Editoryal

Kababaihan para sa kabuhayan, karapatan at kasarinlan


Ang mga panawagang ito ng kilusang kababaihan ay panawagan, kung gayon, para sa pagbabago. Sa ganitong mga pagbabago lamang magiging posible ang makabuluhang pagsulong sa kalagayan at karapatan ng kababaihan—at maging kalalakihan—sa ating bansa.

Walang kaparis ang pagdausdos ng kalagayan ng kababaihang Pilipino sa loob lamang ng ilang nakaraang taon.

Hindi na kayang itago pa ng mabulaklak na mga salita ng pamahalaan ni Ferdinand Marcos Jr. ang kahirapan at kagutumang dinaranas nila at kanilang mga pamilya. 

Dahil sa kahirapan, malaking bilang ng kababaihan ang napipilitang pumasok sa mabababang kalidad na trabaho kapalit ng malaaliping sahod at ‘di makataong kalagayan sa paggawa. 

Tinatayang 35 hanggang 40 milyong kababaihan ang nasa “informal” work o ‘di rehistrado at walang katiyakan sa trabaho kapalit ng walang kasingbabang kita, dito sa loob at labas ng bansa.

Dahil nasa labas ng regulasyon ng batas, madali ring maging biktima ng pang-aabuso ang kababaihang nasa ganitong tipo ng gawain. At kung mabiktima man, wala namang mapagsusumbungan. 

Sa Pilipinas, malayong-malayo ang P341 hanggang P610 na minimum na arawang sahod sa tinatayang P1,188 family living wage para tustusan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng limang kataong pamilya.

Bumubulusok ang halaga ng sahod sa pagsirit ng presyo ng langis, pagkain at iba pang produkto. Kaya’t marami sa mga kababaihan ang kayod-kabayo sa paghahanapbuhay, bagaman anumang kayod ay lagi pa ring kulang para sa mga batayang pangangailangan.

Sa ganitong sitwasyon, kabalintunaan ang pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan—tulad ng ginagawa ng gobyerno taon-taon—na pinapaikot lamang ang usapin ng paglaya ng kababaihan sa usapin ng income generation, abstraktong “gender equality” o kaya naman ay seksuwal na karahasan na para bang ito lamang ang mga suliranin ng kababaihan.

Kalahati ang kababaihan sa mga manggagawang pinahihirapan ng nakapakong sahod at sumisirit na presyo ng bilihin at langis. Kalahati rin sila ng populasyong ginigipit ang mga karapatan. Kalahati rin sila ng mamamayang inaagawan ng tunay na kalayaan dahil sa dominasyon ng dayuhang interes dito sa ating bayan.

Itinatago ang mga epekto ng pang-ekonomiya’t pampulitikang patakaran ng pamahalaan na sanhi at nakakapagpalala sa kaapihang nararanasan ng kababaihan.

Alinsunod ito sa linya ng mga makaimperyalistang pandaigdigang institusyong gaya ng United Nations na una nang nagpalabnaw sa orihinal na katangian ng Araw ng Kababaihan—paggunita sa mahalagang papel ng kababaihang manggagawa sa lipunan at ekonomiya.

Bagaman mahahalagang mga usaping panlipunan ang mga nabanggit, hindi lamang ang mga ito ang mga suliraning bumabagabag sa kababaihan.

Kalahati ang kababaihan sa mga manggagawang pinahihirapan ng nakapakong sahod at sumisirit na presyo ng bilihin at langis. Kalahati rin sila ng populasyong ginigipit ang mga karapatan. Kalahati rin sila ng mamamayang inaagawan ng tunay na kalayaan dahil sa dominasyon ng dayuhang interes dito sa ating bayan.

Kaya’t nanawagan ang pangmasang kilusang kababaihan sa bansa laban sa lahat ng porma ng pang-aabuso sa kababaihan at pagkakapantay ng mga kasarian.

Ngunit malakas na panawagan din nito ang nakabubuhay na sahod. Gayundin ang pagpapawalang-bisa ng mga mapaniil na batas tulad ng Anti-Terrorism Act at pagbabasura ng makadayuhang Charter change. Panawagan din nitong tutulan ang pagtatayo ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement site ng mga tropang Amerikano sa bansa.

Ang mga panawagang ito ng kilusang kababaihan ay panawagan, kung gayon, para sa pagbabago. Sa ganitong mga pagbabago lamang magiging posible ang makabuluhang pagsulong sa kalagayan at karapatan ng kababaihan—at maging kalalakihan—sa ating bansa.