Sa nalalapit na pagtatapos ng 2026, mainam na balikan ang kalendaryong hindi na mabasa sa sobrang daming nakasulat.
Mula Enero hanggang Nobyembre, punong-puno ang iskedyul ng mga responsibilidad na kahit paano’y hinarap naman. Kahit ang susunod na buwan ng Disyembre, may mangilan-ngilan ding nakasulat kahit nakatakda itong panahon ng limitado pahinga. Opo, kailangan nang umupo’t humiga nang medyo matagal ang nakatatanda!
Kababalik lang mula sa sabbatical noong 2025, muling nagturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ngayong taon. Mas mataas na ang kumpiyansa sa gawaing pang-akademiko sa dalawang dahilan.
Una, natapos na ang doktoral na pag-aaral sa Alemanya noong 2024. Ikalawa, tumaas na ang posisyon at naging ganap na propesor (full professor) noong 2025, matapos ang 11 taon bilang kawaksing propesor (associate professor) at 11 pang taon bilang katuwang na propesor (assistant professor).
Sa wakas, nakamit din ang pang-akademikong “tagumpay” dahil sa tatlong letrang P, H at D na puwede nang ilagay sa dulo ng pangalan (at siyempre’y puwede na ring gamitin ang salitang “Doktor” kahit na hindi naman nagrereseta!).
Nagresulta ang bagong titulo’t ranggo sa mga bagong oportunidad. Matapos na maging ganap na kasapi (regular member) ng National Research Council of the Philippines (NRCP) noong Marso 2026, nakuha ang prestihiyosong NRCP Gabay Award para sa pananaliksik na may malaking pakinabang sa paghuhubog ng polisiya ng gobyerno.
Sa partikular, ito ay pagkilala sa ginawa ng Kontra Daya sa pagbubuo ng data set ng mga grupong partylist na tumakbo sa halalan noong 2025. Kahit na bagong miyembro pa lang, sinubukang magsumite ng dokumentasyon, lalo na ang paggamit ng iba’t ibang sangay ng gobyerno sa ginawang pananaliksik ng Kontra Daya, at pinalad namang kilalanin ng mga eksperto’t hurado ang kolektibong pinaghirapan ng grupo.
Malapit nang matapos ang taong 2026. Nababawasan na ang mga nakasulat sa kalendaryo. Panahon nang maghabol para matapos ang kailangang matapos. Inaasahan ang limitadong pahinga sa mga natitira pang araw.
Sa mismong unibersidad, may ilang awards at grants na inaplayan at pinalad ring maaprubahan lahat. Sadyang nakakagulat ang 100% na approval rate pero nangyari talaga ito. Nagkaroon tuloy ng limitadong pondo para sa patuloy na pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensiyon. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nakayang bilhin ang mga kinakailangang gamit ngayong taon.
Dahil dito, mas maganda na ang kinakalabasan ng mga online na interbyu, pati na rin ang mga online na lektyur at talumpati sa loob at labas ng bansa. Pabirong hirit ng ilang kaibigan, kasama yata sa gastusin ang pagpaparetoke. Hindi po. Ilaw at kamera lang ang katapat ng bagong hilamos na mukha. (Huwag nang pag-usapan ang ilan pang bagong biniling gamit, salamat sa awards at grants.)
Sa taong ito, lumabas din ang tatlong librong inedit para sa isang dayuhang pabliser. Medyo mahal ito kung ibebenta sa mga kakilala sa Pilipinas kaya ginamit na lang ang bahagi ng pondo ng awards at grants para bilhin ang ilang kopya nito at ipamigay sa silid-aklatan ng mga piling unibersidad.
Kaya ngayon, libre itong mababasa ng maraming estudyanteng may panahong magpunta sa silid-aklatan. Nakakaintindi naman sila ng wikang Ingles kaya hindi malaking problema ang pagbabasa.
Pero kung nais ng nakasulat sa wikang Filipino, tinatayang lalabas sa Disyembre (sana lang!) ang ikapitong libro ng mga sanaysay. Matapos ang medyo mahabang panahon ng malalimang ebalwasyon at teknikal na pinalisasyon, mahahawakan na sa kamay ang ilang taong pinaghirapang buuin.
Kumpara sa mga naunang anim na libro, espesyal ang paparating na libro dahil tumulong ang mismong anak sa lettering ng pabalat ng libro. Siya rin ang gumawa ng ilustrasyon ng mga kabanata.
Sa madaling salita, awtor ang ama samantalang ilustrador ang anak. Siyempre’y may susing papel din ang asawang tinulungan ang anak sa gawain, bukod pa sa maraming suhestiyong parating sinusunod ng asawa sa usaping libro at buhay (o pabirong sabi sa wikang Ingles, “Yesband”).
Malapit nang matapos ang taong 2026. Nababawasan na ang mga nakasulat sa kalendaryo. Panahon nang maghabol para matapos ang kailangang matapos. Inaasahan ang limitadong pahinga sa mga natitira pang araw.
Kayang-kaya dahil kakayanin. May tagumpay dahil babakahin.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com