Sa nayon at lungsod, wala pa ring tubig


Patuloy ang pagdurusa ng mga konsyumer sa palpak na serbisyo sa tubig sa maraming bahagi ng bansa habang mataas ang singil at lumalaki ang kita ng mga pribadong korporasyong may hawak sa mahalagang yutilidad na ito.

Wala pa ring tubig! Ito ang pare-parehong hinagpis ng marami sa mga kababayang Pilipino. Habang walang tulo ang mga gripo ng mga kabahayan, sagana ang agos ng kita ng PrimeWater na dating pinagmamay-arian ng pamilya Villar, Manila Water ni Enrique Razon Jr., Maynilad ni Manny V. Pangilinan at iba pang pribadong kompanya. 

Noong 2025, nasiwalat ang kabulukan ng serbisyong tubig lalo na sa PrimeWater. Naglabasan online ang mga bidyo, larawan at mga social media post ng mga galit na konsyumer. Madumi, mabaho at palaging wala—ganyan nila inilarawan ang serbisyo. Sa kabila nito, hindi nababawasan at sumisirit pa nga ang buwanang singil sa tubig.

Ayon sa pag-aaral ng Water for the People Network (WPN), lumobo ang kita ng PrimeWater ng halos pitong beses mula 2017 hanggang 2024. Ang kita ay mula sa 77 joint venture agreements (JVA) ng kompanya sa buong bansa.

Bunsod ng tuminding hinaing ng mamamayan, ipinag-utos ng Malacañang na pangunahan ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ang imbestigasyon sa mga JVA ng pamilya Villar sa iba’t ibang local water district. Pero mahigit isang taon na, nganga pa rin ang taumbayan sa resulta nito. 

“[Sa isang senate hearing], tinanong ko ‘yong LWUA, kasi wala pa ngang resulta. Ang sagot nila, ni [LWUA Administrator Jose Moises] Salonga, hindi pa ipinapalabas ang resulta ng Malacañang,” ani WPN spokesperson Leo Espelimbergo. “Nakakalungkot kasi hanggang ngayon, wala pa rin.”

Patuloy naman ang pagdurusa ng mga konsyumer. Kagaya na lang sa San Jose del Monte City, Bulacan at Barangay Cotta, Lucena City, Quezon, at kahit sa pusod ng Quezon City, sa Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa—araw-araw na perhuwisyo ang bulok na serbisyo ng mga naglalakihang korporasyon.

Binansagang “CrimeWater” ang PrimeWater dahil sa mala-krimeng kapabayaan sa serbisyo. Maria Almira Abril/Pinoy Weekly File Photo

Palaging laman ng kuwento ni Espelimbergo ang napakagandang serbisyong tubig ng kanilang local water district noon. Aniya, kinilala pa ang kanilang water district bilang isa sa pinakamahusay at kumikitang water district sa buong bansa. Wala raw silang problema sa kalidad at suplay ng tubig.

“Wala ng minimum charge, per cubic meter na lang. Pero nang ipinasok sa joint venture at isinapribado, wala na naman,” pagbabahagi ni Espelimbergo. Dagdag niya, sa kabila ng bulok na serbisyo ng PrimeWater, itinaas pa ang singil sa kanilang konsyumer.

“P265.63 ‘yong unang 5 cubic meter, ibinaba mula sa dating 10 cubic meter na P200 lang. Kaya paglagpas mo ng 5 cubic meter, iba na presyo. Gano’n din kapag lagpas mo ng 10 cubic meter. ‘Yong mga sari-sari store o MSME, P1,200 ang minimum [sa kada buwan].” 

Bagama’t pumosisyon ang pamahalaang lokal at ang water district ng San Jose del Monte City na kumalas mula sa JVA sa PrimeWater, ani Espelimbergo, sa huli ay napunta lang muli sa kamay ng panibagong malaking kompanya.

“Nagdeklarang walang pasok sa lahat ng schools dahil walang tubig, ang kasunod [nagdeklara ng] state of calamity, [humingi ng] special powers para daw ang LGU magawa niya ang puwede niyang gawin, partikular ‘yong executive. Pagkatapos noon, [nagpakilala] sila ng ‘temporary’ na provider ng tubig. ‘Yong Metro Pacific Water, Maynilad din, Pangilinan din ‘yan,” aniya.

Pagpasok ng Hunyo, nagsimula na ang operasyon ng Metro Pacific Water, isang subsidyaryo ng Metro Pacific Investments Corporation ni Pangilinan. Siya rin ang chief executive officer ng Manila Electric Company o Meralco

Para kay Espelimbergo ang simpleng solusyon sa problema ay kumalas sa JVA sa mga pribado at ibalik sa tao ang tubig. “Hindi naman namin kayo kailangan, ang ganda-ganda ng serbisyo [ng local water district], pinakialaman n’yo!”

Natutuyong taniman ni Bayani Taberna sa Lucena City, Quezon. Larawan mula kay Bayani Taberna

Kagaya ng mga San Joseño, malaking pasakit din para sa mga taga-Quezon ang pagpasok ng PrimeWater sa kanilang lugar. 

“Nilikha ng Diyos [ang tubig] para sa tao, pero ninegosyo nila, pero wala namang natulo,” apela ni Bayani Taberna, residente ng Purok Bagong Buhay, Barangay Cotta, Lucena City, Quezon. 

Simula umano pumasok ang PrimeWater sa kanilang lugar noong 2018, hindi nila kailanman naranasan ang pangakong mas magandang serbisyo ng tubig.

“Ngayon, noong pumasok ang mga Villar, makalawang, malangis. Minsan, nag-iigib sa mga balon, [tapos] iniinit namin [para mainom],” kuwento ni Taberna.

Pagtatanim ng gulay ang ikinabubuhay niya kaya’t malaki ang abalang dala ng palpak na serbisyong tubig. Aniya, nagbabantay siya ng mga halaman at kung minsan ay nag-aangkat sa bayan ng mga paninda. Pero dahil sa kulang na kulang sa tubig sa kanilang taniman, natutuyo ang kanilang mga gulay.

“Siguro nasa P10,000 sa kada buwan [ang nawawalang kita] dahil natutuyo ang lupa, nagbibitak, hindi nadidiligan ang mga halaman. Dumagdag pa itong El Niño, hindi ho naulan dito sa Lucena,” sabi ni Taberna.

Aniya, may mga buwan na umabot pa ng P1,500 ang singil sa kanilang tubig. Ang iba pa nga raw ay umaabot ng P3,000 at inaalisan pa ng kuntador kapag hindi makabayad. Ito’y sa kabila ng mga pagkakataong halos isang buwang walang tulo sa gripo. 

“Singil nang singil, wala namang nalabas sa gripo. Kapag hindi nakabayad, mananakot pa sila, magtatanggal ng kuntador, e ‘di tanggalin nila, wala namang nalabas. Sino bang tinakot nila?” sabi ni Taberna. 

Sa harap ng kulang na kulang na suplay ng tubig, takbuhan ng mga residente sa kanilang lugar ang pakikiigib sa mga balon o sa mga mayroong pump ng tubig. Pero kahit ang alternatibong pagkukunan ay nasa panganib ding matuyo dahil sa El Niño.  

Para kay Taberna, dapat nang ibalik sa kanilang local water district ang pamamahala sa kanilang serbisyong tubig. 

Nakiisa si Wilma Lumpas sa mga kapitbahay sa Sitio San Roque na walang maayos na serbisyong tubig. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Hanggang sa kalunsuran, problema ang tubig. Sa pusod ng Quezon City, kinahaharap din ng mga residente ng Sitio San Roque ang pagkakait sa kanila ng maayos na serbisyong patubig ng Manila Water.

Mapalad si Wilma Lumpas, residente ng Sitio San Roque nang mahigit tatlong dekada, na mayroon siyang sariling linya.

“Dati, anim kaming naghati-hati para maka-avail kami ng [sariling metro], nasa P30,000 para sa aming anim. Ngayon po, ako na lang po ang natitira dito, ‘yong iba po kasi lumipat na,” kuwento niya. 

Pero problema pa rin niya ang mataas na singil. Aniya, inaabot din sila ng mahigit P3,000 kada buwan. 

“Tipid na tipid talaga ang ginagawa. [Kaya] ‘pag may ulan, sasahod ka na lang pang-CR [o] panglinis. Kaya ang hirap po, kasi po sobra ang taas. Buti na lang po kami direct kami, pero mataas pa rin, ang hirap pa rin. Magtitipid ka pa rin dahil sa kalagayang ang mahal ng mga bilihin,” sabi ni Lumpas.

Sa datos ng WPN, tatlong beses nang lumaki ang pinagsamang kita ng Manila Water at Maynilad mula 2022 hanggang 2025. Mula sa P11.8 billion noong 2022, lumobo ito sa P31.1 billion noong 2025. 

Pero para sa mas marami pang naninirahan sa Sitio San Roque, malayo nang magkaroon sila ng sariling linya. Hindi na kasi sila priyoridad para sa maayos na serbisyo dahil sa banta ng demolisyon. Kapalit nito, nagbabayad ang marami sa kanila ng nasa P120 hanggang P150 kada cubic meter. 

Si Estrelieta Bagasbas naman o mas kilalang Ka Inday ay nakikikabit lang sa kanyang kapitbahay. Aniya, nagsubok siyang kumuha ng sariling linya, pero pinayuhan siya ng Manila Water mismo na mag-abang na lang ng linya ng mga umalis na.

“Ang problema, malaki ang utang. Sasaluhin namin, babayaran daw namin, e P50,000. Saan naman namin kukunin ang ganun kalaking [halaga]?” ani Ka Inday.  

Liban sa gintong halaga ng tubig, de-oras din ang tulo sa gripo. Kaya, ani Ka Inday, grabeng pagtitipid din ang kailangan nilang gawin para hindi masayang ang bawat patak.

Para sa WPN, hindi imposible ang pagkalas sa mga JVA at mga pribadong concessionaire at pagbalik ng serbisyong tubig sa tao. Ang mga kuwentong tagumpay ng ilang bahagi ng bansa kagaya ng Sta. Cruz, Laguna at San Fernando City, La Union ay inspirasyon at aral para sa pagpapalayas ng negosyo sa serbisyong publiko. 

Sa paparating na State of the Nation Address ni President Ferdinand Marcos Jr., dala ng WPN ang walong puntong panawagan ng mga konsyumer. Kasama dito ang pagtitiyak ng kalidad na tubig sa lahat ng kabahayan; pag-aksiyon ng gobyerno sa mga palyadong serbisyo; pagpapanagot sa mga pribadong nagsamantala; pagsuspinde sa mga JVA; pagtutol sa buong balangkas ng pribatisasyon; at pagbabalik sa publiko ng kontrol sa tubig.