Muni at Suri

Data center sa tabi namin


Higit na seryoso pa ang usapin ng pagkasira ng kalikasan dahil sa mga data center.

Nitong nagdaang linggo, inanunsiyo sa social media page ng Environmental Management Bureau sa Calabarzon ang panukalang magtayo ng data center na higit 35 ektarya ang laki sa karatig-bayan namin ng Calauan, Laguna. Nakapangalan ang proyekto sa Basin Data Solutions, isang kompanya na nagbibigay serbisyo sa mga tech company sa instalasyon ng mga data center.

Umani ng iba’t ibang reaksiyon sa social media ang post na ito. Ang ilan ay suportado ang anila’y mga oportunidad sa trabaho na mailuluwal ng proyekto. Pero higit na marami ang tumututol dito dahil sa bantang inihahapag nito sa kalikasan ng lugar. Nariyan din ang pag-aalala hinggil sa kakailanganing tubig at kuryente ng itatayong data center.

Kagaya ng anupamang panukala, laging ibinabandila ang job opportunity sa ganitong mga proyekto. At inaasahang marami ang sumusulpot na katanungan sa inihahapag na oportunidad na ito—ano ang uri ng mga trabahong ito? Long-term ba ito o kontraktuwal? Nakabubuhay ba ang sahod na maibibigay nito sa mga manggagawa? Paano titiyakin na makatao ang uri ng trabahong ito?

Higit na seryoso pa ang usapin ng pagkasira ng kalikasan dahil sa mga data center. Sa Estados Unidos, primaryang pinupuntirya ang mga pamayanang rural bilang lunan ng mga data center, ngunit umaani na rin sila ng batikos dahil sa negatibong impact sa kalikasan ng mga lugar na ito.

Sa Wyoming at Virginia, halimbawa, iba’t ibang grupo ang naglalatag ng mga pagkilos laban sa mga data center na naglalabas ng kontaminadong tubig sa lupa na maaaring humalo sa iniinuman ng mga mamamayang nakatira sa paligid.

Sa harap ng ganitong mga kuwento na dapat ay magsilbing babala na sa atin, alam natin na hindi sambayanang Pilipino ang pangunahing makikinabang sa ganitong mga proyekto.

Mahalagang tingnan ang pagtatayo ng data center bilang bahagi ng isang pattern ng makadayuhang balangkas ng pag-unlad na nakatuon sa paglilipat ng mga industriya sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig kung saan mura ang renta sa lupa at mura ang lakas-paggawa.

Ang kasalukuyang AI boom—na nagbabantang maging AI bubble na maaaring sumabog anumang oras—ang nagpabilis ng malawakang pagtatayo ng mga data center mula sa mga ruralidad ng Amerika hanggang sa mga bansa sa Aprika at Asya.

Hindi lang limitado sa mga data center ang tuloy-tuloy na banta sa kalikasan na bunga ng paglawak ng mga teknolohikal na imprastrukturang ito. Kaakibat nito ang paghahanap ng iba’t ibang pagkukuhanan ng enerhiya bilang tugon sa kahingian ng mga industriya.

Sa Pakil, Laguna, nariyan ang banta ng Ahunan Dam project na maaaring makasira sa kalinangang bayan, hanapbuhay at likas na yaman. Sa Sierra Madre, nariyan din ang pagtatayo ng Kaliwa Dam na itatayo upang mapagkuhanan daw ng tubig ng mga teritoryong urban.

Tumatagos naman sa mga lupain sa rehiyon ng Calabarzon ang dambuhalang inisyatibang bumuo ng Luzon Economic Corridor na magsisilbing economic conduit na magkokonekta sa iba’t ibang economic zones sa Luzon, kabilang na yaong mga tech hub na binubuo ng Pax Silica sa Gitnang Luzon.

Kaakibat nito ang tuloy-tuloy na panghihimasok ng mga minahan sa rehiyon. Nariyan ang Agusan Petroleum sa Mindoro na nagbabantang wasakin ang mga kabundukan at lupain sa pagmimina bilang bahagi ng supply chain sa mga industriya.

Tuloy-tuloy ang pagtutol ng sambayanan ng Calabarzon sa mga proyektong ito na kinikilala bilang mga mekanismo ng pagpapasailalim ng pampublikong kapalaran sa interes ng mga korporasyong dayuhan at kanilang mga lokal na kasabwat. Iba’t iba ang porma ng pagtutol na ito na humaharap din ng balakid mula sa mga puwersa ng estado.

Sa Pakil, inilunsad ang unang Turumba Film Festival na dinaluhan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Kidlat Tahimik. Sa mga komunidad sa Mindoro, tuloy-tuloy ang pag-oorganisa ng mga aktibistang makakalikasan, magbubukid at katutubo upang depensahan ang kanilang lupa.

Malimit na militarisado ang tugon sa mga pagpupunyaging ito. Kamakailan lang ay dinukot ng mga sundalo sa Mindoro ang aktibistang pesanteng si Miguel Magbata. Samu’t sari pa rin ang kuwento ng pandarahas sa mga katutubong pamayanang tumututol sa pagkamkam sa kanilang lupang ninuno.

Lumalawak ang mga data center at iba pang industriyang sumisira sa kalikasan. Lumalalim ang pagkagahaman ng mga ahente ng mapanirang akumulasyon. Ngunit umiigting din ang ating pagpupunyagi para sa ating likas na yaman at sa tunay na kagalingan ng ating mga pamayanan.