Talasalitaan

Internasyonal na makataong batas


Isang kalipunan ng mga patakarang naglalayong protektahan ang mga sibilyan at limitahan ang mga epekto ng armadong labanan.

Internasyonal na makataong batas o international humanitarian law (IHL) – Isang kalipunan ng mga patakarang naglalayong protektahan ang mga sibilyan at limitahan ang mga epekto ng armadong labanan. Pinoprotektahan nito ang mga taong hindi o hindi na nakikilahok sa labanan at nagtatakda ng mga limitasyon sa mga paraan at pamamaraan ng pakikidigma. 

Kilala rin bilang “batas ng armadong tunggalian,” pinipigilan nito ang labis na kalupitan at pinapanatili ang dignidad ng tao sa gitna ng digmaan. Pinoprotektahan din nito ang mga sibilyan, sugatan at sumukong mandirigma. Ipinagbabawal nito ang labis na kalupitan sa digmaan. 

Ang IHL ay nakapaloob sa mga pangunahing kasunduan tulad ng Geneva Conventions. Sa Pilipinas, ipinatutupad ito sa pamamagitan ng Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Ayon sa pandaigdigang makataong batas, sakop ng proteksiyon ang mga sumusunod: mga sibilyan at ang kanilang ari-arian, mga tauhang medikal at relihiyoso, mga mamamahayag, at mga sundalong sugatan, bihag o sumuko na sa labanan.

Sa Pilipinas, may mga batas, kautusan o kasunduan hinggil sa IHL. Noong Marso 16, 1998, pinirmahan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) bilang unang sustansibong kasunduan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Sa kasunduang ito, kinilala ng dalawang panig ang pangangailangang igalang ang karapatang pantao at IHL sa gitna ng nangyayaring armadong tunggalian.

Patuloy na nilalabag ng gobyerno ang mga kasunduan na ito, tulad ng nangyari noong Marso 1, 2025, nang nagsagawa ng pambobomba at aerial strafing ang 203rd Infantry Brigade (IBde) ng Armed Forces of the Philippines sa Mansalay, Oriental Mindoro, atake na nagdulot ng takot sa mga magsasakang Mangyan-Hanunuo. 

Ayon sa mga residente, namaril ang mga sundalo mula sa himpapawid na sakay ng dalawang Black Hawk helicopter nang alas-10 ng umaga sa Sitio Lomboy, Barangay Panaytayan. Bumalik ang mga helicopter nang 2:30 ng hapon at naghulog ng apat na bomba, habang nagpaulan ng putok sa mga sityo ng Lomboy, Abaka at Matarayo.

Noong Abril 19, 2026, 19 katao ang pinaslang sa isang masaker ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Toboso, Negros Occidental matapos ang isang umano’y “engkuwentro” na nagsimula nang alas-kuwatro ng umaga.

Nitong Hunyo 13, sapilitang dinukot ng mga nakasibilyang ahente ng 5th Infantry Division si Angel Lopez, konsehal ng UP Diliman University Student Council at boluntir ng Youth Advocates for Climate Action Philippines habang nagsasagawa ng mga gawain ng kampanya sa impormasyon at edukasyon sa Barangay Kakiduguen, Cabisbuan, Nueva Vizcaya. Sa kustodiya ng militar, ipinailalim siya sa sikolohikal at emosyonal na tortyur.

Noong Hulyo 9, sa Sitio Santo Cristo, Barangay Lourdes, Magsaysay, Occidental Mindoro, pinaslang ng mga pinagsanib na tropa ng 8th Infantry Battalion (IB), 1st IB, at 5th Scout Ranger Battalion, mga yunit sa ilalim ng 203rd IBde, si Anhing “Ka Oca” Ingayan Da-it, isang miyembro ng New People’s Army. 

Ayon sa Ang Bayan, madakip ng nag-ooperasyong tropa ng 203rd IBde si Ingayan Da-it nang buhay matapos tamaan siya sa hita. Sa halip na arestuhin at gamutin, tinuluyan siyang pinatay, sa kabila ng kawalan ng kakayahang lumaban. Malinaw na paglabag ito sa internasyonal na makataong batas.

Ipinagbabawal sa ilalim ng IHL ang mga sumusunod: ang pagpatay o pananakot sa mga mandirigma na sumuko na o hindi na kayang lumaban (hors de combat); sadyang pag-atake, pagpatay o pananakot sa mga sibilyan; pagpapahirap; hindi makataong pagtrato; panghahalay o anumang uri ng karahasang seksuwal; at walang habas na pagsira ng mga pampubliko at pribadong ari-arian, pati na ang mga kultural o relihiyosong lugar.

Kasalukuyan, ang estado mismo sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.  ang pangunahing nilabag ang mga batas na ito. Dahil sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at National Action Plan on Unity, Peace, and Development na ipinatutupad ng AFP, nahaharap ang mga komunidad sa kanayunan sa walang habas na pagpapaputok, pambobomba, mga ekstrahudisyal na pagpatay at sapilitang pagpapalikas.

Imbes na protektahan, ang mga magsasaka, katutubo, at mga mamamayan sa komunidad ay patuloy na banta pa ng karahasan at militarisasyon na dulot ng mga panggigipit ng puwersa ng estado at ng pagpapatupad ng mga mapaniil na batas.