Tagtuyot
Ang pag-igting ng tagtuyot matapos ang matinding pananalasa ng ulan at baha ay ilan lang sa mga matitinding epekto ng ekolohikal na krisis.
Kung kinakailangan ng tubig para sa data centers na inihahapag ng Pax Silica, bakit nga ba hindi na lang ito higupin mula sa tubig-baha? Sa unang dinig ay nakakatawa ang “pamimilosopong” ito.
Pero may ikinukubling realidad ito. May malawak na banta ng pagkawala ng tubig sa bansa. Batay na rin sa taya ng ilang siyentista, hindi rin makasasapat ang tubig-ulan upang matugunan ang pangangailangan ng mga data center.
Nitong nagdaang linggo ay nagkaroon ng babala hinggil sa matinding El Niño na magdudulot ng malawakang tagtuyot at kakaunting pag-ulan hanggang sa unang hati ng 2027.
Sa Gitnang Luzon kung saan pinaplanong itayo ang mga malakihang imprastrukturang pangteknolohiya bilang bahagi ng Pax Silica, matindi ang pangamba lalo na sa mga magsasaka sa rehiyong tinaguriang palabigasan ng bansa.
Ang pag-igting ng tagtuyot matapos ang matinding pananalasa ng ulan at baha ay ilan lang sa mga matitinding epekto ng ekolohikal na krisis. Iniluwal ito ng matinding pagkasira ng kalikasan, lalo na sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig gaya ng Pilipinas na ginagawang kuhanan ng mga murang hilaw na materyales gaya ng mga mineral upang magamit sa industriya ng mayayamang bansa.
Nitong nagdaang huling linggo ng Setyembre, ipinagdiwang din ang Pandaigdigang Araw ng mga Ilog. Nakatuon ang taunang selebrasyon sa pagpapaunawa sa publiko sa kahalagahan ng mga ilog bilang bahagi ng ating likas na yaman. Nakaugnay din ang mga ilog sa buhay, alaala at kalinangan ng mga pamayanang kinakanlong ng mga anyong tubig na ito.
Kuwento na lang mula sa mga magulang ko ang mga tagpo sa mga ilog ng kanilang pinagmulang bayan sa Nueva Ecija na pinupuno ng mga halaklak ng naghuhuntahang magkakapitbahay, na pinaghahanguan ng mga isda at iba pang yamang-tubig, na buhay na daluyan ng masalimuot na kasaysayan ng pamayanan.
Naalala ko ang rehiyonal na pelikulang “Hasang” ng Ilonggong direktor na si Daniel dela Cruz. Umikot ang maikling pelikulang ito sa katutubong paniniwala sa isang pamayanan na magbabagong-anyo bilang mga hayop ang mga tao sa sandali ng kanilang kamatayan. Sa pag-aagaw-buhay nito, pinili ng lola ng binatilyong si Boni na maging tilapiya siya. Hiniling din nito na makabalik sa kinagisnang ilog sa kanilang bayan.
Sa huling bahagi ng pelikula, tinungo ng binatilyo ang kinaroroonan ng ilog. Doon natuklasan niyang wala na ito. Tuyo na ito.
Kaakibat ng mala-sepiang kulay ng tagpong ito, tila sumisingaw ang pakiramdam ng alinsangan habang nakatitig si Boni sa tuyong ilog at sa bilog na fish bowl na kinalalagyan ng kanyang tilapyang lola. Sa surrealistang wakas ng pelikula, naging ulo ng tilapya ang ulo ni Boni.
Maaaring basahin ang surrealistang resolusyon ng pelikula bilang pagtatangka na ihatid kay Boni ang buradong realidad ng buhay na ilog na nakakanlong sa alaala ng pumanaw na lola na naging tilapya.
Pero maaari ring tingnan na kagaya ni Boni at ng kanyang lola, para tayong mga isdang naghahanap ng malalanguyan. Lahat tayo ay nagpupumiglas sa dahas ng pagpapalaho ng ating mga likas na yaman, mga tahanan at mga alaala at kalinangang nakabigkis sa mga ito.
Para rin akong si Boni na nahihiraya na lang ang mga buhay na ilog mula sa alaala ng mga nakatatanda sa akin. Galing ako sa Gitnang Luzon kung saan maraming mga ilog na ang tinuyo, dinumihan at nilason ng mga industriya, tinambakan ng mga isla ng kongkreto at nilamon ng mga papalaking siyudad ng semento.
Kuwento na lang mula sa mga magulang ko ang mga tagpo sa mga ilog ng kanilang pinagmulang bayan sa Nueva Ecija na pinupuno ng mga halaklak ng naghuhuntahang magkakapitbahay, na pinaghahanguan ng mga isda at iba pang yamang-tubig, na buhay na daluyan ng masalimuot na kasaysayan ng pamayanan.
Kagaya ni Boni, nakatanghod tayong lahat sa isang mundo ng mga tinuyong ilog. Para tayong mga tilapyang naghahanap ng agos na babaybayin sa iba’t ibang pampang ng karanasan at pakikibaka.