Deportasyon mula SoKor ng pangkalahatang kalihim ng KMU, opisyal ng Ibon kinondena


Kinondena ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang deportasyon ng gobyerno ng South Korea sa pangkalahatang kalihim nito na si Roger Soluta, kasama ang international policy officer ng Ibon Foundation na si Paul Quintos, ang makata at mang-aawit na si Jesus Manuel Santiago at iba pa.

Kinondena ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang deportasyon ng gobyerno ng South Korea sa pangkalahatang kalihim nito na si Roger Soluta, kasama ang international policy officer ng Ibon Foundation na si Paul Quintos, ang makata at mang-aawit na si Jesus Manuel Santiago at iba pa.

Nakatakda sana silang dumalo ng mga pagtitipon at rali kontra sa G-20 (Group of 20) Summit sa nasabing bansa.

G-20 ang grupo ng 20 industriyalisadong bansa na magtitipon sa Nob. 11-12 sa Seoul, South Korea para pag-usapan ang itatakdang pang-ekonomiyang mga polisiya sa mundo. Ayon sa mga kritiko ng G-20, iskema lamang ang grupo para lalong pahigpitin ang pagsasamantala sa maralitang mga mamamayan ng mundo. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

“Maaaring napigilan nila ang ilan sa mga kasamahan nating Pilipino na lumahok sa mga kontra-G-20 na aktibidad sa Korea, pero hindi nila mapipigilan tayong lumaban sa mapang-aping mga iskema na ipinapataw ng G-20 sa mundo. Masyado nang naghihirap ang mga manggagawa at mamamayan ng mundo,” paliwanag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Dinitine ng mga awtoridad sa Incheon International Airport si Quintos mula Biyernes ng gabi, samantalang dumating naman si Soluta at iba pa sa South Korea noong Sabado nang hapon. Sa naturang airport, sinabihan sina Soluta na blacklisted sila ng gobyerno sa bansang ito at pinuwersang sumakay sa 9:30 ng gabi na biyahe pabalik ng Manila.

Hindi ipinaliwanag kina Soluta at Quintos ang dahilan ng blacklisting at deportasyon sa kanila.

Ayon kay Labog, nakatakda sanang magbigay ng talumpati si Soluta hinggil sa atake ng G-20 sa seguridad sa paggawa at karapatan sa pag-uunyon, sa komperensiyang Sigtur  o Southern Initiative on Globalization and Trade Union Rights na kasabay ng G-20 Summit.

Paul Quintos ng Ibon Foundation (Macky Macaspac)
Paul Quintos ng Ibon Foundation (Macky Macaspac)

Si Quintos naman ay nakatakdang magbigay ng critique ng G-20 mula sa punto-de-bista ng isang naghihirap na bansa, sa People’s International Conference.

“Noong huling G-20 Summit sa Pittsburgh, USA, idineklara ng mga diktador sa ekonomiya ng mundo na nalampasan na ng mundo ang pandaigdigang krisis sa pinansiya at ekonomiya. Pero malinaw sa mga mamamayan ng mundo na lumala lamang ang krisis, dahil sa mga hakbang ng mga economic elite ng mundo para ipasa ang hirap ng krisis sa mga manggagawa at mga mamamayan,” paliwanag ni Labog.

Sinabi pa ni Labog na nakatakdang magbuo ng mga kasunduan ang G-20 na magpapatindi sa paghihirap ng mga manggagawa, tulad ng flexibilization ng mga iskema sa paggawa, freeze wages, at iba pa.

“May dahilan ang mga manggagawa at mga mamamayan ng mundo para iprotesta ang nalalapit na G-20 Summit. Alam natin na tayo ang nasa adyenda ng pulong na ito, bilang mga pinagsasamantalahan at inaapi. At dahil alam nilang kinamumuhian at poprotestahan ang G-20 ng mga mamamayan ng mundo, inutusan ng mga imperyalista ang papet na estado nito na South Korea na kitlin ang karapatan ng mga gustong magprotesta,” sabi pa ni Labog.