Organisador ng BPO workers sa Cebu, ilegal na tinanggal sa trabaho
Labag sa kalayaan sa pag-oorganisa at mapaghiganti ang ipinataw ng kompanyang Azpired sa Cebu City na suspensiyon at kalaunang pagsisante sa lider-manggagawang si Kyle Enero ayon sa mga grupo sa paggawa.
Labag sa kalayaan sa pag-oorganisa at mapaghiganti ang ipinataw ng kompanyang business process outsourcing (BPO) na Azpired sa Cebu City na suspensiyon at kalaunang pagsisante sa lider-manggagawang si Kyle Enero ayon sa mga grupo sa paggawa.
Si Enero ang kasalukuyang pangalawang pangulo para sa Visayas ng BPO Industry Employees Network (BIEN), isang pambansang organisasyon ng mga manggagawa sa BPO para sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan at kapakanan.
Siya rin ang pangulo ng BIEN Cebu na nangunguna sa pag-oorganisa sa mga empleyado ng BPO at aktibo sa kampanya para sa nakabubuhay na sahod at kaligtasan sa lugar-paggawa, lalo na matapos yanigin ng lindol ang Cebu noong Setyembre 2025.
Ayon sa mga ulat, sunod-sunod ang panliligalig ng manedsment kay Enero tulad ng mga walang batayang aksiyong disiplinaryo. Humantong ito sa pagpapataw ng 12 araw na suspensiyon na dumulo sa pagtanggal sa kanya sa trabaho noong Ago. 11.
Naninindigan ang BIEN, Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) at Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) na ilegal at walang batayan ang pagsisante kay Enero.
Mapaghiganti rin anila ang naging aksiyon ng kompanya laban kay Enero dahil sa kanyang gawain sa pag-oorganisa ng mga kapwa empleyado para sa paggigiit ng dagdag-sahod.
“Nais [ng kompanya] na ikintal ang kultura ng takot sa mga BPO worker mula sa paggigiit sa kanilang mga batayang karapatan sa kaligtasan at patas na pasahod,” ani CTUHR executive director Kamz Deligente sa wikang Ingles.
Ayon naman sa IOHSAD, binalaan ng manedsment si Enero na mag-ingat sa kanyang mga kilos matapos magdokumento at magsumite ng komprehensibong ulat sa mga paglabag sa occupational safety and health standards ng mga kompanyang BPO sa Cebu pagkatapos ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu noong nakaraang taon.
Kasama sa ulat ang puwersahang pananatili sa loob ng gusali at pagpapatuloy sa pagtatrabaho imbis mag-evacuate nang lumindol sa Cebu na malinaw na paglabag sa karapatan sa kaligtasan ng mga manggagawa.
Nitong Ago. 17, naghain na ng single entry approach si Enero sa National Labor Relations Commission Regional Arbitration Branch VII para igiit na ilegal at walang batayan ang suspensiyon at pagsisante sa kanya ng kompanya.
Nagsumite na rin ng liham si Enero sa tanggapan ng Bureau of Labor Relations sa Cebu City nitong Ago. 24 para hilinging subaybayan ang kanyang kaso.
“Hindi ito isang isolated case,” ani Enero sa Ingles. Naninindigan din siya para sa seguridad sa trabaho at karapatan sa pag-oorganisa ng lahat ng mga BPO worker at marapat na ibunyag ang mga maling kalakaran sa mga kompanyang BPO para protektahan ang mga empleyado.
“Lampas pa ito sa isang manggagawa. Kapag ang takot ang manggagawa na mag-organisa, magsalita o manindigan para sa kapwa manggagawa dahil maaaring magdulot ito ng pagkawala ng kanilang mga trabaho, ang kalayaan ng lahat ng manggagawa na mag-organisa ay nalalagay sa bingit,” pahayag ng BIEN Cebu sa Ingles.