Kamatayan at paglaban sa Balikatan


Dahil sa matinding banta kanilang mga anak at sa kanilang komunidad, naninindigan ang mga residente ng Balanak, Ligao City: Ayaw nila sa presensiya roon ng militar at ng tropang Kano.

Epekto sa mga bata

Isang psycho-social therapy ang isinagawa ng mga miyembro ng misyon sa mga batang apektado ng panibagong serye ng malalaking operasyong militar ng AFP sa Bicol.

Mahigit 30 bata na may edad tatlo hanggang 12 taon ang lumahok sa aktibidad, kasama na dito ang mga biktimang sina Ina, Daisy, Andrea at Julius.

Sariwa pa sa alaala ng mga batang ito ang insidente. At dahil nasa edad 4-5 lamang ang mga biktima, idinaan sa “playgroup” ang aktibidad para sa kanila at tuwirang pakikipagtalakayan bilang isang uri ng therapy at counseling. Samantalang ang mas nakakatandang mga bata na may edad siyam hanggang 12 ay inihiwalay para sa art therapy. 

Kinatampukan ito ng pagguhit ng kanilang palad o kamay para sa family profile, four basic emotions, community mapping at karanasang hindi malilimutan. 

Matingkad na obserbasyon sa dalawang age group ang pagkatakot sa militar. “Takot kami sa sundalo, baka matulad kami kay Rafaela,” ayon sa kanila. Malinaw din sa mga drowing ng mga ito ang pangyayari: ang pagkamatay ni Rafaela, sunog na bahay at mga sundalong nagpapaputok ang kadalasang nasa mga larawan.

Ang mga batang direkta namang biktima ay kinakitaan ng matinding trauma. Ang magkapatid na Ina at Daisy ay laging nagigising sa gabi at umiiyak. Hindi naman sila ganoon bago mangyari ang insidente, ayon sa kanilang ina. 

“Ma, iuwi na natin si baby.” Ito ang madalas na banggitin ng magkapatid na Ina at Daisy.  “Lagi nilang hinahanap ang kanilang kapatid,” malungkot na salaysay ni Jocelyn. Mula nang maganap ang insidente, kinakitaan na ang dalawang bata ng pagkamahiyain (o takot). Ayaw umalis sa tabi ng kanyang ina at nangungunyapit pa sa hita ng ina si Ina. Lagi namang nakayuko at nangingilid ang luha nila kung kakausapin ng mga kalahok sa mission. Ganundin halos ang mga obserbasyon sa mga batang sina Julius at Andrea. 

Ayon kay Eilek Manano, treatment and rehabilitation program coordinator ng CRC, ang senyales na tulad ng pagkabalisa, takot, pagkalungkot at yung sobrang pagdikit sa mga magulang ay manipestasyon ng trauma. “May pangangailangan na kagyat na masundan ang therapy ng mga bata. Ang ginawa lang namin ay psycho-social first aid, dahil masyadong maikli ang panahon,” ani Manano. “Ang pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ni Rafaela at pagkakasugat ng ina at mga kapatid nito, ang siyang makapagpapabilis sa paghilom sa mga traumang kinakaharap nila,” dagdag pa niya.

Isang malinaw na epekto  sa mga bata ang pagkabalam ng kanilang pag-aaral, sa kabila ng malapit na ang katapusan ng klase. Signipikanteng bumaba ang attendance ng mga batang pumapasok sa elementaryang paaralan ng Balanak.  Ayon mismo sa gurong ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan (sa dahilang panseguridad): “Noong araw na mangyari ang insidente, 100% ang aming attendance. Kasalukuyang periodical test noon. Kaya’t  buti na lang nagdesisyon kaming huwag ng pauwiin ang mga bata at pinag-baon na lang namin sila.”

“Karamihan sa mga bata, nag-iiyakan noong makarinig kami ng malakas na pagsabog at mga putok. Lalo na ’yung mga nasa Grade1 hanggang 3. Kahit nga kaming mga guro nahintakutan sa nangyayari, lalo na noong nagsisidatingan na ang mga sugatan,” kuwento pa ng guro. 

“Matapos ang insidente, bumaba nang 58% ang attendace ng mga batang pumapasok. Kahit nga ang kasama naming dalawang guro, napabilis ang paglipat sa ibang lugar,” sabi pa ng guro. 

Aabot sa 144 ang mga ng estudyante sa mababang paaralan ng Balanak. Hindi pa kasama  rito ang mga bata sa daycare center na pinapangasiwaan naman ng konseho ng barangay. 

“Pinalibutan din ng mga sundalo itong eskuwelahan noon. Ang tangi kong nagawa noon ay ang tumawag sa district supervisor at mag-update sa nangyayari at humingi ng tulong, pero ano naman tulong ang aabot eh ang layo namin,” kuwento ng guro. “Kung wala ang mga militar hindi naman magulo dito.”