Agresyon, hindi modernisasyon
Malinaw na makikita sa talaban ng propaganda ang sinasabing makauring katangian ng wika.
Konektado sa manera ng mga dayuhang kapitalista at mga malalaking negosyante sa bansa ang pagkontrol sa diskurso at paglikha ng naratibo. Kasama ito sa maaaring susunod na kaharapin ng mga mamamayang direktang maaapektuhan ng mga proyekto para sa “clean energy.”
Isang halimbawa nito ay ang naratibong ang mga tumututol sa jeepney phaseout ay tutol din sa modernisasiyon. Sinimulan ito ng mga balita tungkol sa ilang lumang jeepney units na nagdudulot umano ng panganib sa mga mananakay. Mula roon, sumunod naman ang pagsusulong na gawing modernisado ang mga jeepney upang masigurong ligtas ang mga komyuter.
Sa ganitong anggulo, interes ng parehong mamamayan ang tila nagtatalaban. Kaya sa wika ng protesta, mahalagang gamitin at ipopularisa ang “jeepney phaseout” sa halip na “jeepney modernization” dahil hindi tutol sa modernisasiyon ang mga drayber, opereytor at komyuter.
Ngunit mahalagang linawin muna kung bakit sa kontekstong ito ng modernisasiyon, labis na maghihirap ang sektor ng pampublikong transportasyon?
Ganito rin ang tinangkang gawin noong kainitan ng mga kilos-protesta laban sa Kaliwa-Kanan Dam sa Rizal at Quezon. Pinatingkad noon sa balita ang rotasyon ng mga mawawalan ng tubig sa ilang siyudad sa Metro Manila dahil daw nagkukulang na ang suplay mula sa Angat Dam.
Ang pinalitaw na solusyon ay ang pagtatayo ng Kaliwa-Kanan Dam. Muli, pinalabas na mamamayan laban sa kapwa mamamayan ang isyu; kultura at kasaysayan ng mga katutubo laban sa buhay ng mga tagasiyudad.
Bagaman pinagsasanib ng mga mamamayan ang siyensiya, kultura at relihiyon sa kanilang gamit pampropaganda, hindi malayong gamitin ang anggulo ng pagiging ‘atrasado‘ at ‘makaluma’ upang muling pagmukhaing interes lang ng mga mamamayang may magkaibang pananaw ang naglalaban.
Hindi malayong gamitin din ang ganitong taktika upang tapatan ang patuloy na lumalakas na pagtutol ng mga mamamayan sa mga proyektong dam, wind farm, solar farm at iba pa. Maganda pakinggan ang pihit tungo sa paggamit ng renewable energy sources sa bansa, lalo dahil isa sa dominanteng usapin ngayon ang labis na mataas na singil sa kuryente.
At saan pa nga ba maaaring itayo ang mga imprastruktura ng mga ito kundi sa mga probinsiya na may malalaking anyong tubig at kapatagan na wala pa masyadong matataas na gusali.
Isang halimbawa ang kasalukuyang itinatayong Ahunan Dam sa Pakil, Laguna. Ang Ahunan sa Ping-as ay isang tradisyon ng mga residente kung saan inaakyat nila ang 500 metrong Bundok Ping-as bitbit ang malaking krus at saka magdaraos ng misa sa tuktok nito. Maging pangalan ng tradisyon ay inangkin upang ipangalan sa dam na itinatakwil naman ng mga mamamayan.
Matingkad ang kaibahan sa pagitan ng imahen ng itinatayong imprastruktura para rito at ang mga simpleng kabahayan sa paanan ng bundok at tabing lawa. Sa ilang araw na nakabisita kami roon ay halos mga senior citizens pa ang nanguna sa isang silent protest sa harap ng 250 taong Saint Peter of Alcantara Parish Church pagkatapos ng misa.
Bagaman pinagsasanib ng mga mamamayan ang siyensiya, kultura at relihiyon sa kanilang gamit pampropaganda, hindi malayong gamitin ang anggulo ng pagiging “atrasado” at “makaluma” upang muling pagmukhaing interes lang ng mga mamamayang may magkaibang pananaw ang naglalaban.
Sa ganito ring naratibo epektibong nawawala sa kuwento ang dambuhalang korporasyon at ang makasariling interes nito na lagi at tunay na salungat sa interes ng mamamayan.
Malinaw ding makikita sa talaban ng propaganda ang sinasabing makauring katangian ng wika. Sa mga napapanood at nababasang balita nabubuo ang mga naratibong huhubog sa ating pananaw kung ang isang proyekto ba ay makatutulong sa atin o hindi, nakasasama ba palagi ang modernisasiyon, magkatunggali nga ba ang kasaysayan at kaunlaran.