Migrante

Hatol ng migrante ng mundo: 37 gobyerno, guilty sa ‘modernong pang-aalipin’


Isang makasaysayang tribunal ang naghatol sa Global Forum on Migration and Development (GFMD) ng guilty para sa “modernong pang-aalipin” sa mga migrante ng mundo. Sa International Migrants Tribunal na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, College of Law mula Nobyembre 28-29, ipinagdiwang ng mga migranteng manggagawa ang pasya ng internasyunal na mga hurado na guilty sa […]

Pangkulturang pagtatanghal sa International Migrants Tribunal na nagsasalarawan ng modernong pang-aalipin ng migranteng mga manggagawa.

Isang makasaysayang tribunal ang naghatol sa Global Forum on Migration and Development (GFMD) ng guilty para sa “modernong pang-aalipin” sa mga migrante ng mundo.

Sa International Migrants Tribunal na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, College of Law mula Nobyembre 28-29, ipinagdiwang ng mga migranteng manggagawa ang pasya ng internasyunal na mga hurado na guilty sa paglabag sa kanilang mga karapatang pantao ang gobyerno ng 37 bansa na nagpapadala at tumatanggap ng mga migranteng manggagawa, kabilang ang Pilipinas.

Ang mga bansang ito ang bumubuo ng GFMD, isang porum na itinayo ng United Nations at World Bank para “pangasiwaan” ang pandaigdigang migrasyon.

Ngunit ayon sa nasabing tribunal o pampulitikang paglilitis, malinaw ang ebidensya na ipinatutupad ng GFMD ang neoliberal na disenyo sa migrasyon para tugunan ang pangangailan ng imperyalistang mga bansa. The GFMD’s intent is to regulate the flow of cheap labor, keeping in mind the economic benefits from migrant labor. Whatever economic benefits derived from migration benefit a small minority such as big business and bureaucrats, especially from countries of origin,” sabi ng aktres at aktibistang si Monique Wilson, isa sa mga hurado.

(Layunin ng GFMD na pangasiwaan ang pagdaloy ng murang lakas-paggawa para makakuha ng mga pang-ekonomiyang benepisyo. Subalit ang nakikinabang lamang sa anumang benepisyo mula sa migrasyon ay ang malalaking negosyo at burukrata, lalo na sa mga bansang pinanggalingan ng mga manggagawa.)

Dagpag pa niya, “GFMD has failed, obstructed or impeded the creation of national industries that will generate adequate and decent job opportunities at home. It has promoted labor export policy that commodifies migrants, resulting to human rights violations.”

Mga hurado ng tribunal (mula kaliwa): Rolando Tolentino, Bishop Sorita Nababan, Atty. Osamu Niikura, Atty. Ana Delgadillo, at Monique Wilson

(Bigo o hinadlangan ng GFMD ang paglikha ng pambansang mga industriya para magkaroon ng mga disente at sapat na trabaho sa sariling bansa. Sa halip, ineengganyo nito ang polisiyang labor export na ginagawang commodity ang mga migrante, na nagreresulta sa mga paglabag sa karapatang pantao)

Responsabilidad ng estado

Sa loob ng isang araw, tumestigo ang mga migrante mula sa iba’t ibang bansa hinggil sa mga paglabag sa kanilang karapatang pantao, gayundin ang ilang mga expert witness hinggil sa katayuan ng pandaigdigang migrasyon.

Ayon kay Antonio Tujan ng Ibon Foundation, mas mataas pa kaysa opisyal na ayuda ang pandaigdigang remitans, na umabot na sa US$ 372 Bilyon ngayong taon. Iminungkahi ng mauunlad na bansa na gamitin ang remitans para sa “pagpapaunlad” diumano ng mga bansa.

Subalit hindi kasabay nito ang pagseguro sa pagrespeto sa karapatan ng mga manggagawang migrante. Ayon kay Tujan, sa pulong ng GFMD sa Maynila noong 2008, bukambibig lamang ito ang pangangalaga sa karapatan ng mga migrante, samantalang mas pinagtuunan ng pansin ang pagpapababa sa mga singil sa rekrutment at mas mababang interes sa pangungutang para makapangibang-bansa. Bagaman tinutugunan nito ang ilan sa mga problema na kinakaharap ng mga migrante, mas nakatuon ito sa pagtugon sa mga balakid sa mas malawak pang migrasyon.

Lider-migrante sa Malaysia na si Irene Fernandez, tumestigo

Ang labor export policy ay katumbas ng opisyal na human trafficking, ayon pa kay Tujan. Paliwanag niya, The state has the responsibility to promote the development of society and its people. People migrate because their right to development is being violated. The GFMD further violates this right to development, because the rights of migrants to a better life with their communities and family is violated.”

(May responsabilidad ang estado na paunlarin ang lipunan at kanyang mga mamamayan. Nangingibang-bansa ang mga tao dahil nilalabag ang kanilang karapatan sa pag-unlad. Lalo pang nilalabag ng GFMD ang karapatang ito, dahil nilalabag ang karapatan ng mga migrante sa mas magandang buhay kasama ng kanilang mga komunidad at pamilya.)

Kuwento ng pang-aabuso

Tinalakay naman ng lider-migrante sa Malaysia na si Irene Fernandez ang mga iskemang tulad ng securitization (halimbawa, ang pagtatago ng mga employer at ahensya ng pasaporte ng migrante) na nagtitiyak na kontrolado ang mga migrante. Itinuturing na mga kriminal at mababa ang pagkatao ng mga migrante, aniya.

Ipinakita ni Jose Jacques Medina ng Mesoamerican Migrant Movement sa Mexico ang karumal-dumal na larawan ng masaker sa 72 na ilegal na migrante sa hangganan ng US at San Francisco, North Mexico noong 2010. Aniya, sa loob ng anim na taon ay nasa 72,000 migranteng Mehikano na ang nawawala sa peligrosong pagtawid papuntang US.

Isa pang Mehikanong migranteng manggagawa, si Viviana Medina, ang tumestigo hinggil sa mahirap na proseso ng pabalik-balik mula Mexico at Canada para makahanap ng trabaho. Minsa’y may nag-alok pa sa kanya na magtrabaho sa isang sexual massage parlor. “I understood then how vulnerable one can be (as a woman migrant worker),” aniya. (Nauunawaan ko kung gaano kabulnerable ang babaeng migranteng manggagawa)

Mahigit 300 migrante at kanilang mga tagasuporta sa iba’t ibang bansa ang dumalo sa tribunal.

Sa Canada, ang minimum wage ay US$8.50 hanggang $8, pero $7 hanggang $6.50 lamang ang ibinabayad sa mga migranteng manggagawa, sa mas mahabang oras ng trabaho. Sa isang pagawaan ng damit, umabot ng hanggang 22 oras ang kanyang trabaho, aniya. Minsa’y hindi pa umano siya sinasahuran, dahil alam ng employer na wala siyang mga dokumento.

Sinisi ni Medina ang neoliberal na mga polisiyang ipinatupad ng US at NAFTA sa Mexico para sa malubhang kahirapan sa kanyang bansa. Halimbawa niya, halos 20 porsiyento ng lupain sa Mexico ang pagmamay-ari ng Canadian na mga kompanya ng mina.

Samantala, tumestigo naman si Luz Miriam Jaramillo ng Italy hinggil sa European Return Directive, na nagdudulot ng ilegal na deportasyon ng libu-libong migrante. Aniya, hindi nauunawan ng European Union ang ugat ng puwersahang migrasyon, tulad ng kawalan ng trabaho at krisis pang-ekonomiya. Hindi rin umano kinukonsidera  ng EU ang kontribusyon sa ekonomiya ng mga migrante. We do work that local citizens would not do, like care of elderly and children, construction, waiting tables, and other jobs that are considered dirty or humiliating,” aniya.

(Ginagawa ng mga migrante ang hindi ginagawa ng mga lokal na mamamayan tulad ng pag-aalaga sa matatanda at bata, konstruksyon, at iba pang serbisyo na itinuturing na marumi o nakakahiya.)

Testigong si Rex Osa, Aprikanong refugee sa Germany

Nagsilbi namang tinig ng mga Aprikanong refugee sa Germany si Rex Osa ng Voice Refugee Forum. Aniya, tumitira sila sa mga kampong di malayo ang sitwasyon sa loob ng dating mga kampong Nazi. Nagsiksikan sila sa maliliit na espayo, pinapakain ng panis na pagkain, at walang mainit na tubig kahit sa panahon ng tag-lamig. Umano’y may mga tumatagal sa loob ng kampo ng 20 taon, bago mabigyan ng legal na katayuan.

Ayon naman kay Eni Lestari, isang Indonesian domestic helper (DH) sa Hong Kong at tagapangulo ng International Migrants Alliance, hindi saklaw ng batas sa minimum wage ang mga migranteng DH, kundi idinidikta at ipinapako ng merkado ang kanilang sahod sa napakababang halaga.

Karamihan sa mga DH ang kababaihan at tumitira sa bahay ng kanilang amo, kung saan bulnerable sila sa pang-aabuso. Nagtatrabaho sila ng 12 hanggang 20 oras sa isang araw, at nasa kapritso lamang ng amo kung bibigyan ng day off o hindi.

Migrasyon at mito ng pag-unlad

Sinabi naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na isang mito ang pinangangalandakan GFMD na instrumento sa pag-unlad ang migrasyon. Tinitingnan ng GFMD ang Pilipinas bilang modelo sa pagpapatupad ng polisiya sa labor export, na nagsimula noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Pero aniya, kahit matapos ang apat na dekada nito, hindi pa rin nakaranas ng tunay na pag-unlad ang Pilipinas. (“After four decades of labor export policies, the Philippines has not experienced real development from migration.”) Katunayan, lumalaki pa ang agwat ng mayayaman sa mahihirap.

Kinakailangang maunawaan ng mga migrante ang ugat ng migrasyon, at hindi ito tingnan bilang personal na desisyon lamang, dagdag pa niya. (“Migrants must understand the root of migration and not see this as a merely personal decision.”) Si Martinez ay dating manggagawa sa isang pabrika sa South Korea.

Hatol ng tribunal sa GFMD: Guilty

Kinabukasan, lumabas na ang hatol ng tribunal. Sang-ayon ang mga hurado sa kasong isinampa ng mga migrante ng daigdig laban sa GFMD. Bukod kay Wilson, hurado rin sina Bishop Soritua Nababan (presidente ng World Council of Churches), Atty. Ana Lorena Delgadillo (Mehikanong tagapagtanggol ng karapatang pantao), Atty. Osamu Niikura (bise-presidente ng Japan Lawyers International Solidarity Association), at Dr. Rolando Tolentino (manunulat at dekano ng UP College of Mass Communications).

Anila, ang International Migrants Tribunal ay isang mahalagang alternatibong espasyo para sa marinig ang tinig ng mga migranteng manggagawa. Inirekomenda ng mga hurado ang pagbuwag sa GFMD, pagbasura sa labor export policy, at pagbubuo ng isang pagtingin sa migrasyon na nakabatay sa pagrespeto sa karapatang pantao, at hindi sa modernong pang-aalipin.

Rekomendasyon din rin nila sa mga bansang nagpapadala ng mga manggagawa, kabilang na ang Pilipinas: magpatupad ng mga polisiya—gaya ng pambansang indsutriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa—na magdadala ng tunay na pag-unlad at makakatulong sa pagpigil ng sapilitang migrasyon.

Ulat nina Soliman A. Santos at Ilang-Ilang Quijano

Larawan nina Darius Galang at Pher Pasion