ILPS US, Bayan USA, isang linggong nagprotesta sa UNGA
Naglunsad ng isang linggong protesta ang mga progresibong grupo at kaalyadong organisasyon sa United States habang nasa sesyon ang United Nations General Assembly para ipahayag ang kanilang paninindigan hinggil sa digmaan, krisis sa klima at artificial intelligence.
Naglunsad ng isang linggong protesta ang mga progresibong grupo at kaalyadong organisasyon sa United States (US) habang nasa sesyon ang United Nations General Assembly (UNGA) noong Set. 20 hanggang 27 para ipahayag ang kanilang paninindigan hinggil sa digmaan, krisis sa klima at artificial intelligence.
Pinangunahan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS)-US, International Commission for Human Rights in the Philippines (ICHRP)-US at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA ang pagkilos sa iba’t ibang lugar sa New York City kabilang ang Philippine Consulate at UN Headquarters.
Nagsimula ang linggo ng protesta sa paglulunsad ng Shut Down Pax Silica Campaign Network noong Set. 20 na siyang binubuo ng 45 na organisasyong tutol sa Pax Silica dahil sa epekto nito sa mamamayang Pilipino at pagyurak sa soberanya ng Pilipinas.
Nagmartsa rin ang mahigit 150 katao mula sa iba’t ibang mga organisasyon mula sa Dag Hammarskjöld Plaza patungong Philippine Consulate noong Set. 22 pagkatapos magtalumpati si US President Donald Trump tungkol sa lakas-militar ng US, pagtanggol sa giyera ng US sa Iran at pag-udyok sa mga bansa na kumalas sa International Criminal Court.
“Ang retorika ni Trump ay senyales ng kahinaan at lalong lumalalang kapinsalaan ng imperyalismong US. Dapat tayong tumindig kasama ang Iran laban sa panggigiyera at pandarambong ng US,” pahayag ni ILPS-US chairperson Tino Valen sa wikang Ingles.
Bahagi ng UNGA ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sina Ambassador Jose Manuel Romualdez, Foreign Affairs Secretary Tess Lazaro, Environment Secretary Juan Miguel Cuma na dumalo rin sa isang closed-door roundtable discussion sa sustainable supply chains, green finance at energy transition.
Kinompronta’t kinondena rin ng mga nagpoprotesta sina Romualdez at New York Philippine Consulate General Assistance-to-Nationals (ATN) Officer Rovald Valdez sa kanilang kapabayaan sa mga migranteng Pilipino, kabiguang makapagbigay ng kanilang kinakailangang ATN services at pagsisinungaling sa lagay ng mga Pilipinong idinetine ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Kasama rin sa mga panawagan ng aktibista sa US ang paglulunsad ng imbestigasyon sa Toboso Massacre, pagpapalaya kay Christina Pasion at lahat ng mga migranteng ipiniit ng ICE, pagbasura sa Pax Silica, at itigil ang panggigipit sa mga tanggol-karapatan.