Main Story

Laban ng kababaihan, laban ng mamamayan

Sa harap ng tumitinding krisis panlipunan, paglabag sa mga karapatan at maniobra ng mga nasa kapangyarihan para tuluyang ibukas ang bansa sa dayuhan, maraming kababaihan ang nagpapatuloy na lumaban.

Higit tatlong dekada nang ipinagdiriwang sa Pilipinas ang Buwan ng Kababaihan tuwing Marso para itampok hindi lang ang mga suliranin ng kababaihan, kundi pati ang kanilang mga napagtagumpayan.

“Nakaugat ang pagdiriwang ng National Women’s Month sa pagkilala sa International Women’s Day tuwing Mar. 8, na bunga ng makasaysayang pag-oorganisa ng kababaihan sa maagang bahagi ng 1900s,” sabi ng Philippine Commission on Women.

Bagaman may antas ng pagkilala ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga ambag ng kababaihan sa lipunan, napapalabnaw ng “pagdiriwang” ang tunay na kahulugan ng paggunita.

Noong 1917, pinangunahan ng mga kababaihang manggagawa sa mga pagawaan ng tela sa Russia ang panawagang “Tinapay at Kapayapaan” sa gitna ng nagpupuyos na galit ng mamamayang Ruso sa czar. Panawagan nila ang pagwawakas ng World War I, ng laganap na kagutuman at ng monarkiya.

Mahigit isang siglo ang lumipas, halos ganoon pa rin ang panawagan ng kababaihang anakpawis: Kabuhayan, Karapatan at Kasarinlan.

Makikita sa danas ng ilang kababaihan na hanggang ngayon, hindi napapatid ang mapag-isang diwa para labanan ang pang-aapi sa kababaihan at mamamayan.

Si Jacquiline Ruiz (gitna) ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan sa State of the Labor Address 2023 kasama ang iba pang lider-manggagawa at lider-unyonista. Mayday Multimedia/Facebook

Para kay Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), “Nagpapatuloy [tayo] dahil nagpapatuloy ang mga mapaniil na polisiya sa negosyo.”

May apat na dekada na ang KMK sa pag-oorganisa at pagtulong sa kababaihan sa manupaktura, retail, at kamakailan pati mga business process outsourcing o mga call center. Sa KMK, nakakahanap ng kasama at kakampi ang mga manggagawang kababaihan.

“Sama-samang boses ng kababaihan ang siyang magtutulak para makamit yung mga hinihiling na karagdagan sa sahod sa trabaho,” sabi ni Ruiz.

Sa kasalukuyan, mula sa impormal na sektor ang karamihan ng manggagawang kababaihan na kasapi o inaabot ng KMK. Kadalasan, sabi ni Ruiz, hindi tapat sa naiaambag nilang paggawa ang inuuwi nilang kita.

Ayon na mismo sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong 2019, 40% ng lahat ng manggagawang kababaihan ang nabibilang sa informal sector base sa datos mula 2017.

“Kapag informal sector employment, walang social protection, mababa ang pasahod, at pangit ang kondisyon ng paggawa,” ayon sa pag-aaral ng NEDA.

Sa pag-aaral ng World Bank noong 2021, mas mababa ang kinikita ng manggagawang kababaihan na bahagi ng mga industriya na mababa magpasahod.

Dahil sa responsibilidad sa pamilya, nagkaroon umano ng “kagustuhan [ang kababaihan] na kumuha ng flexible na iskedyul ng paggawa sa mga trabaho na hindi sapat ang pasahod katumbas ng kanilang ambag sa gawain.”

Ilan lang ito sa mga isyu na nabanggit rin ni Ruiz. Aniya, ang kawalan ng nakabubuhay na sahod at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang dahilan kaya lalong kailangan matuto mag-unyon ang kababaihan.

Ang kaso, sabi niya, tila lumiliit ang puwang para sa pag-uunyon sa maraming industriya sa buong bansa.

“Sa mga export-processing zone, may no-union policy,” sabi ni Ruiz. Hindi rin umano nakatulong ang ilang polisiya, tulad ng Executive Order (EO) 70 na nagbigay-daan sa pagkakabuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Ayon sa nakakalap nilang ulat mula sa mga manggagawang kababaihan, ginagamit ang EO 70 para takutin mga manggagawa, na para bang porma ng terorismo ang pagiging organisado.

Sa kabila nito, hindi nagpapatinag si Ruiz at ang KMK. “Isa naman talaga ang magiging sandigan ng mga manggagawa—ang kanilang sama-samang lakas, sama-samang boses at pagkilos,” sabi ni Ruiz.

Sina Jhed Tamano (kaliwa) at Jonila Castro sa press conference matapos ang hindi natuloy na preliminary hearing sa Court of Appeals sa apela ng Department of Justice sa iginawad na proteksiyon ng Korte Suprema. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Matapos makalaya sa kamay ng militar, tinitiktikan naman nila ngayon ang dalawang tanggol-kalikasan na sina Jonila Castro at Jhed Tamano.

“Hindi naman kami nakakauwi. May times na sinubukan umuwi, pero naramdaman namin na may sumusunod. Kaya hindi rin kami nakatagal sa ibang lugar,” kuwento ni Tamano. “Nitong mga nakaraang buwan lang rin, nakaranas si Jonila ng surveillance.”

Dinukot nga militar ang dalawang kababaihang aktibista sa Orion, Bataan noong Set. 2, 2023. Mga volunteer sila ng AKAP KA Manila Bay, isang organisasyong pangkalikasan na nagtatanggol ng karapatan ng mga komunidad sa palibot ng Manila Bay na apektado ng mga proyektong reklamasyon.

Inilitaw sila ng NTF-Elcac sa isang press conference sa Plaridel, Bulacan matapos ang mahigit dalawang linggong pananatili sa kustodiya ng militar sa pag-aakalang magagawa nilang ipresenta ang dalawa bilang mga “sumukong rebelde.”

Habang katabi mismo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., matapang na isiniwalat nina Castro at Tamano ang dinanas na pagpapahirap sa kamay ng militar.

Noong araw ding iyon, Set. 19, dinumog ng mga progresibong grupo ang munisipyo ng Plaridel para i-rescue ang dalawa.

Nakararanas din sila ngayon ng judicial harassment at tinangkang arestuhin dahil sa inilabas na arrest warrant ng korte sa Bulacan para sa kasong grave oral defamation at pagharang sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa kanilang petisyon.

Matapos silang gawaran ng Korte Suprema ng proteksiyon sa ilalim ng mga writ of amparo at habeas data at temporary protection order, nalaman nila na may arrest warrant na pala sila nang sabihin ito ng Department of Justice sa apela nito.

“Kaya ang hiling talaga namin sa Court of Appeals, maging mabilis ‘yong proseso. Sana [pumanig] ang Court of Appeals sa aming mga biktima at bigyan na kami ng permanent protection order,” ani Castro.

Ngunit sa kabila ng panunupil at pagpapahirap na dinaranas, nagpapatuloy ang dalawang magiting na kabataang kababaihan sa kanilang adhikain na ipaglaban ang mga karapatan ng mamamayan sa palibot ng Manila Bay kahit sa limitadong paraan.

“Maliban sa amin, naging tuloy-tuloy ‘yong intimidation at harassment sa iba pang mga kilalang indibidwal, sa mga pinanggalingan namin—mga [community], mga mangingisda, mga lokal, maging mga estudyante,” sabi ni Tamano.

“Kaya ang panawagan natin sa mga kababaihan, mula man tayo sa iba’t ibang sektor, mula man tayo sa iba’t ibang pinanggalingan sa buhay, estudyante ka man, nasa pangisdaan, magsasaka, manggagawa—hamon sa atin na magkaisa tayo,” wika ni Castro.

Si Sarah Elago sa paglulunsad ng Babae para sa Inang Bayan Network na naglalayong protektahan ang karapatan ng mamamayan at soberanya ng Pilipinas laban sa mga panganib ng Charter change. James Cenen Laman/Pinoy Weekly

Nagbabadya ang ibayong pandarambong ng mga dayuhan sa bansa dahil sa nilulutong Charter change (Cha-cha) ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr.

At hinding-hindi aatras ang kababaihan sa laban para ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa at karapatan ng mamamayan sa sariling bayan.

“Sa pagsusulong ng kasalukuyang administrasyon ng Charter change, tatanggalin o babaguhin nito ‘yong kakarampot na nga lang na proteksiyon sa ilalim ng Konstitusyon tulad ng 60/40 equity rule sa foreign ownership at pagbabawal ng pagtatayo ng dayuhang base militar sa bansa,” paliwanag ni Sarah Elago.

Nang natapos ang kanyang termino sa Kamara bilang kinatawan ng Kabataan Partylist, nagpapatuloy si Elago sa pagsusulong ng mga karapatan ng kababaihan at mamamayan bilang legislative consultant ng Gabriela Women’s Party (GWP).

Aktibo ngayon si Elago sa mga talakayan kasama ang kababaihan sa mga komunidad upang ipaliwanag ang mga peligro ng Cha-cha.

Kasama rin siya sa pagbubuo ng Babae para sa Inang Bayan (BIBA), isang network ng kababaihan na layong protektahan ang kalayaan at soberanya ng Pilipinas laban sa dayuhang panghihimasok na pahihintulutan kapag nabago ang Saligang Batas.

Ayon sa kanya, hindi lang ekonomiya ng Pilipinas ang kawawa sa pagbabago ng mga probisyon sa Konstitusyon sa pambansang ekonomiya at patrimonya, damay dito ang maraming kababaihan.

“Sa pagpapapasok ng [mga] dayuhang base militar sa bansa, tiyak na lalala rin ‘yong mga kaso ng karahasan sa kababaihan tulad ng nangyari [kina] Nicole, Jennifer Laude, at iba pang mga naging biktima ng mga sundalo ng US (United States),” ani Elago.

Maliban sa karahasan sa kababaihan, apektado rin ang kanilang mga kabuhayan at karapatan “dahil doble ang pasanin ng isang babae sa ganitong klaseng lipunan.”

“Ang sektor ng kababaihan ang isa sa pinakamaaapektuhan kapag nagkaroon ng malaking dayuhang presensya sa lahat ng antas, politika man, militar o ekonomiya,” ani Elago.

“Tiyak na ‘pag naipasa ang Cha-cha, lalawak pa lalo ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap at babaliwalain ang mga mahahalagang serbisyong panlipunan sa ngalan ng kita para sa malalaking negosyante at dayuhang namumuhunan,” dagdag niya.

Dahil sa mga banta sa kababaihan ng Cha-cha, puspusan ang paghahanda ng mga kasamahan ni Elago sa GWP at BIBA para malinaw na marinig ang tinig ng kababaihan laban sa pagbabago ng Konstitusyon.

“Kailangan paunlarin ang kaalaman at kamulatan ng mas marami sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, lalo na ngayong may malaking atake sa ating kasarinlan,” aniya.


Sa bawat isyu ng mamamayan, mahalaga ang ginagampanang papel ng kababaihan para isulong ang mga demokratikong laban at panawagan. Kaakibat ng bawat usapin ang kanilang pagsusumikap na baguhin ang sistemang malaon nang isinasantabi ang boses ng kalahati ng populasyon ng mamamayan.

Sa kahit anong hamon, umaahon at lumalaban ang kababaihan pilit man silang patahimikin ng mga nasa poder. Sa huli, ang tagumpay ng kababaihan ay tagumpay ng mamamayan para sa mas malayang inang bayan.