bahay… wala na kaming ikabubuhay. Saan na kami?” ayon kay Reyes.
Para naman kay Leon Dulce, campaign coordinator ng Kalikasan, hiwalay sa reyalidad ang “No Build Zone” dahil hindi nito katuwang ang mga mamamayan para mapabuti ang kanilang sitwasyon tuwing may sakuna.
“Kung meron mang tunay na nakakaalam at mapagpasya kung ano talaga ang kanilang ikabubuti, ang mamamayan ang dapat na kinakausap at sinusuportahan ng gobyerno,” ayon kay Dulce.
Para naman kay Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan, kung nais ng gobyerno na magkaroon ng risk reduction at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga natural na kalamidad partikular sa mga nasa baybayin, dapat nitong iprayoridad ang rehabilitasyon ng mga mangrove sa lugar at magpatuyo ng mga pasilidad gaya ng disaster-proof na evacuation centers, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Ginagawa din daw na negosyo ang rehabilitasyon na nagiging mas bukas ang mga coastal areas sa mga negosyante imbes na muling ibangon ang mga mamamayan kung saan sila nabubuhay.
“Hindi mababawasan ang panganib na dulot ng sakuna sa mga baybayin sa pagtataboy ng komunidad mula sa kanilang ikinabubuhay at pinapapasok naman ang mga malalaking proyekto pang-negosyo sa mga coastal areas. Naglalagay lamang ito sa ating mga komunidad sa baybayin partikular ang mga mangingisda sa higit na kahirapan at kagutuman mayroon mang insidente ng sakuna o wala,” ayon kay Bautista.
Ulat nina Pher Pasion, Darius Galang, KR Guda at Boy Bagwis