Sports

Lakers kampeon muli!


Kampeon muli ang Los Angeles Lakers; espesyal ito dahil ito ay sa pamamagitan ng isang makasaysayang Game 7, at kontra sa kanilang pinakamatalik na karibal sa liga ng National Basketball Association. Ginapi ng Lakers ang Boston Celtics, 83-79, upang makuha ang Larry O’Brien Trophy ng 2010 season ng NBA. Nakabawi ang Lakers sa pagkakabigo nila […]

Kampeon muli ang Los Angeles Lakers; espesyal ito dahil ito ay sa pamamagitan ng isang makasaysayang Game 7, at kontra sa kanilang pinakamatalik na karibal sa liga ng National Basketball Association.

Ginapi ng Lakers ang Boston Celtics, 83-79, upang makuha ang Larry O’Brien Trophy ng 2010 season ng NBA. Nakabawi ang Lakers sa pagkakabigo nila sa parehas na koponan noong 2008. Ito rin ang ika-16 na kampeonato ng prankisa.

Sa haba ng laro, nakitaan ng gilas ang Boston. Lumamang sila sa unang quarter ng siyam bagaman dinomina sa simula ng Lakers ang offensive rebounds. Lumaki pa ng hanggang 13 puntos ang kalamangan ng Celtics sa gitna ng 3rd quarter. Ilang beses tumabla ang Lakers, upang malamangan ulit ng Boston ng hanggang siyam, pito, lima, tatlo, hanggang isang three-points ni Derek Fisher ang tumabla muli sa laro, sa 4th quarter.

Matapos nito, isang foul kay Kobe Bryant ang nagdala sa kanya sa freethrow line, at lumobo ang kalamangan ng Lakers sa anim. Mula noon, hindi na nakabawi ng kalamangan ang Boston. Sinubok ng Boston na makalapit pa sa pamamagitan ng isang three points ni Wallace, ngunit mabilis naman itong nabawi ng isa ring three points ni Ron Artest.

Nakalapit pa ng hanggang dalawa ng Boston sa huling three points ni Rajon Rondo. Ngunit ilang segundo na lamang ang nalalabi kaya napilitan silang mag-foul ng mabilis. Ipinasok ni Sasha Vujacic ang dalawang freethrow at ito ang nagpasiya ng laro, at ng buong serye, nang hindi na nakabuslo ang Celtics sa huli nilang paghawak ng bola.

Makulay ang naging serye. Unang nakakuha ng panalo ang LA sa kanilang bakuran. Hawak man nila ang homecourt advantage, nakakuha ng panalo ang Boston sa Staples Center. Binigo naman ng LA ang akmang pagkuha ng Boston ng tatlong sunod na panalo sa kanilang palaruan nang manalo sa Game3, ngunit kinuha ng Celtics ang dalawang huli nilang laro sa Garden. Nilampaso naman sila ng LA sa pagbabalik ng serye sa Staples Center.

Nakuha ni Kobe Bryant ang Finals MVP, na ipinangalan ang tropeo kay Bill Russel. Nagtala siya ng 23 points sa laro.

Ito pa lamang ang ikatlong pagwawagi ng Lakers kontra sa Boston sa 12 na paghaharap ng koponan sa kasaysayan ng liga. Ito ang unang pagkakataon na matalo ng koponang lumamang sa serye ng 3-2 nang mabigo ang Boston na makakuha ng isang panalo sa dalawang huling laro sa Staples Center. Para kay Coach Phil Jackson, ito ang unang pagkakataon na nakatikim siya ng Game 7 na Finals, ang kanyang ika-11 kampeonato, at hindi pa sigurado ang kanyang kinabukasan sa liga.

readbud - get paid to read and rate articles