Hindi krimen ang pagiging mulat
Kapag nasanay ang kabataan na ang pagkamulat ay maaaring tumbasan ng pandarahas ng estado, nagiging pagsupil ito kaysa pangangalaga sa karapatan.
Kasalukuyang humaharap sa kasong terrorism financing si Jhames Paredes, 30, isang aktibista mula sa Cagayan Valley.
Tulad ng iba pang kabataang aktibista, nararanasan niya ang iba’t ibang anyo ng panunupil mula sa mga polisiya at gawain ng estado—mula sa red-tagging, panunupil sa tinatawag na “terror grooming” at akusasyon sa pagpondo ng terorismo hanggang sa mas bagong taktika.
Simula ng pagkamulat

Para kay Paredes, na dating regional coordinator ng Kabataan Partylist sa Cagayan Valley at kasalukuyang nag-aaral ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, nagsimula ang kanyang pagkamulat bilang isang iskolar ng bayan.
Una siyang pumasok sa UP Baguio sa kursong BA Social Anthropology noong 2013. Sa unang taon sa kolehiyo, sumali siya sa Tanghalang Bayan ng Kabataan sa Baguio kung saan lalo niyang nakita ang papel ng kabataan sa mga usaping panlipunan.
Gayunpaman, hindi naging madali para kay Paredes ang manatili sa pag-aaral. Tulad ng maraming kabataang nangangarap na makapagtapos ngunit kapos sa pinansiyal, inakala niyang sapat nang makapasok sa isang pampublikong pamantasan.
Pero sa ilalim ng socialized tuition system noon sa UP, lalo niyang naranasan ang bigat ng gastusin para pagkasyahin ang limitadong kita para sa matrikula, pagkain, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan.
Mula sa sariling karanasang ito, unti-unting nabuo kay Paredes ang hangaring ipaglaban ang karapatan ng kabataan sa edukasyon. Ang personal na hirap na makapag-aral ay naging mitsa ng pakikibahagi sa mas malawak na pagtindig ng kabataan.
Tatlong taon makalipas, naging full-time organizer siya sa Cordilleran Youth Center at kalaunan ay pumunta sa Cagayan Valley na naging tulay para maunawaan ang kalagayan ng mga magsasaka.
Tulad niya, maraming anak ng mga magsasaka ang pansamantalang tumigil sa pag-aaral para maghanapbuhay paramapunan ang mga pangangailangan ng pamilya dahil kulang ang kinikita sa agrikultura.
Kalaunan, naging target si Paredes ng harassment ng mismong gobyerno.
Noong Ago. 5, 2026, nakatanggap si Paredes ng subpoena mula sa Office of the Provincial Prosecutor ng Cagayan kaugnay ng reklamong paglabag sa Section 8(2) ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA). Si Paredes ay kasama sa 11 aktibista ng Cagayan Valley na kumakaharap sa parehong kaso.
Pangamba niya, maaaring maging dahilan ang kasong ito sa mas masahol na porma ng paglabag sa karapatan, tulad ng ilegal na mga pag-aresto at pagtatanim ng ebidensiya.
“‘Yong pinakamalala ay ‘yong pagpatay dahil nababansagan na terorista. Ito [‘yong mga] senaryong tumakbo sa aking isip na naglikha ng takot siyempre,” ani Paredes.
Hindi ito ang unang beses ng panggigipit at red-tagging kay Paredes.
Noong Mayo 2020, kalagitnaan ng pandemya, kabilang din ang pangalan niya sa mga isinabit na puting sako sa mga puno sa Cagayan Valley. Inaakusahan siyang rekruter ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Noong 2021, pinalitan ang mga sako ng mga tarpaulin ng kanilang larawan at mga pangalan kakabit ang parehong paratang.
Sa Cagayan Valley, hindi nag-iisa ang kaso ni Paredes. Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ilang aktibista sa rehiyon ang kinasuhan noong 2025 ng “terrorism financing” sa ilalim ng TFPSA.
Ayon sa Karapatan, may mahigit 160 pag-aresto na sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno sa buong bansa na naitala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Marami sa mga ito ang sinampahan ng kaso ng paglabag sa TFPSA at Anti-Terrorism Act.
Sa pagitan ng kampus at seguridad

Para naman kay Jacob Baluyot, estudyante at campus journalist sa Polytechnic University of the Philippines, naging mas personal ang mga dating sinusulat na mga danas ng iba matapos makatanggap ng subpoena kaugnay ng imbestigasyon sa protesta noong Set. 21, 2025.
Naroon siya bilang mamamahayag para sa The Catalyst, opisyal na student publication ng unibersidad. Kalaunan, naharap din siya sa mga reklamong sedition at inciting to sedition na iniugnay sa nasabing protesta.
Naiintindihan ni Baluyot bakit nagpoprotesta ang kapwa kabataan at bakit mahalagang may dokumentasyon nito. Salungat sa sinasabi ng estado na manipulado ang kabataan, nakikita niya ang paratang na “terror grooming” at red-tagging bilang bahagi ng mas malawak na panggigipit sa mga kabataang nagsasalita at nag-oorganisa.
“Hindi [nila] kino-consider na ang mismong materyal kondisyon ng isang tao ang nagtutulak sa kanya na magsalita, makialam at magprotesta para sa kanyang karapatan,” ani Baluyot.
Dismayado rin si Baluyot sa pamumuno ni PUP president Manuel Muhi, na aniya’y bigong protektahan ang mga estudyante na naharap sa mga reklamong kaugnay ng kanilang pakikilahok.
Sa kanyang karanasan bilang mag-aaral at mamamahayag, nananatiling mahalaga ang espasyong nagbibigay-daan sa malayang pag-iisip at pagpapahayag.
“We hold the line to speak the truth,” dagdag niya.
Hindi lang sa subpoena nararanasan ang tensiyon sa pagitan ng bukas na usaping pampolitika at mga seguridad na naratibo. Maaari rin itong makita sa paraan ng pagtingin sa isang kabataan matapos siyang magsalita tungkol sa sensitibong usapin.

Ito naman ang naranasan ng lider-estudyante na si Raven Racelis ng University of Santo Tomas (UST).
Matapos magsalita sa isang forum tungkol sa “terror grooming” na inorganisa ng UST Department of Political Science at National Security Council (NSC), tinawag siyang “komunista” ng isang taong hinihinalang dumalo sa forum dahil sa pagkuwestiyon niya sa naratibo ng pamahalaan.
Inilarawan ni Racelis ang naturang forum na “fascist state propaganda machine” na aniya’y nagkukunwaring pang-akademikong aktibidad.
Nakatanggap si Racelis ng hindi magagandang komento sa social media, lalo na mga troll, at ipinatawag ng administrasyon ng unibersidad. Sinabi ng unibersidad na nilabag niya ang Code of Conduct at nakatanggap siya ng 10 araw na suspensiyon kamakailan.
Ganito rin ang pangamba ni Paredes matapos siyang padalhan ng subpoena. Higit niyang kinailangang higpitan ang pag-iingat sa sarili at sa mga mahal sa buhay, habang nananatili ang pangambang maaaring lumampas sa papel ang paratang at malagay sa alanganin ang kanilang buhay at kaligtasan.
Naging dagdag pasanin din ito sa kanya sa aspekto ng kalusugang pangkaisipan. At higit niyang ikinababahala ang pagbabalanse ng kanyang buhay at pag-aaral, pati na rin ang bigat ng puwede niyang kahinatnan sa mga susunod na hakbang ng panggigipit na nararanasan niya.
Kaya lumilitaw ang tanong: paano nga ba ihihiwalay ang tinutukoy ng estado na rekrutment o radikalisasyon sa likas na pag-usbong ng kritikal na kamalayan, pampolitikang pakikilahok at pagnanais ng kabataan na makialam sa mga usaping humuhubog sa kanilang komunidad at paaralan?
Ang galaw ng estado
Terorismo, hindi aktibismo—ito ang naratibo ng estado.
Noong Setyembre 2025, inihain ni Sen. Bato dela Rosa ang Senate Bill 1366 o Terror Grooming and Radicalization Prevention Act na naglalayong pigilan ang sinasabing rekrutment at radikalisasyon ng mga itinuturing na bulnerableng sektor, kabilang ang kabataan.
Sinuportahan naman ito ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nagsabing kailangan ang panukala upang mapalakas ang mga mekanismo laban sa radikalisasyon at rekrutment ng kabataan sa mga komunistang grupo.
Bahagi ng ganitong balangkas ang konsepto ng “terror grooming” na inilatag din ng NSC sa Target to Threat: The Psychology and Prevention of Terror Grooming, ang kauna-unahang Philippine Journal on National Security noong Marso 2026.
Naging bahagi rin ng akademikong kontribusyon sa journal ang PUP na matagal na panahon ng may kasaysayan ng aktibismo. Itinuturing dito ang “terror grooming” bilang proseso ng impluwensiya, panlilinlang at manipulasyon sa mga bulnerableng indibidwal tungo sa radikal at ekstremistang pananaw at karahasan.
Sa ganitong naratibo, inilalagay sa usapin ng national security ang mga proseso ng paghubog ng paniniwala at pakikilahok ng kabataan.
Para kay Ma. Sol Taule, deputy secretary general ng Karapatan, bahagi ito ng counter-insurgency framework ng pamahalaan na maaaring tumama sa mga kabataang nag-oorganisa at nagsasalita sa loob at labas ng paaralan.
“Kasi ‘yon ‘yong gustong basagin ng gobyerno, ‘yong karapatan ng mga kabataan, lalo na sa mga unibersidad na hindi makapag-organisa doon sa mga kapwa nila estudyante at sa mga komunidad na napupuntahan nila,” ani Taule.
Giit niya pa, sa marahas na pambabansag sa mga aktibista bilang “terorista” ay nagdudulot ng chilling effect na kung saan nais busalan ang kanilang sariling desisyon na makapagpahayag at banta na sirain ang reputasyon ng kanilang organisasyon para supilin ang kanilang mga progresibong pagkilos.
Hindi lang indibidwal ang naaapektuhan nito. Kapag nasanay ang kabataan na ang pagkamulat ay maaaring tumbasan ng pandarahas ng estado, nagiging pagsupil ito kaysa pangangalaga sa karapatan.
Kaysa malayang mag-ambag at makialam sa lipunang ginagalawan, pinasisikip ng mismong gobyerno ang espasyong ito para sa kabataan.