Kuwentong Kabataan

Radikal ang pagkalinga sa kalusugang pangkaisipan

Dahil sa mga krisis na tila ba wala sa ating kontrol, tayo bilang mga indibidwal ay makakaranas talaga ng kawalang pag-asa at panlulumo.

Higit isang taon akong namalagi sa rehab, hindi dahil sa substance abuse, drug abuse o adiksyon sa sugal, kundi dahil sa makulit at paulit-ulit na pananalasa ng aking bipolar disorder. Sa mahabong panahon, mystified ako sa sariling sakit. Kaakibat nito ang pagtanggi ng sarili na materyal na realidad ang pang-araw-araw na klinikal na sintomas ng kapansanan ko.

Kapag nasa manic state, wala akong tulog; may labis-labis na kagustuhang makatapos magbasa ng apat na libro sa isang buong linggo; napakadaldal at napakabilis magsalita; at matindi ang pagbulusok ng mood. Kapag nasa depressed state, ayaw na ayaw kong maligo, kumain, bumangon sa kama o gumawa ng kahit ano. Gusto ko lang umiyak o mahulog sa kawalan. Malala kapag nasa mixed state: nagiging mapanganib ako sa sarili.

Halos isang dekada na ang lumipas mula nang maibaba sa akin ng psychiatrist ang opisyal na diagnosis sa bipolar disorder. Hanggang ngayon, nangangapa pa rin ako at aking mga mahal sa buhay sa kung paano kami iiral at mabubuhay nang matiwasay habang mayroong ganitong sakit. Ang bipolar disorder kasi ay kasing-life-threatening ng atake sa puso o diabetes. ‘Di lantad, ngunit maaaring makawasak ng buhay kapag di lubos na natugunan.

Madalas sinasabi nga ng mga kasama na ayos lang magpahinga habang hinaharap ang sariling mental illness. Madalas din, hindi alam maski ng mga kasama kung paano dapat tratuhin ang mga taong may mental illness. Ang masakit dito, dalawa ang nagiging landas ng pagtugon: nagbabago ang pagtrato sa kasama at nakikita bilang pabigat, o nagiging indibidwalistiko ang pagharap sa paghahanap ng treatment.

Sa kabila nito, naniniwala akong radikal at militante dapat ang pagtanaw natin sa kalusugang pangkaisipan. Batay sa sariling danas at sa tindi ng krisis natin ngayon, lunsaran ng pagmulat ang pagsusuri at pag-aaral natin hinggil sa mga mental illness. 

Sa aklat na “Unbecoming” ni Angeli Lacson, inilarawan ng awtor kung ano ang kongkretong kalagayan ng mga persons with disabilities (PWDs) sa Pilipinas. Ginamitan niya ng lente ng class analysis ang kanyang aklat.

Partikular na napatampok ang naging sariling karanasan niya sa psych ward, kung saan siya, gaya ko rin, ay nawalan ng autonomy o agency sa pag-iral bilang tao. Literal at metaporikal na nawalan siya ng boses. Inilarawan din niya ang karanasan sa unibersidad, kung saan kinailangan niyang magbigay ng patunay sa mga danas niya bilang PWD upang mapayagan na mabigyan ng karampatang parangal bilang mag-aaral.

Sa pagbasa ko ng kanyang aklat, naintindihan kong ang treatment at pag-unawa sa mental illness ay nagiging pasanin ng indibidwal at ng kanyang mga mahal sa buhay. Napansin kong mas may simpatya pa nga at kapasidad sa pang-unawa ang mga tao sa mga lantad na kapansanan kaysa sa mga ‘di litaw na kapansanan gaya ng bipolar disorder.

Ang pinakamahalagang bahagi ng aklat ng awtor ay ang pagdugtong niya sa materyal na realidad ng mental disorder sa mga epekto ng kolonyalismo sa atin dito sa Pilipinas.

Isang halimbawa rito ang pagbanggit sa danas nina Sisa at Maria Clara sa “Noli Me Tangere”. Si Sisa na tuluyang nawala sa sarili dahil sa paghahanap niya sa kanyang mga anak at kalauna’y namatay, habang si Maria Clara na ipinasok sa kumbento at kalauna’y nagtungo sa tuktok ng tore nito upang sana’y wakasan ang kanyang buhay.

Natural ang pagtagos ng pagdurusa at pasakit sa ating kalusugang pangkaisipan dahil nakatira tayong lahat sa isang mapangsamantala at mapang-abusong lipunan.

Dahil sa mga krisis na tila ba wala sa ating kontrol—ang pagsirit ng presyo ng langis dahil sa agresyon ng US-Israel sa Iran, ang pagpapanatili sa mababang sahod sa mga manggagawa, ang patuloy na pangangamkam ng lupa at militarisasyon sa kanayunan, ang katakut-takot na pandarambong ng mga makapangyarihan—tayo bilang mga indibidwal ay makakaranas talaga ng kawalang pag-asa at panlulumo.

Mas naintindihan ko pa ang epekto nitong malakolonyal at malapiyudal na lipunan dahil sa mga sulatin ni Frantz Fanon, isang French psychiatrist na naglabas ng mga pagsusuri noong panahon ng Algerian war hinggil sa pagtagos ng kolonyalismo sa mga mamamayan ng Algeria.

Bagaman iba ang espesipikong kondisyon ng Pilipinas sa kalagayan ng mga taga-Algeria, naintindihan ko ang sinasabi ni Fanon na niyakap natin bilang mga nasakop ang pananaw ng mga mananakop. Litaw ito sa ating paraan ng pag-iisip, wika at pag-iral sa pang-araw-araw bilang tao. Nasakop hindi lang ang ating politika at ekonomiya, pati ang ating kultura, sikolohiya, pilosopiya at edukasyon.

Sa huli, radikal ang pagkalinga natin sa kalusugang pangkaisipan. Sabi nga ni Mariame Kaba, “Let this radicalize you rather than lead you to despair.” Dahil nais nating marating ang tunay na kalayaan at kasarinlan mula sa kabulukan ng malakolonyal at malapiyudal na lipunan, kaakibat dapat ng pagpapalaya ang pagdamay sa ating kalusugang pangkaisipan at pagbibigay-halaga sa kolektibong pagkalinga.

Bahagi ito ng malawak nating pakikibaka laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang hangarin ko ay maging ganap na bahagi ito ng ating sumud—ang ating pang-araw-araw na paglaban, saan man tayo sa daigdig.