Konteksto

Pajero


Mas bago, mas malaki, mas mabilis!

Matapos ang halos dalawang dekadang pagmamaneho ng Suzuki Vitara, nakahawak din ng “yayamaning” sasakyan sa maikling pagbisita sa Bikol. Mas bago, mas malaki, mas mabilis!

Para sa hamak na peryodista’t guro, malaking bagay ang makapagmaneho ng katulad nito. Bukod sa malakas ang hatak ng makina, magaan pa ang kontrol sa manibela. Sobrang lamig din ng aircon kahit maraming nakasakay. Hindi ramdam ang sanlaksang lubak na dinaanan. Walang problema sa pag-ahon sa matarik na daan. Makapit ang preno kahit sa medyo delikadong maniobra pababa.

Sa pagbiyahe sa Bikol kamakailan, siyempre’y layuning makapiling kahit sa maikling panahon ang asawa’t anak. Pero kailangan ding aminin ang pagnanasang makapiling ang inaasam na Mitsubishi Pajero.

Kaya nga makalipas lang ng ilang oras na pahinga sa Tabaco, pinaandar na ang sasakyan. Tila naghahamon ng karera ang tunog ng makina. Medyo kabado sa simula pero natantiya naman ang lapad ng sasakyan kaya bumilis din kinalaunan. Sa madaling salita, naging “mayabang” na rin sa pag-arangkada.

Deretso na ang mga bida sa Naga gamit ang “bagong” Pajero. Hindi inalintana ang dalawang oras na mahabang biyahe dahil tuwang-tuwa ang asawa’t anak, pati na ang iba pang kasamang kamag-anak. Hindi matapos-tapos ang tawanan, kuwentuhan at kulitan. Ang taga-Maynilang “designated driver,” sige lang sa pagmamaneho at hindi man lang napagod dahil nga sa “bagong” sasakyan.

Gaano ba kabago ito? Linawin lang na hindi ito brand new. Natiyempuhan lang na may nagbebenta sa “makatarungang presyo” at maganda ang kondisyon ng sasakyan, ayon sa pinagkakatiwalaang mekaniko. Mabilis na nagkasundo at nakuha kaagad ito.

“Ganito pala ang pakiramdam ng mayaman!” sambit ng isa sa loob ng sasakyan. Siyempre, biro lang ito. Sa pamantayan ng mga mayaman at makapangyarihan, ordinaryong sasakyan kasi ang Pajero. Sabi nga ng sikat na anak ng dating pangulo, ito ang ginagamit ng mga kasambahay niya kapag kailangang mag-grocery. Kung sabagay, malaki nga ang espasyo sa likod kaya mapagkakasya ang mga pinamili kahit na pitong katao pa ang nakasakay. May direkta nang kaalaman sa Pajero dahil personal na itong inamoy at hinawakan!

“Naliun!” hirit ng ilang nakasakay sa pangisi-ngising drayber habang binabagtas ang daan sa isang sikat na resort sa Naga. Isang gabi lang namang nanatili roon para makapag-swimming ang lahat, lalo na ang anak.

Mula roon, dumeretso ang magkakamag-anak sa isang sikat na grocery para mananghalian at mamili ng ilang pangangailangan sa bahay. Sa loob-loob ng bidang drayber, para siyang kasambahay ng sikat na anak ng dating pangulo dahil sa sasakyang hawak niya.

Tulad ng salitang “nali” sa Bikol, mahirap isalin sa Tagalog o anumang wika ang nararamdaman habang sinusulat ito. Sobrang saya, nasasabik sa mangyayari kinabukasan. May kaunting pag-aalala sa gastusin pero mukhang kakayanin naman.

Siyempre’y nabawasan ang naipon pero kasama naman ito sa plano ng pamilya. Magandang may ikalawang sasakyan bukod sa Vitara. Praktikal na mas gamitin ang “bagong” Pajero sa Tabaco kung saan nananatili ang asawa sa ngayon samantalang nasa Maynila ang matagal nang ginagamit na Vitara ng bidang drayber.

Kung sakaling maulit ang pagbisita sa Bikol ng “naliung” peryodista’t guro, asahang muling mayayakap hindi lang ang asawa’t anak kundi ang Pajero. Biro ng mga kamag-anak, baka nga raw mas mapadalas na ang pagbiyahe sa kabila ng napakahigpit na iskedyul sa Maynila!

Oo, may materyal na batayan ang pagbabalik. Pero siyempre’y higit pa sa sasakyan ang dahilan. Hayaan ang pansamantalang kababawan bunga ng eskapistang kasiyahan. Matapos ang kasalukuyang kasabikan sa “bago,” tuloy lang ang pakikipagsapalaran sa sama-samang pagbiyahe kinabukasan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com