Ang kabanalan ay nandito sa ngayon
Saan ba talaga nagsisimula ang pagiging banal? Kailangan bang maghintay na makarating sa langit bago ito magkaroon ng lugar sa ating buhay?
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal – Pahayag 7:2-4, 9-14 | Salmo 23 | 1 Juan 3:1-3 | Mateo 5:1-12a
Kapag sinabing “santo,” madalas ang naiisip natin ay mga larawang nakapatong sa altar, may sinag sa ulo, nakasuot ng kakaibang kasuotan at may hawak na simbolo ng kanilang buhay. Minsan, pati sa isip natin ay inilalagay natin sila sa napakataas na pedestal, na para bang napakalayo ng kanilang kabanalan sa buhay nating mga ordinaryong tao.
Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, magandang itanong: Saan ba talaga nagsisimula ang pagiging banal? Kailangan bang maghintay na makarating sa langit bago ito magkaroon ng lugar sa ating buhay?
Sa Unang Pagbasa, nakita ni Juan ang napakaraming tao na “mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika.” Nakatayo sila sa harap ng trono ng Diyos at ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak na palaspas. Sila ang mga nagmula sa matinding paghihirap at naglinis ng kanilang mga damit sa dugo ng Kordero.
Nakapagtataka ang larawang ito. Paano magiging maputi ang damit sa pamamagitan ng dugo? Ipinahihiwatig nito na ang kanilang kaligtasan ay bunga ng paghahandog ni Kristo. Ang kanilang kaluwalhatian sa langit ay may pinagdaanang pakikibaka at katapatan dito sa lupa. Bago sila nakitang nakatayo sa harap ng trono ng Diyos, mayroon silang buhay na kanilang isinabuhay.
Mahalaga ring pansinin ang sinabi ni San Juan sa Ikalawang Pagbasa, “Ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos.” Ngayon! Totoong sinasabi rin niyang hindi pa nahahayag kung ano ang magiging kalagayan natin. May ipinapangakong kaganapan na hinihintay pa natin. Ngunit nagsimula na ang ating ugnayan sa Diyos.
Kung tayo ay Kanyang mga anak ngayon, may pagkakataon na rin tayong mamuhay bilang Kanyang mga anak. Ang kabanalan ay unti-unting lumalago sa biyayang tinanggap natin mula sa Diyos, habang hinahayaan nating hubugin tayo upang maging katulad ni Kristo.
Atin namang maririnig sa salmong tugunan na itinatanong kung sino ang maaaring umakyat sa bundok ng Panginoon. Ang sagot ay ang may malinis na isip at buhay, hindi sumasamba sa diyos-diyosan, at tapat sa pangako.
Kung ipinagdiriwang natin ang mga banal na nagmahal sa kanilang kapwa, inaanyayahan din tayong baguhin ang mga kalagayang nagpapahirap sa iba. Ang kabanalan ay may pananagutan din sa mundong ating ginagalawan.
Kapansin-pansin na sa Ebanghelyo naman, si Hesus ang umahon sa bundok upang turuan ang Kanyang mga alagad. Dito Niya ipinahayag ang Beatitudes, ang mga mapapalad. Mapalad ang mga dukha sa espiritu, ang mga nagdadalamhati, ang mga mahabagin, at ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan. Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, maging ang mga pinag-uusig dahil sa paggawa ng matuwid.
Sa Beatitudes, ipinakikita ni Hesus ang uri ng buhay na kalugod-lugod sa Diyos. Hindi Niya pinapaganda ang larawan ng paghihirap, na para bang dapat na lang tanggapin ang inhustisya. Sa halip, ipinahahayag Niya ang pag-asa ng mga taong nakararanas ng hirap at ang pangako ng Diyos sa mga nagsisikap mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.
Higit sa lahat, ang mga Mapapalad ay makikita rin sa sariling buhay ni Hesus. Siya mismo ang mahabagin, mapagpakumbaba at tapat sa katarungan, kahit humantong ito sa Kanyang pagkamatay sa krus.
Siguro, ‘di natin napapansin na ang kabanalan ay mas malapit at abot kamay natin kaysa sa ating inaakala. Maaari itong makita sa isang manggagawang pinipiling maging tapat kahit may pagkakataong mandaya o sa taong patuloy na nag-aalaga sa maysakit kahit napapagod na. Naroon din ito sa estudyanteng ipinagtatanggol ang kaklaseng pinagtutulungan, sa tahimik na paghingi ng tawad kapag tayo ang nagkamali, at sa pagpapasiyang makinig muna bago manghusga.
Sa ganitong mga pagkakataon, unti-unting nahuhubog ang ating puso upang maging higit na katulad ng puso ni Kristo. May mga taong maaaring hindi makilala o maparangalan sa kanilang ginagawang kabutihan, ngunit mahalaga ang kanilang katapatan sa Diyos.
Gayunman, may hamon din ang pagiging everyday saint. Ang Ebanghelyo mismo ay nagsasalita tungkol sa pagkauhaw sa katarungan at pag-uusig dahil sa paggawa ng matuwid. May mga pagkakataong mangangailangan ang kabanalan ng pagtutol sa pang-aabuso, paninindigan para sa mga napag-iiwanan at pagtalikod sa mga sistemang nakapipinsala kahit nakikinabang tayo sa mga ito.
Kung ipinagdiriwang natin ang mga banal na nagmahal sa kanilang kapwa, inaanyayahan din tayong baguhin ang mga kalagayang nagpapahirap sa iba. Ang kabanalan ay may pananagutan din sa mundong ating ginagalawan.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, maaari nating tingnan ang kanilang mga larawan nang may bagong pag-asa. Ang kaluwalhatiang kanilang tinatamasa ay paanyaya ring mamuhay sa kabanalan ngayon.
Marahil wala tayong palaspas at puting damit tulad ng nakita ni Juan. Pero mayroon tayong mga kapitbahay na kailangang damayan, mga taong kailangang ipagtanggol at mga tungkuling dapat gampanan nang may pagmamahal.
Hindi kailangang hintayin ang langit bago magsimulang maging banal. Sa biyaya ng Diyos, maging ang pinakakaraniwang araw ay maaaring maging pagkakataon upang lumago sa kabanalan.