Online na atake sa pahayagan sa UP Los Baños, kinondena


Malinaw na atake sa pamamahayag at karapatan ng mga estudyante ang sunod-sunod na dinoktor na larawan mula sa mga Facebook page tulad ng “UPLB Perspective Exposed” at “UPLB Perspective True Colors”.

Malawakang pagkondena ang ipinukol sa online na atake laban sa opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na UPLB Perspective na mula 1973 pa naghahatid ng balita at tasa sa buong kampus. 

Minanipula ng dalawang Facebook page ang mga retrato ng lehitimong mga aktibidad ng mga mag-aaral, partikular na mga lider-estudyante, para ipagmukha na bahagi sila ng armadong rebelyon at nagpapalaganap o nagrerekrut para sa insurhensiya. Pati mga administrador ng UPLB, naging biktima rin ng red-tagging.

“Tinutuligsa namin ang anumang atake o pagkriminalisa sa aktibismo ng mga estudyante at malayang pagbabalita ng campus press,” sabi sa joint statement ng UPLB Office of the Chancellor, University Student Council at mismong pahayagan.

Malinaw anila na atake sa pamamahayag at karapatan ng mga estudyante ang sunod-sunod na dinoktor na larawan mula sa mga Facebook page tulad ng “UPLB Perspective Exposed” at “UPLB Perspective True Colors”.

Sa imbestigasyon ng Digital Forensic Research Lab noong Hunyo 2026, natukoy nito na bahagi ang UPLB Perspective Exposed ng network ng mga katulad nilang Facebook page na walang inatupag kundi pasamain ang imahen ng mga mag-aaral at tanggol-karapatan.

“Ipinagtibay na ng Korte Suprema sa desisyon nito sa Deduro v. Vinoya (G.R. NO. 254753) na ang red-tagging, vilification, labeling at guilt by association ay malinaw at direktang mga atake sa karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ng isang indibidwal,” sabi ng unibersidad at pahayagan.

Inaanyayahan rin ng unibersidad at ng UPLB Perspective ang lahat na i-report ang mga Facebook page na sangkot.