Mula Marcos hanggang Duterte
Mahalaga sa gayon na mabigyang-diin na wala maski sa dalawang panig na ito ang tunay na kakampi ng sambayanan.
Ngayong taon, ginugunita ang ika-54 taon ng deklarasyon ng batas militar. Nararapat sipatin sa pagkakataong ito ang pagpapatuloy ng kasaysayan ng karahasan at katiwalian sa ilalim ng panibagong rehimeng Marcos.
Higit na matingkad ang pangangailangang ito sa harap ng sunod-sunod na paggamit ng aparato ng estado upang linisin ang pangalan ng dinastiyang Marcos. Kamakailan lang, pinawalang-sala ng Korte Suprema si Imelda Marcos sa graft dahil daw sa kakapusan ng ebidensiya.
Wala ni isa sa mga kasapi ng pamilya Marcos ang nabilanggo pa sa kanilang mga krimen laban sa sambayanan.
Sa ngayon naman, tuloy-tuloy ang paggulong ng impeachment trial ni Sara Duterte habang nakasalang sa International Criminal Court ang kanyang amang si Rodrigo Duterte dahil sa madugong giyera kontra droga.
Sa isang banda, agresibo pa rin ang alyado ng mga Duterte na maglatag ng mga institusyonal na maniobra upang hindi mapanagot ang mag-amang ito. Sa kabilang banda, nariyan din ang sunod-sunod na pagsasampa ng kaso sa mga politikong maka-Duterte na mahihinuhang bahagi ng koordinadong galaw ng kampo ng mga Marcos.
Sa biyakan sa pagitan ng Uniteam, tila naging currency ang batuhan ng akusasyon ng katiwalian kahit na kapwa naman nababahiran ng dungis at dugo ang mga Duterte at Marcos.
Mababakas ito halimbawa sa paglalatag ng mga paksiyong maka-Duterte sa mga krimen ng pamilya Marcos simula pa noong panahon ng diktadura. Ang mga katiwaliang ito ay kumbinyenteng isinantabi ng mga Duterte noong buo pa ang kanilang elektoral na alyansa.
Sa harap ng salpukang ito ng dalawang pamilya, nakabukas ngayon ang pagkakataon para sa mga progresibo na malaon pang ilantad at banggain ang katiwalian at karahasan kapwa ng Marcos-Duterte.
Aminin man nila o hindi, hindi maitatatwang malaki ang ambag ng mga Duterte sa pagbabaluktot ng kasaysayan ng madugong diktadurang Marcos.
May pagtatangkang lansiin ang publiko ukol sa polarisasyon sa pagitan ng mga Marcos at Duterte—na palaganapin ang pananaw na ang pagpanawagan na panagutin ang mga Duterte ay pagpanig sa mga Marcos. Kaakibat nito ang nakaririmarim na pagsagpang ng mga Duterte at mga alyado nila sa label na oposisyon.
Mahalaga sa gayon na mabigyang-diin na wala maski sa dalawang panig na ito ang tunay na kakampi ng sambayanan.
Higit ang pagkakatulad kaysa pagkakaiba ng mga Marcos at Duterte—kapwa sila nag-aasam ng kapangyarihan sa ngalan ng dinastikong interes na nakapadron naman sa dikta ng banyagang amo (maging United States man ito or Tsina), at kapwa sila mga magnanakaw at tiwali na pinipilit takasan ang kani-kanilang pananagutan sa mga krimen nila sa sambayanan.
Sa harap ng salpukang ito ng dalawang pamilya, nakabukas ngayon ang pagkakataon para sa mga progresibo na malaon pang ilantad at banggain ang katiwalian at karahasan kapwa ng Marcos-Duterte.
Ang sunod-sunod na malakihang pagkilos—gaya ng Baha sa Luneta at mga koordinadong walkout sa iba’t ibang paaralan at pamayanan mula pa noong pumutok ang scam sa flood control projects noong nakaraang taon—ay indikasyon ng malaong pag-aalimpuyo ng sambayanan laban sa katiwalian at sa mga namumunong may kanya-kanyang interes at sabwatan.
Inilalatag ng mga pagkilos na ito ang isang buhay na alternatibong politikang tunay na bumabangga sa nagbabangayang Marcos-Duterte.
At ngayong mahigit kalahating siglo na simula noong batas militar, kinikilala natin may nailatag na balangkas ang dakilang kasaysayan ng anti-diktadurang pakikibaka upang paghalawan ng malaong paghihiraya sa nagpapatuloy na pakikibaka.