Blackboards

Mukha ng lipunan sa mukha ng kabataan


Sa pampublikong diskurso, mas mabilis pang makilala ang kabataan bilang nagkasala kaysa bilang biktima ng mas malawak na kabiguang panlipunan.

Sa tuwing nasasangkot ang kabataan sa paglabag sa batas, ang unang tanong ng pulisya at ng estado ay kung paano siya mapaparusahan nang mabigat. Bihira nilang itanong kung anong uri ng lipunan ang humubog sa batang iyon.

Matapos ang mga kamakailang insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Cavite at Tacloban, muling lumitaw ang panawagang ibaba ang edad ng pananagutang kriminal, isang panukalang matagal nang isinusulong ng mga politikong naniniwalang ang mas mabigat na parusa ang susi upang mapigilan ang mga krimen sa hinaharap.

Nakasandig ang panawagang ito sa isang payak na palagay: nagsisimula at nagtatapos ang problema sa batang lumalabag sa batas. Kung gayon, natural lang diumano na ang solusyon ay ituon din sa kabataan. Kung siya ang pinagmumulan ng problema, siya ang dapat sumailalim sa mas mahigpit na disiplina at kaparusahan. Sa ganitong pagtingin, ang higit na pagpaparusa ay nagiging katumbas ng higit na kaligtasan.

Ngunit sa ganitong paraan, ang karahasan ay itinuturing na usapin sa moralidad sa halip na isang penomenong nakaugat sa kongkretong kalagayang panlipunan. Inihihiwalay ang bata sa kapaligirang humubog sa kanya, sa mga institusyong nakaimpluwensya sa kanyang paglaki at sa lipunang ang mga kontradiksyon ay hindi niya maiiwasang madala sa kanyang pagkatao.

Subalit lumalaki ang kabataan sa loob ng mga pamilyang araw-araw na nakikibaka sa kahirapan, sa mga paaralang kulang sa tauhan at pasilidad, sa mga komunidad na pinahihirapan ng kawalan ng oportunidad, at sa isang kulturang unti-unting nababalot ng agresyon, pang-aalipusta at pagkawalay. Hindi dapat ikagulat ng isang estadong naglalagak sa milyon-milyon sa kalagayan ng kawalang-katiyakan kung ang ilan sa pinakamalalalim nitong bitak ay lumilitaw sa hanay ng kabataan.

Kapansin-pansin na habang lalong tumitindi ang mga suliraning panlipunan, lalo ring nagiging karaniwan sa naghaharing kaayusan ang pagharap sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kapangyarihang koersibo ng estado.

Ang kahirapan ay tinatapatan ng higit na pagpupulis sa halip na tunay na redistribusyon ng yaman. Ang pag-aaklas ay itinuturing na banta sa seguridad sa halip na sintomas ng mga hinaing na hindi nalulutas. Sa gayunding paraan, ang karahasan mula sa kabataan ay hindi kinikilala bilang babala hinggil sa kalagayan ng lipunan kundi bilang katuwiran upang palawakin pa ang saklaw ng pagpaparusa ng estado.

Matingkad itong makikita sa usapin ng pananagutang kriminal ng mga menor de edad. Ang tanong ng estado ay kung paano mas mapaparusahan ang kabataan. Hindi nito itinatanong kung bakit nananatiling kulang sa tauhan at suporta ang mga paaralan, kung bakit hindi naaabot ng nakararaming kabataan ang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, kung bakit patuloy na namumuhay ang maraming pamilya sa gitna ng kawalang-katiyakan, o kung bakit naging pangkaraniwang bahagi ng araw-araw na buhay ang iba’t ibang anyo ng karahasan.

Sa pampublikong diskurso, mas mabilis pang makilala ang kabataan bilang nagkasala kaysa bilang biktima ng mas malawak na kabiguang panlipunan.

Kung ibababa ang edad ng pananagutang kriminal, dadami ang kabataang sasailalim sa pag-uusig at pagkakakulong ngunit hindi nito mababago ang materyal at panlipunang mga kondisyong nagluluwal ng desperasyon, alienasyon, poot at karahasan.

Higit na nakababahala na unti-unti nitong binabago ang pagtingin ng lipunan sa kabataan mismo. Hindi na pangunahing tinitingnan ang kabataan bilang mga taong nasa proseso ng paghubog na nangangailangan ng proteksiyon, paggabay at kolektibong pananagutan. Sa halip, mas nakikita sila bilang mga potensiyal na banta na dapat disiplinahin at parusahan. Ang wika ng pag-aaruga ay napapalitan ng wika ng seguridad.

Dapat itong ikabahala ng sinumang nagpapahalaga sa demokrasya at karapatang pantao. Ang isang estadong tumutugon sa kabiguan ng sarili nitong mga institusyon sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kapangyarihang mapagparusa ay tanda ng pagbulusok tungong pasismo.

Sa huling pagtatasa, marapat tanungin kung anong uri ng daigdig ang humubog sa kabataan at mamamayan nito. Hangga’t hindi seryosong sinasagot ang tanong na iyon, ang mga panawagang ibaba ang edad ng pananagutang kriminal ay mananatiling pagpaparusa sa mga sintomas ng krisis sa halip na bigyan ng lunas ang mga kondisyong lumikha rito.