Kubul-kubol ng mga biktima ng demolisyon, winasak

Nawasak ng higit 30 tauhan ng demolition team kasama ang halos 20 pulis ang mga kubul-kubol o pansamantalang tirahan ng mga biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Brgy. Alabang sa loob ng kalahating oras. Dinemolis din ang mga kubul-kubol ng maralita sa Brgy. Cupang sa Muntinlupa, Manila. Hindi inasahan ng mga maralita ang pagdating ng […]

Nawasak ng higit 30 tauhan ng demolition team kasama ang halos 20 pulis ang mga kubul-kubol o pansamantalang tirahan ng mga biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Brgy. Alabang sa loob ng kalahating oras. Dinemolis din ang mga kubul-kubol ng maralita sa Brgy. Cupang sa Muntinlupa, Manila.
Hindi inasahan ng mga maralita ang pagdating ng demolition team. Nagpapahinga ang mga nanay, nagkakantahan ang mga kabataan at wala ang mga kalalakihan nang dumating ang cargo train ng Philippine National Railways (PNR) sakay ang demolition team bandang alas-dos ng hapon.

Parang bangungot sa mga biktima ng demolisyon ang muling pagwasak sa kanilang mga tinitirahan. Tangay ng demolition team ang mga natitirang mga ari-arian ng mga biktima: tolda, higaan, saingan, kaldero, mga kahoy, yero at iba pang mumunting pag-aari ng mga maralitang taga-riles.

“Ngayon lang naming naranasan ang ganitong klaseng pambubusabos sa aming mga maralita. Masakit sa aming kalooban pero mas lalo pang nagtulak sa amin ito na lumaban at maging matapang. Dapat singilin at usigin ang gubyernong Arroyo sa kalupitan na sinapit naming mga maralita,” pahayag ni Amie Baril ng Bangon Maralita.

Pagtangkang wasakin ang pagkakaisa

Unang winasak ng mahigit 2000 puwersa ng magkasamang demolition team at Philippine National Police ang mga tahanan sa mga barangay ng Sucat, Buli, Cupang at Alabang noong Abril 27-29. Matapos ang demolisyon, mahigit 900 na pamilyang nawalan ng tahanan ang walang relokasyon o kahit temporary shelter man lamang.

Sa pagkakaisa ng mga biktima ng demolisyon, naitayo ang organisasyong Bangon Maralita. Nagsama-sama ang mga biktima ng demolisyon at nagtayo ng mga kubul-kubol habang patuloy na nagpoprotesta sa sinapit na kalagayan. Nakapagdaos din ng martsa at piket-diyalogo sa Muntinlupa City Hall noong Mayo 19, kung saan hindi sila hinarap ni Mayor Aldrin San Pedro.

“Isa itong pagtatangkang durugin ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan. Dahil lumalaban ang mamamayan, nalalantad ang panlilinlang, pambubusabos at panunupil sa maralitang taga-riles ng mga pinuno ng lungsod na ito at ng rehimen ni Gloria Arroyo,” ani Roy Velez, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-NCR.

Patuloy na paglaban ng maralita

Nakaamba ang demolisyon sa tatlo pang barangay sa tabing-riles sa Muntinlupa sa unang araw ng Hunyo. Sunod na idedemolis ang mga kabahayan ng mga maralita sa mga barangay ng Bayanan, Putatan at Tunasan.

Sa mga susunod na araw, nakaplanong ilunsad ng Bangon Maralita at Bayan-NCR ang Lakbay Riles, isang kampanya upang makipagkaisa sa mga kapwa biktima ng demolisyon at iba pang maralitang mabibiktima nito at ipagpatuloy ang kampanya para sa tiyak na paninirahan, kabuhayan at katarungan.

Wala pang isang oras matapos ang demolisyon, muling itinayo ng mga maralita ang kanilang kubul-kubol. Naglunsad din sila ng isang indignation rally sa may palengke sa Alabang kinagabihan.

Ulat ng Tudla Productions