Reklamasyong sagasa sa lahat


Sino ba ang makikinabang sa mga proyektong reklamasyong pronta ang kaunlaran para sa mga Navoteño?

Kilala ang Navotas City sa mga tahungan at iba pang lamang-dagat, ngunit ang malansang katotohanan nito ay unti-unting winawasak ang kabuhayan ng mga Navoteño para umano sa kaunlaran ng lungsod.

Sino ba ang makikinabang sa mga proyektong reklamasyong pronta ang kaunlaran para sa mga Navoteño?

Nagsimulang wasakin ang mga tahungan noong Marso 18, 2024. Mas binigyan priyoridad ng pamahalaang lokal ang Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NBCRP) ng San Miguel Corporation para sa 650 ektaryang proyektong reklamasyon na naglalayon umano ng kaunlaran.

Kakatapos lang pumalaot ng mga mamamalakaya dala-dala ang mga nakuha nilang tahong sa laot. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly

Kaya napilitan lumayo papuntang Bulacan o Bataan ang mga mamamalakaya para mapagpatuloy kanilang hanapbuhay na pagtatahong. Ang iba sa kanila, napilitan makipagsapalaran sa ibang porma ng paghahanapbuhay. 

Ganti ng masa sa reklamasyon, kinukuha nila ang bakal sa poste ng bumagsak na poste ng pier para maibenta nila sa junk shop, Maruko Alfonso/Pinoy Weekly

Walang maayos na kompensasyon o alternatibong hanapbuhay sa mga nasagasaang tahungan ng reklamasyon. Lantaran din ang nangyayaring red-tagging sa mga mamamalakaya na sumasama sa laban kontra sa reklamasyon sa komunidad nila. 

Kakatapos lang pumalaot ng isang magtatahong at agaran niya itong ibinabad sa mainit na tubig pagkatapos ito tanggalan ng taliptip. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly

Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), ang nakakalungkot dito ay 70% hanggang 85% ng kinikita ng mga palaisdaan ay napupunta sa mga malalaking kompanya ng pangingisda at 10% hanggang 20% ang napupunta sa operator, habang kakarampot na 5% hanggang 10% na lang inaabot ng mga maliliit na mangingisda sa kita nila.

Tinatanggalan ng dumi at buhok ang mga bagong kuhang tahong para maibenta ito sa mga palengke at seafood restaurant sa Metro Manila. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly

Nawawala pa ang kita ng mga maliliit na mangingisda ng 50% hanggang 75% dahil sa pagmamanipula ng presyo at pambabarat ng mga negosyante. Binebenta nila ang mga tahong ng P100 kada kilo para may pandagdag kita sila sa naiuuwi sa kanilang pagpapalaot sa Look ng Manila.

Inaayos ng isang mangingisda ang kanyang mga lambat para sa kanyang paghahanda ng pagpalaot sa mga susunod na araw. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly.

Hindi lang mga Navoteño ang apektado ng reklamasyon. Apektado rin ang halos 1 milyong kapwa Pilipino na nakatira sa mga kalapit na lugar sa Metro Manila, Bulacan at Cavite dahil sa mas mataas na panganib ng pagbaha, storm surge at pagkawala ng buhay sa dagat ayon sa Pamalakaya Pilipinas.

Isang residente ang naglalakad sa breakwater ng Barangay Sipac-Almacen sa Navotas City. Maruko Alfonso/Pinoy Weekly

Kaya ang pangunahing panawagan ng mga residente sa Navotas City, tutulan ang reklamasyong sasagasa sa lahat, lalo na sa kanilang pangunahing hanapbuhay.

Ang karagatan ay buhay, hindi basura ang mga tahungan. Gayunman, ipapagpatuloy ng mga mamamalakaya ang laban sa kanilang karapatan na lumaban para sa kanilang hanapbuhay.