Kapirasong Kritika Main Story

Pitao Mindanao


Umuulan ng parangal kay Leoncio “Ka Parago” Pitao, lider ng New People’s Army sa Mindanao, na napatay noong Hunyo 28. Kaya naman napaisip siya kung ilang beses na siyang nakapunta sa Mindanao.

Umuulan ng parangal kay Leoncio “Ka Parago” Pitao, lider ng New People’s Army sa Mindanao, na napatay noong Hunyo 28. Kaya naman napaisip siya kung ilang beses na siyang nakapunta sa Mindanao. Isang beses lang, saglit lang, at halos walang kinalaman sa malakas na pakikibaka, na mayroong ligal at mayroong armado, ng mga mamamayan sa isla. Wala siyang direktang karanasan sa Mindanao. Ang mayroon lang siya ay mga kwento ng mga nakasama niya dati sa aktibismo na nagpasyang kumilos sa hanay ng mga magsasaka at Lumad doon.

At napakarami nilang kwento, na lagi nilang ibinabahagi nang puno ng rubdob ng damdamin ng mga rebolusyonaryo. Tungkol sa malawak na kalupaan na mapagkanlong sa NPA at mapanganib sa “kaaway,” sa militar. Tungkol sa mga lugar sa kagubatan na hindi pa sa kasaysayan natutuntungan ng militar pero kasing-pamilyar ng tahanan para sa mga NPA. Tungkol sa grabeng karalitaan ng mga magsasaka at Lumad: kapag kumakain ka raw ng biskwit, ang mga butil na nahuhulog ay agad pupulutin ng mga bata at isusubo sa kanilang bibig.

Tungkol sa mataas na diwang palaban ng NPA sa lugar. Sa husay nila sa paglulunsad ng taktikal na mga opensibang waring batay lang sa kanilang kapasyahan. Sa paghiling ng masa na lusubin ang mga dayuhang kompanya ng pagmimina. Sa pananabik, bukod sa iba pang emosyon, nila sa mga operasyon ng kaaway dahil tiyak na makakakuha ng mga armas at bala. Sa lalong pagdami at paglakas nila noong itinodo ng militar ang pag-atake sa kanila, dahil direkta nila itong sinagupa. Sa husay ng masa sa pagsuporta sa NPA kahit sa panahon ng labanan.

Tungkol sa kung anu-ano, pero lalo’t higit sa alab at optimismo ng mga kasama. Sa kanilang malayong tanaw sa pagbibigay ng edukasyon sa masa. Sa kanilang malawak na pag-iisip sa pagbibigay-bigat sa pulitikal kumpara sa personal. Sa kanilang sigasig at sakripisyo, sa kabila ng sakit at katandaan ng ilan. Sa kanilang mga isip na bukas sa mga bagong bagay at demokratikong estilo sa masa at kasama. Sa pagpuna sa mga yunit na hindi nakakapagdulot ng pagbuti ng kabuhayan ng masa. Sa mahusay na pagkokombina ng mga nakakabata at nakakatanda.

May kumpirmasyon ang lahat ng kwentong ito: ang paglakas ng pakikibaka ng mga mamamayan ng Mindanao, kapwa sa pahayag ng militar at ng pamunuan ng NPA mismo. Sa kanilang parangal kay Pitao, pinuri nina Benito at Wilma Tiamzon, mga konsultant ng National Democratic Front, ang “di-matitinag na rebolusyonaryong determinasyon at kapangahasang sumulong ng hukbo at kilusan sa Timog Mindanao. Ang rehiyon ang trumangko sa pagsulong ng armadong pakikibaka sa buong bansa sa nakaraang mahigit 10 taon.”

Maging sa personal na antas, may mga kumpirmasyon. Iyung isa niyang dating kasama sa aktibismo na nagpasyang pumakat sa Mindanao, tipong malungkutin at may pinagdaanan pang depresyon noon. Pero ano’t puno ng saya, sigla, pag-ibig at aliwalas, natatawa na lang sa dating pagkatao ngayon? Iyun namang isa, dating maligalig sa personal, maangas sa pakikibaka, at maluho sa buhay. Pero ano’t magaan, kalmado at mas prinsipyado na ngayon kapag nakakausap, masayang nagkukwento ng maya’t mayang pagkain ng kamote?

Pulang pugay: Likhang sining sa pader sa tabi ng kalsada sa Davao Sining. <b>Kilab Multimedia</b>
Pulang pugay: Likhang sining sa pader sa tabi ng kalsada sa Davao Sining. Kilab Multimedia

Sa kabila ng lahat, may mga kwento rin ng pagpapakumbaba. Madalas daw silang matanong kung ano ang bukod-tangi sa pakikibaka sa Mindanao, kung bakit ito lumakas at tuluy-tuloy na lumalakas. Ang sabi raw ng isang kasama, “Wala namang bago. Ipinatupad lang natin ang mga gabay, tagubilin at atas ng pamunuan.” Ang mga kasama’t kaibigan niya galing Mindanao, mapanghikayat sa lahat ng makausap: “Punta kang Mindanao, kailangan ka doon.” May isa pang nasabihan: “Dapat maranasan mong mamuno ng larangan. Masaya.”

Ito ang isang konteksto ng pagpatay ng militar kay Pitao: ang paglakas ng pakikibaka sa Mindanao. Kaya matagal na siyang gustong patayin pero hindi mapatay, mahalaga sa kanila pero madulas. Kaya mismong anak niyang si Rebelyn ay pinagmalupitan at pinatay. Kaya kahit maysakit at nagpapagaling ay hindi siya tinantanan, siyang tumanggi, ayon sa kanyang mga kasamahan, sa alok na mag-medical leave ng NPA. Kaya napatay man siya’y hindi todong makapagdiwang ang militar, dahil alam nilang kaya silang ilang ulit na balikan.

Isang beses lang siyang nakapuntang Mindanao. Pero dahil sa napakaraming kwento mula rito tungkol sa paglakas ng pakikibaka sa kabila ng mga kahirapan at panunupil, napakalapit nito sa puso niya at mga kasama niya. At iyun ang unang hakbang patungo sa naantala pero tiyak niyang, nilang, pagpunta.

09 Hulyo 2015