Buong kalungkutang tinanggap naming kababaihang political detainees o “poldet” ang balitang pumanaw na ang kasama namin dito sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Maikling panahon lang namin nakasama si Eddie “Ka Eddik” Serrano na namatay noong ika-8 ng Enero 2016 habang dapat sana’y nagpapagaling matapos ma-angioplasty sa Philippine Heart Center.
Matapos siyang operahan, pinadalhan namin siya ng isang kakatwang “get well soon” card sa paghahangad naming mapangiti siya kahit paano, dahil nalaman namin ang hirap na dinanas niya nang atakihin sa puso isang gabi sa kanilang selda. Ngunit hindi madali ang komunikasyon sa pagitan namin at kalalakihang poldet na nasa ibang gusali kaya’t hindi na namin mahigpit na nasubaybayan ang kanyang kalagayan hanggang sabihin na lamang sa amin ng aming mga abugado ang balita.
“Hanggang sa huling hininga,” sabi ni Presentacion “Ka Precy” Saluta, isa ring poldet, “naging matatag si Ka Eddie sa kanyang paninindigan sa kabila ng napakabigat na hirap at dinanas na inhustisya. Naaresto si Ka Eddik sa gawa-gawang mga kasong murder at illegal possession of explosives sa panahon ng rehimeng Arroyo. Nakapangalan sa isang “Rogelio Villanueva” ang warrant of arrest. Sa kabila ng kanyang mga patunay na hindi siya si Villanueva, inabot ng 11 taon bago siya napawalang-sala sa korte sa dalawang kaso dahil walang anumang ebidensiyang siya si Villanueva.
Masaya kaming mga poldet noong Setyembr 2015 sa PNP Custodial Center ng Camp Crame, kung saan kami unang nagkasama-sama nina Ka Eddik, nang una siyang maabsuwelto sa isang kaso.
Bagamat alam niyang may mga balakid pa, nagsimula na siyang umasang makakalaya na rin sa wakas. Para sa amin namang nahaharap din sa gawa-gawang mga kaso, ang paglaya ng isa ay parang paglaya ng lahat, at anumang ganoong balita ay nagiging okasyon upang magsaya, gaano man kaikli ang mga pagkikita. Walang patid ang mga pagkamay at pagbati sa kanya ng mga kasamang poldet, at maging iba pang mga detinidong naging kabatian na rin niya sa loob ng ilang taon ng pagsasama sa piitan.
Pero makalipas lang ang ilang araw, bigla naman siyang inilipat, kasama ng anim pang kalalakihang poldet sa mas malaki ngunit higit na mas masikip sa kulungan sa SICA-1, Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Peligrosong nagtaasan ang blood pressure ng mga matatanda’t maysakit, kabilang na si Ka Eddik. Ngunit hindi binigyang puwang ng Custodial ang aming kalagayang pangkalusuhan, at itinulot din ang paglipat. Doon ko na nakita si Ka Eddik.
Pagbalik ko sa Crame (ililipat din ako sa SICA-1 kasama ang dalawa pang babaing poldet. Kahit alam ng Custodial na walang babaing detinido doon, dinala pa rin kami bilang pagsunod daw sa utos ng korte. Ibinalik din kaming tatlo noong gabing iyon sa Crame), doon ko na nakilala si Ka Eddik bilang isang alagad ng sining. Siya pala ang lumilikha ng magagandang greeting card na gumagamit ng mga tuyong dahon at bulaklak at materyales mula sa bilap. Doon ko rin nakita ang isang napakagandang bonsai na sampalok na itinanim niya at matyagang kinurbahan at inalagaan sa loon ng maraming taong pagkapiit niya sa Crame.
Naalala namin siya ngayon bilang isa sa mga masayahin ngunit mahinahong kasama, na madaling lapitan at kausapin kahit hindi mo siya masyadong kilala-walang dudang mga katangiang napaunlad niya sa mahabang panahong pakikipamuhay sa mga magsasaka’t pamayanang katutubo sa Timog Katagalugan.
Para sa aming mga detinidong pulitikal, simbigat ng bundok ang pagkamatay ni Ka Eddik ngunit natatanglawan kami ng kanyang pamanang aral at naging buhay upang makapanatiling matatag at mahusay makipagkapwa-tao sa kabila ng panggigipit ng estado. Mga aral na nakatanim ito sa aming diwa’t isipan, at tatanganan habang sinusuong ang aming sariling pakikibaka para sa paglaya. Paghahanda namin ito para sa muling pagkilos nang buong panahon at buong katapaan–tulad ng ginawa ni Ka Eddik sa mahabang panahon para sa kapakanan ng sambayanan.