Baboy, magbababoy, binaboy
Maswerte nang mabili sa P250 bawat kilo ang baboy na may kabuuang halaga ng P7,500. Subalit sa karaniwan at mas madalas ay nasa P180 hanggang P200 bawat kilo lang ang presyuhan nito.
Alas-sais ng umaga, babangon na si Edna para pakainin ang mga alagang baboy.
Tatlong beses pinakakain sa maghapon, araw-araw paliliguan at nililinis ang kulungan. May mga inahing paanakin at may ilang pinalalaki para sa kalaunan ay maibenta para maging dagdag panustos sa pangangailangan ng pamilya.
Sa panahong manganganak ang inahin mahigit isang linggong nagbabantay sa tabi ng baboy si Edna at kahalinhinan pa niya ang asawa at anak. Bente kuwatro oras na pagbabantay bago at pagkatapos manganak para matiyak na malusog at hindi madadaganan ang bawat biik ng inahin.
Buong panahon o halos full-time na trabahong may overtime ang katumbas kung tutuusin. Pero para kay Edna at sa mga tulad niyang maliliit na magbababoy na may isa o iilang baboy lang na tinaguriang “backyard hog raisers,” walang halaga at hindi na binibilang ang lakas at talino sa pag-aalaga ng baboy lalo pa’t kung tutuusin ay walang pagkabawi at lubog na sa pagkalugi.
Makakabawi nga ba?
Sa isang maliit na lalawigan tulad ng Siquijor, nasa P3,500 ang karaniwang bentahan ng biik. Sa loob ng tatlong buwan kokonsumo ito ng tinatayang isa’t kalahating sako ng feeds at depende sa klase ng pakain ay aabot ang gastusin sa humigit kumulang P2,000.
Matapos ang tatlong buwan, inaasahang aabot ang timbang nito sa 30 kilo na siya namang ibebenta ayon sa presyong itinakda ng merkado, kubrador o minsan ng sama o buti ng panahon.
Para sa maliliit na magbababoy, maswerte nang mabili sa P250 bawat kilo ang baboy na may kabuuang halaga ng P7,500. Subalit sa karaniwan at mas madalas ay nasa P180 hanggang P200 bawat kilo lang ang presyuhan nito.
Sa hulilng tala, para sa kalakhan ng mga magbababoy sa ilang lalawigan sa Timog Katagalugan, nasa P150 bawat kilo na lang ang farmgate price ng baboy.
Kung bibilhin sa presyong mababa, nasa P1,000 lang ang kikitain mula sa naging puhunan para sa isang baboy matapos ang tatlong buwan o para bang suweldo na lang ng P11 o mas mababa pa sa bawat araw ng trabaho.
Kung patatagalin at palalakihin pa, mas maraming makokonsumong pakain at mas mura din sa bentahan ang malalaki at mabibigat na baboy kaya’t lalong palugi sa pangmatagalan at lalong wala na talagang halaga ang pagod, puyat at kaalamang naipon sa ilang dekadang pag-aalaga ng baboy ng mga maliliit na backyard hog raiser na siyang pinagmumulan ng 70% ng lokal na suplay ng baboy sa bansa.
Panganib ng ASF, importasyon
Ang ganitong kalakaran ay higit na pinasahol ng panganib ng African Swine Fever (ASF). Bagama’t walang naitalang kaso nito sa Siquijor, marami nang naiulat sa iba’t ibang bayan sa kalapit nitong lalawigan tulad ng Bindoy, Pamplona, Siaton, Amlan, Tanjay at Bayawan sa Negros Oriental.
Mabilis na bumagsak ang presyo ng bentahan ng baboy lalo pa’t sa maraming lugar ay ipinagbabawal na ang transportasyon ng baboy at iba pang produktong karne para maiwasan ang importasyon. Sa mga lugar kung saan may naitalang kaso ng ASF, mabilis nang pinatay ang iba pang baboy sa mga sityo at barangay kung saan nagmula ang kaso ng ASF.
Aminado ang maraming magbababoy na maliban sa agarang pagpatay sa mga baboy at mahigpit na transportasyon ay walang takdang mga hakbang sa biosecurity na mahigpit na ipinapatupad at kung mayroon man, sa kakarampot nang kita ay hindi na ito maisasagawa pa. Itinigil na rin ang pagbabakuna laban sa ASF. Ang negosyong palugi ay lalo nang nalugi.
Subalit hindi dito nagtatapos ang kalbaryo lalo pa’t para diumano ay sagipin ang inaasahang kakulangan sa suplay ng karneng baboy sa merkado ay sunod-sunod na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga executive order na magtatakda ng dahan-dahang pagkamatay ng industriya.
Noong Hulyo 2024, ipinatupad ang Executive Order 62 pinababa ng taripa sa importasyon mg mga produktong agrikultura mula 35% patungong 15%.
Bunga nito, tumaas sa 891 milyong kilo ng imported na baboy ang pumasok sa bansa noong 2025. Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, umabot na sa 455.38 milyong kilo ang imported na karne ang pumasok sa pamilihan.
Pinangangambahang aabot sa 1 bilyong kilong imported na karneng baboy ang papasok sa bansa ngayong taon lalo pa’t sa Executive Order 116 na pinirmahan kamakailan, itinaas ang Minimum Access Volume (MAV) ng imported na karneng baboy mula 54,210 metriko tonelada (MT) sa 204,210 MT.
Magdudulot ang pagbaha ng imported na karne ng ibayong pagbaba ng farmgate price ng baboy habang tumataas naman ang halaga ng pakain dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng gasolina at kawalan ng lokal na produksiyon ng mga hilaw na materyales para rito.
Binaboy ng liberalisasyon
Ang kahilingan ng iba’t ibang grupo ng hog and swine producers na iangat pabalik sa 35% ay pabalat-bungang tinanggap kamakailan ng Department of Agriculture at Malacañang nang walang katiyakang maipapatupad o tutugunan. Subalit higit dito ang pangangailangan ng mga maliliit na magbababoy at ng sektor ng agrikultura.
Kung tunay na pauunlarin ang produksiyon ng baboy at paghahayupan sa bansa para matiyak ang suplay ng karne at pagkain, dapat mabigyan ng sapat sa suporta mula sa pagtitiyak ng makatarungang farmgate price, mababang presyo ng pakain, pagtitiyak ng patakarang biosecurity at kaligtasan sa sakit, pagkakaroon maayos na suplay ng tubig, at maraming iba pa.
Unti-unting kinakatay ng patakarang liberalisasyon ang industriya ng pagbababoy at maging ang kabuuang produksiyong agrikultural ng bansa.
Nananatiling nakagapos sa mga pandaigdigang kasunduan ang Pilipinas at bunga nito’y higit na nakikita ang importasyon bilang paraan para pababain ang presyo ng karne at pagkain sa halip na buhayin ang industriya ng baboy at paghahayupan sa bansa, patakaran itong kumakatay sa kabuhayan ng mamamayan sa kanayunan.