Espesyal na Ulat

Mga Implikasyon at Epekto ng Pandaigdigang Krisis Pampinansya sa Kilusang Anti-Imperyalista ng mga mamamayan


Tumitindi ang galit sa US ng iba pang imperyalistang kapangyarihan dahil sa pag-angkin nito ng solong paghahari (hegemony) sa buong mundo at pagsisikap nitong sakmalin ang pinakamalaking bahagi ng yaman sa bawat kontinente. Kaalinsabay, labis na itong nababanat at humihina sa ilang bahagi ng mundo. Namumuo ang mga kontradiksyon sa pagitan ng US at ng […]

Tumitindi ang galit sa US ng iba pang imperyalistang kapangyarihan dahil sa pag-angkin nito ng solong paghahari (hegemony) sa buong mundo at pagsisikap nitong sakmalin ang pinakamalaking bahagi ng yaman sa bawat kontinente. Kaalinsabay, labis na itong nababanat at humihina sa ilang bahagi ng mundo. Namumuo ang mga kontradiksyon sa pagitan ng US at ng Rusya at Tsina nang magkasama o magkahiwalay. Gayundin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng US at ng European Union. Sangkot sa mga kontradiksyong ito ang pang-ekonomiya, pampinansya, pampulitika, panseguridad at iba pang isyu. Sa pagsahol ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, tatalas ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at lilikha ang mga ito ng mga kalagayang paborable sa pagsulong ng mga kilusang rebolusyunaryo.

Sa loob ng mga bansang imperyalista, tumatampok ang mga kontradiksyon sa pagitan ng monopolyo-burgesya at ng uring anakpawis. Sa balangkas ng neoliberalismo, sumadsad nang husto ang sahod at kalagayan ng paggawa ng uring anakpawis. Nawala na ang seguridad sa pagtatrabaho ng nakakaraming manggagawa. Nahaharap sa diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aapi ang mga manggagawang kabataan, kababaihan at migrante. Grabeng nauk-ok ang mga benepisyong panlipunang naipagtagumpay sa mahabang panahon. Inatake at kinitil ang mga karapatang pangmanggagawa at demokratiko.

Sa pagsahol ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lalong sisikapin ng monopolyo-burgesya na lalong pagsamantalahan at apihin ang mga manggagawa. Pagsasabungin nito ang isang seksyon ng uring anakpawis laban sa isa pa. Para rito, gagamitin nito ang sobinismo, rasismo, panrelihiyong bigotry at pasismo. Pero lalo lamang nitong pinapasahol ang mapagsamantala at mapang-aping mga hakbangin ng monopolyo-burgesya na magtutulak sa mga manggagawa na lumaban at maglunsad ng rebolusyunaryong pakikibaka. Hindi kailanman napawi ang tunggalian ng mga uri sa mga bansang imperyalista. Nasikil lamang ito sa matagal-tagal na panahon. Ngayon, muli itong tumitindi.