Kaba ng kabataan
Naging mindset ko na ang pagkakaroon ng anak ay hindi blessing at isang balakid sa pangarap.
Madalas kaming takutin ni Mama dati na kapag naging makulit kami habang nagsisimba sa Quiapo—iiwan niya kami doon sa mga taong grasa at hindi na babalikan. Malimit din niyang sabihin na sana hindi muna siya nagkaanak para natuloy siyang maging nurse at nakapag-abroad na sana.
Sa mga sinabi ni Mama, naisip kong baka ayaw niya sa amin dahil ganoon lang kadali sa kanya sabihin ang mga salitang iyon. Maraming kapwa nanay ni Mama ang nagbahagi sa kanya na dapat ay ganito o ganyan sila pero hindi natuloy dahil maagang nagkaanak—mga kuwento ng naudlot nilang pangarap sa buhay. Napagtanto kong hindi masaya magkaroon ng anak at ang mga bata ay sagabal sa pangarap.
Habang tumatanda ako, marami pang nangyari sa aking mga kakilala ang nagtulak sa akin para magdesisyon na huwag magkaroon ng pamilya o anak sa hinaharap. Naging mindset ko na ang pagkakaroon ng anak ay hindi blessing at isang balakid sa pangarap. Binalot ako ng takot sa posibilidad na hindi ako makapagtapos kaya ipinangako ko na hinding-hindi ako magkakaanak at ituon na lang ang atensiyon sa magulang.
Pero akalain mo nga naman, pumasok na lang ako ng university na parang may bola ng basketball sa tiyan. Kinain ko lahat ng sinabi ko at sa dami ng kababaihan sa mundo ay isa ako sa “nabiyayaan” ng supling na kailan ma’y hindi ko hiniling.
Noong unang nalaman ko, parang gumuho ang mundo ko. Umiyak ako, pero sigurado akong hindi dahil sa tuwa iyon. Maraming ideyang nagpayanig sa isip ko—hindi ko pa kaya magkaroon ng responsibilidad dahil gusto ko pang tapusin ang kolehiyo. Nakapagdesisyon akong mas unahin ang pagiging kabataan kaysa sa buhay na nasa tiyan ko.
Sa isang iglap, parang gumaan lahat ng pasanin ko at nabura yung mga agam-agam sa isip ko. May kumislap sa loob ko at sinasabing kaya ko at kakayanin ko pa sa mga susunod na panahon, kaya ‘wag akong pinanghihinaan ng loob.
Pero ganoon pala ‘yon? Noong nakita ko sa ultrasound ‘yong hugis sanggol, ‘yong mga maliliit niyang kamay at paa, bigla akong nandiri sa sarili ko. Naatim kong mag-isip ng mga hindi makataong bagay laban sa walang muwang na nilalang.
Sa isang iglap, nagbago ang konsepto ko sa pamilya. Nagkaroon ng maliit na parte sa puso ko ang gustong patunayan sa ibang tao na hindi pabigat ang bata dahil ako rin ay dumaan sa pagiging bata, maging sila.
Hindi man sigurado ay sumugal ako. Salamat sa suporta ng pamilya ko, nakapagdesisyon ako nang maayos at naitawid ang sarili mula sa pagsubok na ito.
Kahit mahirap ay pinagsabay ko ang responsibilidad ko sa paaralan at pag-aalaga sa sariling kalusugan. Araw-araw akong bumabiyahe mula Pampanga hanggang Sta. Mesa papasok sa unibersidad, lakad-takbo sa bawat terminal para mahabol ang oras ng klase.
Hindi rin ako nagpahuli sa mga aktibidad, mahabang lakaran man ‘yan o isports. Nakakatawang isipin na nalibot namin ng mga kaibigan ko ang buong Maynila kahit malabola na sa bilog ang tiyan ko at nagawa ko pang mag-intense practice sa badminton noong naghahanda kami para sa final exam sa pathfit.
Noong nalaman ng guro ko sa pathfit na nagdadalang tao ako, sobrang tuwa niya na aktibo ako gumalaw at nakipagkuwentuhan pa tungkol sa mga bagay-bagay.
Nakumpirma rin ng mga kaklase ko ang kalagayan ko at walang sawang pinuri ako sa pagiging matatag ko.
Sa isang iglap, parang gumaan lahat ng pasanin ko at nabura yung mga agam-agam sa isip ko. May kumislap sa loob ko at sinasabing kaya ko at kakayanin ko pa sa mga susunod na panahon, kaya ‘wag akong pinanghihinaan ng loob.
Kaya naman ito ako ngayon, may limang buwang gulang na batang lalaki, masaya sa takbo ng buhay bilang may asawa at biyaheng third year college na.
Patuloy ko pa ring inaabot ang hangarin ko sa buhay na ipakita sa lahat na hindi magiging balakid ang bata sa mga pangarap at sila ang pag-asa ng sambayanan. Malapit nang matapos ang biyahe sa kolehiyo pero malayo pa ang biyahe sa buhay.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.