Wala kayo kay Nanay Mameng!
Pumanaw si Nanay Mameng noong Hulyo 19, 2021 sa edad na 93. Kabilang sa mga huli niyang hiling ang paglaya ng lahat ng bilanggong politikal.
Punong-puno ng kuwento ang buhay ng lider-maralita na si Carmen “Nanay Mameng” Deunida. Ginawan na ito ng mga tula, dula at pelikula—tila naging isang alamat nang patuloy na yinayakap ng mga aktibista’t maralitang lungsod na lumalaban para sa hanapbuhay at pabahay.
Sa halos limang dekada ni Nanay Mameng sa lansangan, bukod-tangi ang kanyang imahen. Matanda, payat at maliit ngunit puno ng mga hirit. Maraming anekdota tungkol sa pag-abang at pagbigay ng madla, maski hindi aktibista, ng standing ovation sa kanyang mga talumpati tuwing protesta. Marahil ay makulay ang lengguwahe ni Nanay Mameng, “Ano ba ‘yang mga buwis na ‘yan? Mga buwisit!”
Marahil ay damang-dama rin ang kanyang galit sa sistemang mapaniil at mapagkait sa mga mahihirap.
Nagmula si Nanay Mameng sa uring anakpawis. Lumaki siya sa Paco, Maynila noong napapaligiran pa ito ng mga sakahan. Sa murang edad, natigil siya sa pag-aaral, tumulong sa pagtaguyod ng kanyang 11 kapatid at namulat sa realidad. Ibinahagi niya sa isang panayam noong 2008 ang madalas niyang tanong sa sarili, “Bakit kahit anong sipag at kayod namin, ganoon pa rin ang buhay namin?”
Mapait din ang sinapit niya sa kanyang asawang nambubugbog at nang-aabuso. Ngunit kailanma’y hindi nagpatinag si Nanay Mameng. Tumindig siya para sa kanyang sarili at mga anak at nakipaghiwalay.
Pagdating ng dekada ‘70, lalong namulat at tumibay ang kanyang paninindigan nang makasalumuha niya ang mga kabataang nag-oorganisa sa kanilang komunidad. Kusang-loob siyang sasali sa mga protesta at organisasyon tulad ng Kabataan para sa Demokrasya at Nasyonalismo (Kadena) at Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa (Samakana).

Mahigit 50 taong gulang na siya noon pero kasing aktibo at alisto niya pa rin ang mga kasama niyang kumokontra sa demolisyon sa kanilang lugar at sa diktadurang Ferdinand Marcos Sr. Gamit ang kanyang likas na kahusayan sa pagsasalita, nanguna na rin si Nanay Mameng sa pag-organisa sa kapwa maralitang naging biktima ng abuso at sapilitang pagpapalayas.
Taong 1998, nagsilbi siyang tagapangulong tagapagtatag ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Makikilala siya rito bilang matapang na boses ng mahihirap, lalo sa kilusang nagpatalsik kay Pangulong Joseph Estrada.
Kuwento ng mga kasamahan niya noon sa Kadamay, madalas ipagmalaki ni Nanay Mameng na 15 presidente ang naabutan niya sa tanang buhay niya. Binigyan niya ang ilan sa kanila ng mga nakakatawang palayaw tulad ng “Tsunano ng Malacañang” at “Dudirty.” Hanggang sa mga huli niyang sandali, nanatiling payak, matalas at sinsero ang bukambibig ni Nanay Mameng.
Ilang araw bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, pumanaw si Nanay Mameng noong Hulyo 19, 2021 sa edad na 93. Kabilang sa mga huli niyang hiling ang paglaya ng lahat ng bilanggong politikal.
Mula Pandi, Bulacan hanggang Davao City, nagluksa ang maralitang lungsod sa yumaong lider. Ngayon, kaliwa’t kanan pa rin ang mga demolisyon, clearing operation, pagsunog ng mga palengke, paglubog sa baha ng mga komunidad at pambubusabos sa uring anakpawis.
Ngunit, sa diwa ng pakikibaka ni Nanay Mameng, tiyak na hindi rin sila magpapatinag.