CHR, iimbestigahan ang pandarahas ng pulisya sa kampuhan ng magbubukid


Ayon sa tanggapan ng Commission on Human Rights sa National Capital Region, maghain man o hindi ng reklamo ang mga biktima, maglulunsad ang ahensiya ng sarili nitong imbestigasyon.

Ilang araw pagkalipas ng pandarahas ng Quezon City Police District (QCPD) sa reporter ng Bulatlat na si Ernest Cruz habang nagkokober ng kampuhan ng magbubukid, nagsagawa ng quick response operation ang Commission on Human Rights (CHR).

Ayon sa tanggapan ng ahensiya sa National Capital Region, maghain man o hindi ng reklamo si Cruz o ang ibang mga biktima, maglulunsad ang CHR ng sarili nitong imbestigasyon.

Matatandaang marahas na kinaladkad at tinangkang arestuhin ng QCPD si Cruz noong Okt. 19 sa gitna ng operasyon ng pulisya na wasakin itinayong kampuhan ng mga magbubukid sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Elliptical Road, Quezon City na pinahintulutan ng ahensiya at pamahalaang lokal.

Nitong Okt. 15 hanggang Okt. 21, higit 400 magbubukid mula Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Bikol, Negros at Timog Katagalugan ang dumayo sa Metro Manila at nagtayo ng kampuhan upang iparating ang kanilang mga hinaing sa gobyerno.

Kasama sa mga usapin ng mga magsasaka ang kawalan ng suporta nito sa papalapit na “super” El Niño at kakulangan sa proteksiyon laban sa pangangamkam ng lupa ng mga korporasyon.

Sa unang dalawang araw ng kampuhan, nanatili ang mga magbubukid sa harap ng Department of Environment and Natural Resources sa Visayas Avenue, bago magbanta ng pagpapalayas ang QCPD noong gabi ng Okt. 16, Biyernes. Kasunod nito, muling itinayo ang kampuhan sa DAR noong Okt. 19, Lunes.

Isa si Cruz sa higit 20 na katao na sugatan dulot ng karahasan ng pulisya. Sa kabila ng paulit-ulit na pagpapakilala bilang alagad ng midya, halos nahubaran sa pangangaladkad ng pulis si Cruz.

Bukod sa kanya, isang intern ng Altermidya Network ang sinundan at hinaras. Isa ring mamamahayag pangkampus mula sa Far Eastern University ang nasaktan sa kaguluhan. 

Kinondena ng Bulatlat, Altermidya Network at National Union of Journalists of the Philippines ang karahasan ng pulisya. Iginiit nila na ng pag-atake sa mga peryodista ay paglapastangan sa karapatan ng mamamayan na mabigyan ng impormasyon. Nanawagan ang mga grupo ng imbestigasyon at pananagutan sa mga pulis.

Nakakuha na ang CHR ng mga testigo mula sa mga saksi at organisador at namanhik sa QCPD na ilabas ang mga dokumento. Kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga biktima ng karahasan upang makakuha ng mga pormal na pahayag at medico legal.

Naglabas din ng pahayag ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa nangyaring karahasan ng pulisya sa harapan ng DAR. Iniutos na rin ni Mayor Joy Belmonte na imbesitgahan ang insidente.

“Dapat panagutin ang sinuman na mapatutunayang gumamit ng kapangyarihan para manakit, manakot o humadlang sa mapayapang pagpapahayag. Binigyang-diin ng alkalde ang atas na maximum tolerance dapat ang ipinapatupad ng QCPD,” pahayag ng pamahalaang lokal.

Nakatanggap rin ng liham-reklamo ang Quezon City People’s Law Enforcement Board (QCPLEB) mula sa mga kinatawan ng mga organisasyon na kasama sa kampuhan.

Sinabi ng QCPLEB na dadaan sa masusing pagsusuri at kaukulang imbestigasyon ang reklamo batay sa mga umiiral na patakaran at pamamaraan. Mahigpit nilang kinondena ang anumang uri ng karahasan at binigyang-diin na gumagana ang mekanismo ng pamahalaang lungsod para sa pananagutan.