Pinoy Weekly

Ekstensiyon ng CARP pinababasura

Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa kanyang mga kapwa kongresista na tuluyan nang ibasura ang House Bill 4077 o panukalang limang taong ekstensiyon sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ayon kay Mariano, tagapangulo rin ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi na dapat bigyan ng “false hopes” o maling pag-asa ang mga magbubukid na mapapasakanila ang lupaing kanilang sinasaka sa pamamagitan ng diumano’y bogus na CARP.

Inaasahang tatalakayin sa plenaryo ng Kamara ang HB 4077 bago matapos ang sesyon nito sa Hunyo 3.

Sinabi ng kongresista na naging instrumento lamang ang CARP para maiwasan ng mga may-ari ng lupa ang pamamahagi nito sa mga magsasaka at naging daan para lalong makonsentra pa ang mga lupain sa kamay ng iilan.

Binabalak ni Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ng Akbayan, nagsusulong ng ekstensiyon ng CARP, na ibalik ang compulsory acquisition scheme sa ilalim ng CARP. Sinubukan itong tanggalin ng mga kongresista noong tinalakay ang panukalang batas noong Disyembre 2008.

Pero ayon kay Mariano, hindi gumagana ang compulsory acquisition scheme na may 7% lamang na accomplishment sa nakaraang 20 taon.

Inihalimbawa pa niya ang mga lupain na nasasailalim pa rin sa mahahabang litigasyon sa korte sa kabila ng diumano’y pamamahagi nito, gaya ng sa Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Looc sa Batangas, at Hacienda San Antonio at Santa Isabel sa Isabela.

Inilinaw pa ni Mariano na karamihan sa diumano’y pinamahaging mga lupa sa ilalim ng CARP ay sa pamamagitan ng Voluntary Offer to Sell (VOS), kung saan ginawang gatasan ng mga may-ari ng lupa ang pagbebenta ng lupain batay sa halaga nito sa merkado.

Isinusulong ng Anakpawis Party-list ang HB 3059 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) bilang kapalit ng CARP.

Samantala, noong Mayo 25, nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights ang KMP at iba pang mga grupo laban kina House Speaker Prospero Nograles, House Sergeant-at-Arms Brig. Gen. Horacio Lactao, at mga elemento ng Philippine National Police Station 6 na responsable sa marahas na dispersal sa kampuhan ng mga magsasaka sa harap ng House of Representatives sa Quezon City noong nakaraang linggo.

Sampung magsasaka ang sugatan sa nasabing insidente. Hinihiling nila ang pagpasa sa GARB at tinututulan ang ekstensiyon ng CARP.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1523

Posted by on May 26 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes