Mga pagkukuwenta’t pagkukuwento


Ang higit pa ngang mas malabo ngayon ay ang pagtitimbang sa nabanggit na tindig ng PEN Philippines hinggil sa generative AI.

Hulyo 13, 2026, inanunsiyo ng PEN Philippines ang muling pagbubukas ng F. Sionil Jose Young Writers Award para sa maikling kuwento sa English at Filipino. Ang kaso, “to protect the integrity of the competition,” maaaring i-request ng organizers ang mga “draft, revision histories, research notes, or other evidence of authorship” sa mga kalahok upang mapatunayang walang bahid ng generative artificial intelligence (Gen AI) ang mga pagpipiliang entry.

‘Di kataka-taka ang pagdadagdag ng PEN Philippines sa naturang probisyon gayong ang pinakamalalaking literary awards sa buong mundo ay sunod-sunod nang ipinagbabawal ang partial at/o buong paggamit ng generative AI. 

Mayo nitong taon, niyanig ng eskandalo ang 2026 Commonwealth Short Story Prize nang magwagi ang pinaghihinalaang AI-generated na kuwentong “The Serpent in the Grove” ni Jamir Nazir mula sa Trinidad and Tobago.

Matapos ilathala sa prestihiyosong pahayagang Granta ang mga finalist ng contest, pinuna ng marami sa Reddit at X, ‘di lang ang lantad nang porma ng mga tekstong likha ng generative AI, kundi ang umaapaw rin na paggamit ni Nazir (o ng program na kanyang sinangguni) ng mga nakaliliyo at nakalilitong tayutay.

Dagdag sa salimuot ng paggalugad sa pangyayaring ito: ang nabanggit na award ay ginagawad ng Commonwealth Foundation, isang neokolonyal na institusyong nilikha sa labi ng imperyalismong Briton. 

Can the subaltern speak? Marahil, sagot ng kuwento, ngunit sa ‘di maintindihang mga talinghaga. Para kay Lina Abushouk sa “How to read postcolonial writing”, ang pagkilalang ito ng Commonwealth Foundation ay patunay ng pananatili ng kolonyal na pamana ng panitikang Europeo sa pagturing sa Other bilang ‘di kaarok-arok (unintelligible); dagdag na tagpo sa mahabang kasaysayan ng (mis)reading ng imperyo sa mga teksto mula sa post-kolonyal na mundo.

Kung ang kalakhan sa corpora ng data na ginagamit sa training ng mga generative AI ay mula sa moderno at kontemporanyong panahon, hindi ba’t batbat ito ng mga tekstong nilikha sa mga pamantayang hinubog ng kolonyalismo at neokolonyalismo, o sa madaling sabi, ng mga tekstong nasa canon?

Dito, wika ni Abushouk, nailuluwal ng generative AI ang pinakamalapit na pagkukuwenta sa pagkukuwento sa panitikang post-kolonyal, “It reproduces the expected atmospheric density, the expected weight of landscape and labor, and the expected imagery of poverty and endurance.”

Tataas ang kilay ng maraming Pilipinong manunulat sa kanilang mga toreng garing kapag sinabi kong ang limitasyon ng “imahinasyon” ng generative AI hinggil sa panitikang Pilipino ay ang limitasyong itinakda rin ng mga institusyong pampanitikan sa bansa. Ito’y prosesong higit na pinapabilis ng pormal na pag-anunsiyo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Hulyo sa paggamit ng generative AI sa mga programa nito na diumano ay magpapatatag sa mga wikang katutubo sa bansa. 

Para sa katuparan nito, hinihikayat ni KWF Chairperson Marites Barrios-Taran ang “pag-download, paglagay ng mga babasahin, mga dokumento, gamit ang wikang Filipino sa internet.”

Sunod-sunod ang pahayag ng mga ahensiya ng gobyerno hinggil sa pagtutulak sa paggamit ng generative AI para sa programa sa edukasyon at kultura, habang ibinubuyangyang ng rehimeng Marcos ang yaman ng bansa sa Pax Silica, isang US-led coalition na binuo para padaliin ang daloy ng AI, semicondutor at iba pang strategic technology na magsisilbi sa war economy ng daigidig. 

‘Di na rin katakataka itong bagong reaksyonaryong pahayag ng KWF kung babalikan ang kasaysayan nito ng pambubusal sa mga progresibong akda na bahagi ng instrumentalisasyon ng Anti-Terrorism Act ng rehimeng Duterte, maging ang kainutilan nito sa harap ng sunod-sunod na programa ng pagkitil sa wikang Filipino sa kolehiyo. Ang higit pa ngang mas malabo ngayon ay ang pagtitimbang sa nabanggit na tindig ng PEN Philippines hinggil sa generative AI.

Naalala ko ang kakunatan ng ilang mga indibidwal na bumubuo sa mga institusyong pampanitikan tulad nito, isang dekada na ang nakakaraan, sa kontrobersiyal na “Hi Maam Sir” (2015) ni Adam David. Ang “Hi Maam Sir” ay isang hypertext found poetry project na nabuo sa pamamagitan ng pagpapakain ni David sa likha niyang randomizer ng mga linya mula sa antolohiyang “Fast Food Fiction Delivery” (2015).

Nang inilabas niya ito sa kanyang blog at malayang ipinamahagi sa isang Mediafile folder bilang PDF file na may pamagat na “It will be the same/but not quite the same” (2015), nagbanta ng kasong copyright infringement kay David ang Anvil Publishing at ang mga editor ng antolohiya na sina Noelle De Jesus at Mookie Katigbak. 

Bagaman ang nabanggit na proyekto ay simpleng hypertext machine sa Javascript at malayong malayo sa hyperscale infrastructure kaakibat ng mga problemang nasa ubod ng generative AI, suspek para sa akin ang pag-deploy ng salitang “integrity” sa paskil ng F. Sionil Jose Young Writers Award (“to protect the integrity of the competition”) na nasa parehong tono ng banta ng mga editor ng libro kay David (“eroded the integrity of every short story in the book”).

Samakatuwid, tila bumabalik muli ang usapin sa walang-kamatayang ideya ng orihinalidad at lumang-lumang tugtugin ng aproprasyon sa sining, na, sa tugon ng maraming manunulat at artistang sumusuporta kay David, ay bahagi na ng huling 500 taon nitong kasaysayan.

Kung gayon, hindi ko maiwasang basahin ang probisyon ng PEN Philippines sa kanilang timpalak nang may tuon sa nabanggit na konserbatibong tono. Una, bilang pagkilala ng institusyong pampanitikan sa marupok nitong mga haligi, at pangalawa, bilang pananggalang upang hindi nito makita ang naaagnas na repleksyon sa mga tekstong isinusuka ng generative AI, ngayo’y isang sabay na malabo’t malinaw na salamin.

Ngunit ang usapin ng orihinalidad at aproprasyon, mga usaping nakakawing sa awtonomiya ng sining, ay hinihila ng tumitinding mga kontradiksyon ng mundong nasa bingit—itong araw-araw na pagbaha ng mga larawan ng digmaan at gunaw, kung sino ang tao, kung sino ang hindi tao, milyon, bilyong datos na umuubos ng milyon, bilyong galon ng tubig, ang mabilis na kumakalat na apoy, tumutupok sa mundong nasa bingit—na nagbabalik sa masalimuot na usapin ng buhay, ng posibilidad mismo ng buhay, na siyang bukal na pinagmumulan ng sining.

Kinikilala kong anu’t anupaman, higit na nagbubukas ang tindig ng PEN Philippines sa mga pagkakaisa. Ang kanilang ‘di pagbibigay ng suporta sa paggamit ng generative AI sa kanilang timpalak ay maaaring maging tungtungan sa paghimok sa kanilang mga miyembro sa mas masaklaw at malalim na mga laban sa mga programang tulad ng Pax Silica.

Sa dulo ng araw, ito’y higit na malapit sa panig ng pagtanggi sa mabilis na pagdaloy ng bagong teknolohiya para sa mga pandaigdigang digmaan ng US, ng paglapastangan sa soberanya ng bansa para sa panggagahasa sa ating likas na yaman, ng pagpiga sa murang halaga ng lakas-paggawa ng ating mga manggagawa. Malinaw, sa kasalukuyan, na ang tindig ng pagtanggi sa generative AI, sa kahit na anong larangan, ay isang primaryang progresibong tindig.

Sa kabila nito, patuloy na umuugong ang tanong: ano ang posibilidad ng sining, ano ang posibilidad ng kuwento, sa panahong ang mga ito ay kinokolekta, nililinis, pinipira-piraso upang muling mabuo bilang bagay na tila walang kasaysayan, nagkakahugis, nahuhulma lang ayon sa pagkukuwenta ng mga makina ng kapital?

Nais kong tingnan ang puwang na maaaring masulingan sa paghahanap ng sagot, sa paggalugad sa mga akdang tulad ng “Mga Nagsisilbing Kwentuhan (Serving Stories)” ni Ivan Emil Labayne.

Sa akda ni Labayne, sumipi siya sa apat na kuwento nina Conchitina Cruz, Allan Derain, Jhumpa Lahiri at Timothy Bewes, kung saan nabanggit ang mga tagasilbi, kasambahay, eskribyente, amanuensis. Sa dulo, ang nabanggit na mga multo ng mga “‘di-nakikitang kamay, kamalayan, at sensibilidad” sa paggawa ng teksto ay tinipon niya sa isang hapag ng pag-uusap. 

 Sa kalakip nitong poetics, binanggit ni Labayne na nais niyang tingnan, sa diwa ni Terry Eagleton, ang isang kalayaan sa paglikha “na malay sa kung anumang pumipigil rito, ano ang mga kumbensiyong pinanggagalingan nito, ano ang mga parametro o padrong sinusundan nito, na siyang gagawing basehan sa paglikha nang malaya.”

Ito’y paglikha nang may pagkilala sa kasaysayan ng kuwento at ng materyal na mundo kung saan umuusbong ang kuwento. Taliwas ito sa pagtanggi ng mga institusyong lasing sa romantisadong ideya ng henyo at orihinalidad, maging sa institusyong walang habas na binubura ang mga kasaysayang ito, at instrumento, ngayon, sa pagkatupok ng mundo.

Nangungusap ang likha ni Labayne sa tinatawag na disaproprasyon ni Cristina Garza sa “The Restless Dead: Necrowriting and Disappropriation”, isang tipo ng pagbabasa at paglikha na higit na interesado hindi sa subhetibidad na umiinog sa teksto kundi sa mga materyal na praktikang naghawan ng landas upang malikha ito.

Ito’y pag-aming laging may nauuna sa atin, na walang orihinal, na ang bawat pagsusulat ay muling pagsusulat. Kaninong kamay, kamalayan at sensibilidad ang nagtangka at nasawi, ang nagtangka at nagtagumpay, upang marating ko ang puntong ito ng sanaysay?

Sa protesta ng mamamayan sa ikalimang SONA ng rehimeng Marcos Jr., ibinida nitong muli ang Pax Silica industrial hub bilang isang “advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain.”

Sa labas ng Batasan, sa kahabaan ng Commonwealth, dinahas at pinagdadampot ng pulisya ang mga mahigit 51 na kabataang nagpoprotesta, ang marami sa kanila ay kabilang sa Vandals United, Hiphop United, Skaters United at Defend the Hood.

Ito’y matapos nilang isagawa ang planong Street of the Nation Attack; bakas sa graffiti sa mga pader ng lungsod ang kanilang mga sigaw: MERALCO SINDIKATO, IKULONG NA YAN MGA KURAKOT, SHUT THE PAX DOWN. 

Sa pagbabalik ng dating daloy ng trapiko, tatapalan din ng mga bagong bukas na lata ng puting pintura ang mga panawagan. Ang pagsusulat kong muli sa mga ito’y tangka ng patuloy na pagmamarka, ng pagbibigay sa kanila ng ibang ookupahing espasyo.

Ito, sa tingin ko, ang posibilidad ng sining, ang posibilidad ng kuwento, sa kasalukuyan: ang pagtungo sa usapin ng paggawa, ng kolektibong paggawa, na ngayo’y higit na isinasakongkreto ng kolektibong paglaban ng mamamayan, na ginagawang posible, sa kabila ng lahat, ang buhay.