Suportado sa grupong pangkababaihan na Gabriela si Katrina Halili matapos humingi ng tulong sa kanila ang aktres sa laban nito sa mga nagpakalat sa Internet ng kontrobersiyal na sex video nila ni Dr. Hayden Kho.
“Nakipagkita sa amin si Katrina at kami ay naniniwala at sumusuporta sa kanyang ipinaglalaban. Maaasahan niya ang aming pagsuporta tulad ng pagsuporta namin sa iba pang biktima ng karahasan laban sa kababaihan,” sabi ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Inihayag ng grupo na “habang patuloy na itinuturing ang kababaihan bilang bagay para sa sex at aliw, patuloy din ang pagdami ng mga kaso ng paggamit ng teknolohiya sa pang-aabuso ng kababaihan.”
Hindi rin umano isolated case ang kaso ni Halili. “Sa mga nakaraang taon, dumarami ang natatanggap ng Gabriela na kaso ng pag-video ng sexual acts na ipinakakalat sa midya. Sa ilang mga kaso, may pagpayag ng babaeng biktima ang pag-video. Pero mahalagang tandaan na ang akto ay ginawa sa pribado at sa konteksto ng isang relasyon, kaya’t ang pagpapakalat ng video ay isang matinding paglabag sa karapatan ng babae,” ayon kay De Jesus.
Maghahain ng panukalang batas ang Gabriela Women’s Party-list na layong magparusa sa mga nagpapakalat ng sex videos.
“Napapanahon na bigyang pansin at isulong ang isang panukala na magbibigay ng proteksyon sa mga kababaihan laban sa pagsasapubliko, pagpapakalat, at pagbebenta ng pribadong sex videos,” ayon kay Gabriela Rep. Liza Maza.
Noong Mayo 20, nagsampa ng kaso sa National Bureau of Investigation si Halili laban kay Kho. Nananawagan ang ilang mga senador sa Professional Regulatory Commission na tanggalan ng lisensiya si Kho at iba pang mga kasamahan nitong mapapatunayang responsable sa pagpapakalat ng nasabing sex video.
Samantala, sinabi ni de Jesus na dapat paigtingin ang gawaing impormasyon at edukasyon sa publiko para mabago ang pagtingin sa kababaihan, “lalo na sa kababaihang biktima ng pang-aabuso na kalimitan ay nababansagan ng negatibo kaya natatakot na lumaban para sa hustisya.”
Related posts:
(1) Sa hanay ng mga kapanalig ni Presidente Noynoy Aquino, may isang paraan para mapag-iba ang mga sagad-sagarin sa mga kahit paano’y kritikal kung magsuri, iyung may katapatan pangunahin sa pangulo at iyung pangunahin sa bayan: Paano nila hinuhusgahan ang unang State of the Nation Address ni Noynoy? Kung puro papuri, nakahanay sila sa nauna; kung kahit paano’y may papitik-pitik na pagpuna, sa ikalawa.
Discussion
No comments for “Katrina Halili humingi ng tulong sa Gabriela”
Post a comment