Aktibistang manunulat na si Amanda Echanis, malaya na


Inabsuwelto ng korte sa Tuguegarao City, Cagayan ang manunulat at tanggol-magsasakang si Amanda Echanis sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives matapos ang limang taon pagkakabilanggo.

Laya na si Amanda Echanis, 37, isang manunulat at tanggol-magsasaka, matapos siyang iabsuwelto ng Tuguegarao Regional Trial Court Branch 10 sa Cagayan mula sa mga gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Limang taong ipiniit si Echanis sa Cagayan Provincial Jail. 

Inaresto si Echanis madaling araw ng Dis. 2, 2020 kasama ang kanyang isang buwang gulang na sanggol sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan. Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ang bahay na tinutuluyan ni Echanis at may natapakan umanong isang sakong naglalaman ng M-16 rifle, mga bala at isang granada. 

Sa panayam kay Jobert Pahilga ng Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), isa sa mga abogado ni Echanis, itinanim ang mga ebidensiya at hindi kapani-paniwala ang pahayag ng pulisya sa sirkumstansiya ng pagkakakita sa sinasabing natapakang sako.

Dagdag ni Pahilga, hindi nakasaad sa search warrant ang ekasktong lugar na  hahalughugin ng pulisya. Ang sinasabing natapakang sako ay wala sa loob ng tinutuluyang silid ni Echanis at wala sa kanyang posesyon. 

Sa inilabas na hatol ni Judge Racquel Reyes-Aglaua, sinabi nitong bigo ang prosekusyon sa pagbubuo ng sapat na mga batayan at ebidensiya para patunayan ang mga paratang kay Echanis. 

Ayon sa desisyon, kahina-hinala ang naging buong kondukta ng search operation ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 2 sa tinutuluyang bahay ni Echanis.

Aniya, kaduda-duda ang mahigit tatlong oras na paghihintay bago sinimulan ang paghahalughog, ang limitadong galaw ng mga saksi sa pagsubaybay sa operasyon at ang kawalan ng maayos na dokumentasyon ng mismong pulisya. Dahil dito, idineklarang “inadmissible” o hindi katanggap-tanggap sa korte ang mga ebidensiyang nakuha umano mula sa paghahalughog. 

Dagdag pa, saad ng desisyon, hindi napatunayang nasa posesyon ni Echanis ang mga sinasabing nasamsam na kontrabando. 

Si Amanda Echanis (gitna) kasama ang kanyang legal team at si Gabriela Rep. Sarah Elago (dulong kanan). Larawan mula sa Free Amanda Echanis Movement

“Nagpapasalamat ako sa lahat for being courageous [against the] military, police and NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict),” ani Linda Lacaba-Echanis sa panayam sa Kodao Productions hinggil sa paglaya ng kanyang anak. Puno ng pasasalamat ang si Lacaba-Echanis sa lahat ng sumuporta sa kanilang pamilya at pinagpugayan din ang katapangan ng kanyang anak.

Positibong sinalubong din ng grupong Karapatan ang naging pasya ng husgado. Ayon kay Karapatan national secretary general Cristina Palabay, pinatutunayan ng desisyon ang matagal nang paninindigan ng mga kapamilya, abogado, kasama at ni Echanis mismo na siya’y inosente at ang mga kasong isinampa sa kanya ay pawang gawa-gawa. 

Sa parehong tono, idiniin ng Sentra sa kanilang pahayag na habang sinasalubong nila ang positibong pasya, dapat ding araling mabuti at baguhin ang mga sirkumstansiyang nagdulot sa mahabang pagkakapiit ni Echanis para maabot ang ganap na pananagutan. 

Ayon sa Karapatan, dapat may managot sa limang taong ninakaw na panahon kay Echanis at sa kanyang anak dahil sa hindi makatarungang pagkakapiit. Dagdag pa, hanggang nagpapatuloy ang kultura ng kawalang pananagutan, hindi matatapos ang mga ganitong klaseng pang-aabuso. 

Kasabay ng pagsalubong sa paglaya ni Echanis, ang malakas na panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa pagpapalaya ng iba pang lider-magsasaka at organisador sa Cagayan Valley. 

Para kay KMP secretary general Ronnie Manalo, ang pagkukulong kay Echanis ay hindi nahihiwalay sa karanasan nina Cita Managuelod at Isabelo “Ka Buting” Adviento, mga lider-magsasaka sa Cagayan Valley na sinampahan ng terrorism financing at ni Stalin Valencia na dinukot ng armadong puwersa ng estado at kumakaharap na rin sa mga gawa-gawang kaso. Aniya, bahagi ito ng tuloy-tuloy na pasistang atake ng estado sa mga magsasaka at mga aktibistang lumalaban para sa tunay na repormang agraryo. 

Para sa Karapatan, Sentra, KMP at ng lahat ng mga tagasuporta sa ilalim ng Free Amanda Echanis Movement, tuloy-tuloy ang laban para sa pagpapalaya sa halos 700 pang bilanggong politikal sa buong bansa at sa pagbabago ng sistemang tumutugis sa mga boses ng pagbabago at katarungan.