Migrante

Countdown para sa pagpapauwi ng OFW sa Pasko, sinimulan


Sinimulan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya ang 10 araw na countdown para sa pagpapauwi ng kanilang mga mahal sa buhay bago mag-Pasko, sa isang pagtitipon sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City ngayong araw. Pinangunahan ang pagtitipon ng halos 100 OFW at kanilang mga pamilya ng Bring Them Home Alliance, […]

Mga OFW na biktima ng human trafficking sa Jordan, kabilang sa daan-daang nananawagan kay Pangulong Aquino ng kagyat na pagpapauwi bago mag-Pasko. (Ilang-Ilang Quijano)
Mga OFW na biktima ng human trafficking sa Jordan, kabilang sa daan-daang nananawagan kay Pangulong Aquino ng kagyat na pagpapauwi bago mag-Pasko. (Ilang-Ilang Quijano)

Sinimulan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya ang 10 araw na countdown para sa pagpapauwi ng kanilang mga mahal sa buhay bago mag-Pasko, sa isang pagtitipon sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City ngayong araw.

Pinangunahan ang pagtitipon ng halos 100 OFW at kanilang mga pamilya ng Bring Them Home Alliance, isang alyansa kontra sa human trafficking.

Nanawagan sa gobyernong Aquino si Melith Ante na kagyat na pauwiin ang kanyang 27-anyos na kapatid na si Lelen Ante at mahigit 200 pang OFW na stranded sa Jordan. Nakauwi na ng bansa si Melith ngunit nanatili ang kanyang kapatid sa welfare center ng Overseas Workers Welfare Administration sa ilalim ng umano’y masasaklap na kondisyon. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Kuwento ni Melith, muntik nang magahasa ang kanyang kapatid ng amo. In-authenticate o pinatotoo ng Philippine Overseas Welfare Office ng kanilang mga kontrata sa kabila ng employment ban ng Pilipinas sa naturang bansa.

“Masakit pa sa naranasan namin sa Jordan ang malaman na hindi namin maasahan ang ating gobyerno sa mga panahon ng kagipitan. Ang hiling lang namin ngayong darating na Pasko, makasama namin ang aming mga mahal sa buhay,” sabi ni Melith hinggil sa mabagal na tugon ng gobyernong Aquino sa hiling na repatriation.

Tinatayang may 300,000 hanggang 400,000 na Pilipinong biktima ng human trafficking, at nasa 60,000 hanggang 100,000 dito ay menor-de-edad. Marami sa kanila ang nangibang-bayan sa paraang ligal at iligal, pero napuwersa roon na magtrabaho sa ilalim ng mapang-abusong mga sitwasyon, kalakalan ng droga, o prostitusyon.

Noong 2007, inilagay ng US State Department ang Pilipinas sa Tier 2 sa ulat nito hinggil sa human trafficking.

Sa kabila nito, may 146 kaso lamang ng human trafficking ang iniimbestigahan ng Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons.

“Maraming mga biktima ang nagsampa ng kaso ng paglabag sa RA 9028 (Anti-Trafficking in Persons Act) pero walang political will at rekurso ang gobyerno para tugunan ito. Hindi rin napaparusahan ang mga opisyal ng imigrasyon at gobyerno na nakikipagsabwatan sa mga sindikato ng trafficking,” pahayag ng alyansa.

Nakiisa sa pagtitipon si Gabriela Rep. Luz Ilagan, samantalang nagpadala naman ng pahayag ng pakikiisa sina Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla at Sen. Pia Cayetano.

Magtatapos ang countdown sa Disyembre 18, International Migrants Day, na mamarkahan ng kilos-protesta ng mga OFW at kanilang pamilya sa Mendiola.

“Sasabayan ito ng pagkilos ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa laban sa pagpapabaya ni Pangulong Aquino sa mga OFW. Sa halip na tugunan ang aming mga problema, binawasan pa niya ang badyet na nakalaan sa amin,” ayon kay Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante.

Tinutukoy niya ang pagkaltas sa pondo para sa mga OFW sa badyet ng Department of Foreign Affairs, na naging P103.9 Milyon na lamang sa 2011 mula sa P200-M sa 2010.

Binubuo ang Bring Them Home Alliance ng 39 indibidwal at organisasyon, kabilang ang Religious of the Good Shepherd, Migrante International, United Council of Churches in the Philippines, Gabriela, at St. Bridget College-Batangas City Social Workers.