Bagong pamunuan ng SWEAP-DSWD, priyoridad ang karapatan ng kawani
Priyoridad ng bagong pamunuan ang mas masigasig na pagtulak sa bagong collective negotiation agreement upang matiyak ang seguridad sa trabaho, lalo na ng mga manggagawang kontraktuwal.
Pormal nang nanumpa sa katungkulan ang mga bagong halal na opisyal ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP-DSWD) para sa terminong 2026-2029 noong Hulyo 13 sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office sa Quezon City.
Sa pangunguna ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen bilang pangunahing saksi, nanumpa bilang kauna-unahang babaeng National Council President ng SWEAP-DSWD si Elladonna Agor. Nanalo nanalo si Agor sa First Quarter National Council Meeting ng unyon noong Abril 29 upang pamunuan ang halos 23,000 miyembro nito sa mga tanggapan ng kagawaran sa buong bansa.
Priyoridad ng bagong pamunuan ang mas masigasig na pagtulak sa bagong collective negotiation agreement (CNA) upang matiyak ang seguridad sa trabaho, lalo na ng mga manggagawang kontraktuwal tulad ng mga nasa contract of service at job order.
“[Ang unyon] ang kolektibong boses ng ating mga empleyado na kung saan ang kanilang mga karapatan, ang kanilang mga benepisyo ang ipinaglalaban. Kung wala ang unyon, kung ano na lang ang sasabihin ng manedsment, ‘yon lang, makukuntento na lang ang mga tao roon,” ani Agor.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Leonen ang papel ng unyon bilang puwersa para sa mabuting pamamahala, pananagutan at tunay na katarungang panlipunan.
Inihalimbawa niya ang karanasan sa pakikipagnegosasyon sa CNA ng mga manggagawa sa University of the Philippines, katulong ang mga unyon tulad ng All UP Workers Union at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).
“Ang katarungang panlipunan ay isang mandatong posisyon, hindi lang pangalan ng isang programa. Nararating lang nito ang isang tunay na mahirap na tao sa pamamagitan ng mga kamay ng isang tunay na lingkod-bayan. Ang mga miyembro ng asosasyong ito ang mga taong iyon,” pahayag ni Leonen.
Dumalo rin sa panunumpa ng mga opisyal ng unyon sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Undersecretary Edward Justine Orden, at Undersecretary Adonis Sulit.