Uncategorized

Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis

Si Joel Maglunsod, noong nakaraang kilos-protesta ng mga manggagawa noong Mayo Uno sa Liwasang Bonifacio, Manila. (KR Guda)

Si Joel Maglunsod, noong nakaraang kilos-protesta ng mga manggagawa noong Mayo Uno sa Liwasang Bonifacio, Manila. (KR Guda)

Haligi si Joel  “Jomag” Maglunsod ng kilusang paggawa sa Katimugan. Umaabot na ng halos apat na dekada ang kanyang paglilingkod sa mga manggagawa at anakpawis. Bagama’t isang taon na lamang at halalan nang muli, sabi niya’y ilalaan niya ang maiksing panahon na ito sa pagsusulong ng mga reporma at panukalang batas na magtitiyak sa kagalingan ng naghihirap na mga sektor ng lipunan. Sa kasalukuyan, nagsisilbing kanyang tanggapan ang kampuhan ng mga magsasakang nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa sa tarangkahan ng Kongreso.

PW: Ano ang inyong mga plano sa Kongreso bago ang halalan sa 2010?

JM: Ipagpapatuloy ko ang mga nasimulan ni Ka Bel sa Kongreso. Isa na dito ang pagsusulong ng House Bill 1772. Ito ng P125 across-the-board nationwide na dagdag-sahod. Nakaabot na ang panukalang batas na ito sa 3rd reading pero dahil sa ilang teknikalidad, hindi na ito umusad.

Ang totoo, napakahirap ipasa ang panukalang batas na ito dahil tutol ang mga kapitalista, gayundin ang gobyerno. Katulad na lamang ng pahayag bago mag-Mayo Uno ng Malakanyang na wala daw pagtataas ng sahod ngayong panahon na ito. Ginagamit naman ng mga kapitalista ang krisis pampinansiya na dahilan para di magtaas ng sahod.

Pero ngayon, higit kailan man, kailangan ito ng mga manggagawa. Kailangan ito upang makaaagapay sila sa tindi ng epekto ng krisis. Tingnan na lang natin ang di mapigilan na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin. Ang minimum wage ngayon, P382  lamang habang halos aabot na ng P1,000 ang kailangan ng bawat pamilya dito sa Maynila para sa arawang gastusin.

Liban sa pagsusulong ng dagdag-sahod, ano pa ang mga maaaring gawin ng Anakpawis partylist sa loob ng Kongreso ngayong may bago itong kinatawan?

Isa pa sa mga maaaring gawin ng Anakpawis ay ang pagsusulong ng batas na magbabawal ng kontraktualisasyon. Kailangang I-abolish ang polisiyang ito. Excuse ito sa palagian ng estado at ng mga kapitalista para mabawasan ang benipisyo at pigilan ang pagbubuo ng unyon sa mga pagawaan.

Gayundin, ang batas hinggil sa assumption of jurisdiction na kadalasan ay walang katwirang ipinapatupad ng DoLE. Gaya halimbawa ng nangyari sa Hacienda Luisita. Pagtugon sa mga kahilingan ng mga manggagawa ang solusyon kapag may labor dispute.

At liban sa mga manggagawa, atin ding kakatawanin ang iba pang sektor ng masang anakpawis gaya ng maralitang lunsod at mga tsuper. Mahigpit ang ating pakikipag-ugnayan sa Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) at Piston (Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nation-wide) upang maisulong ang interes ng mga sektor na ito at makagawa ng mga batas ng magbibigay ng proteksiyon sa kanilang mga karapatan at interes.

Isa pang bagay na pagtutuunan natin ng pansin sa pag-upo sa Kongreso ay ang paggigiit para i-review ang mga batas na sa ating pagsusuri ay hindi nakakatulong sa mamamayan at bagkus ay lalu pang nagpapahirap sa atin. Halimbawa nito ay ang oil deregulation law at ang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act). Isa pa sa mga kagyat nating nais ipatigil ay ang E-VAT (expanded value-added tax), lalu na s kuryente at tubig.

Ano ang masasabi ninyo sa pandaigdigang krisis pampinansiya at epekto nito sa mga manggagawa?

Ang global financial crisis ay inanak ng crisis of overproduction. Lumilikha ang mga imperyalistang bansa ng labis na produkto na hindi naman kayang bilhin ng mamamayan  dahil sa kahirapang nararanasan nila. Bunga ito ng sosyalisadong paggawa habang konsentrado sa iilan, partikular kapitalista – ang tubo nito. Ang dictum kasi ng kasalukuyang sistemang kapitalista, maximization of profits at minimization of cost of production.

Ang mga manggagawa ang unang-unang apektado ng krisis na ito. Pero sila rin ang sinisisi ng mga kapitalista sa pagtindi nito. Hindi daw napapanahon ang paghingi ng dagdag-sahod. Pero kung susuriin, sila ang lumilikha ng yaman ng bayan. Sila ang nagpapatakbo ng industriya. Kung hindi dahil sa kanila, hindi uusad ang ekonomiya.

Kaya kailangang ding ibalik sa mga manggagawa ang yamang kanilang linilikha. Kailangang ibigay sa kanila ang tugmang benipisyo at sapat na sahod.

Ano ang maaring ipanukala sa Kongreso hinggil sa nagaganap na tanggalan ng mga manggagawa?

Moratorium o pagpapatigil sa tanggalan sa trabaho ang maaaring kagyat na ipatupad. Kailangang magkaroon ng imbestigasyon sa tunay na dahilan ng mga kumpanya sa pagtatanggal ng kanilang mga manggagawa.

At sa kalagayan na marami na ang natanggal sa trabaho, kailangang silang tulungan ng gobyerno. Sa kasalukuyan, isinusulong ng KMU (Kilusang Mayo Uno), katuwang ang STK (Samahan Laban sa Tanggalan at Kontraktualisasyon) ang P10,000 economic relief para sa mga natanggal sa  trabaho. May sigurado namang pagkukuhanan nito. Ang presidential social fund ay nagkakahalaga ng P104 bilyon. Dapat sa kagalingan ng mga mamamayan mapunta ang malaking halaga na ito.

Bilang pagbabalik-tanaw, paano po kayo nagsimulang makisangkot sa mga isyung panlipunan at makabayang mga organisasyon?

Parehong magsasaka ang magulang ko. Kaya maaga akong namulat sa kalagayan nila. Nag-sakristan ako para makapagtapos ng highschool. Pagkatapos ng highschool, kinausap ako ng magulang ko tungkol sa pagpapatuloy ng pag-aaral. Hirap kami sa pinansiya noon. Kaya nag-apply ako ng scholarship. Sa kabutihang palad, nakapasa naman ako. Nakapasok ako sa College Seminary sa Bukidnon. Dito ko kinuha ang mga kurso tungkol sa theology at religion. Sa San Isidro College ko naman kinuha ang mga kurso na may kinalaman sa liberal arts at iba pa. Sa 27 na estudyante sa batch namin, lima lamang kaming nagpatuloy. Pagkatapos kong mag-aral, nagturo ako sa loob ng isang taon. Pagkatapos nito, nagsimula na akong pumunta at mag-organisa ng mga komunidad.

Naalala ko noon, nag-organisa kami ng mga magsasaka sa isang baranggay noong 70s. Pinipilit kasi sila na ipagbili ang lupang sinasaka nila sa mababang halaga. Yung bibili, gustong pagtaniman ng tubo ang lupa nila. At nagtagumpay kami sa kampanya laban dito. Dito ko ako namulat sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos at sa pangangailangan para sa isang  makabayang kilusan.

Ano ang inyong papel sa pagpupundar sa kilusang paggawa sa Mindanao?

May programa noon ang simbahan para sa paglubog sa iba’t ibang sektor. Pinili ko ang labor dahil gusto kong malaman ang kalagayan nila. Isa sa una kong pinuntahan ay ang Sta. Ana pier sa Davao. 1980, nagdesisyon akong mag-full time sa pag-oorgnaisa ng mga manggagawa. Naging bahagi ako sa pagbubuo ng United Workers of Mindanao. Nagkaroon din ako ng mga trabaho na may kinalaman sa research at pagsususlat sa ilalim ng  Citizen’s Council for Justice and Peace sa Davao. Naging bahagi din ako sa pagbubuo at pagpapaunlad ng iba pang organisasyon ng mga manggagawa hanggang sa mabuo din ang Kilusang Mayo Uno sa Mindanao noong 1986.

Anim na buwan din akong nakulong. Subversion ang naging kaso ko at nang lumaon ay nadagdagan ng kasong rebellion. Dito ko nakita kung gaano kalupit ang estado sa mga mamamayan na tumutunggali sa buktot na sistema nito. Isa ko sa napalaya dahil sa pagbibigay ni Cory Aquino ng amnesty sa mga bilanggong politikal. Pero nakita ko na hindi natapos dito ang political repression. Nagpatuloy ito kahit napatalsik na si Marcos.

Patuloy akong kumilos para sa kilusang paggawa. 1997, mayroon na akong gawain sa KMU national. Pabalik-balik ako sa Maynila at Mindanao para magampanan ko ang lahat ng inaatas sa aking mga gawain. 2003 naman, nahalal akong Secretary-General ng KMU. At noong 2007, naging VP (vice president) for External and Political Affairs ako. Ito pa rin ang posisyon ko sa KMU hanggang sa kasalukuyan.

Bago naman itong pag-upo ko sa Kongreso, consultant ako ni Ka Bel sa paggamapan niya ng tungkulin sa Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.

Ano ang inyong mensahe sa mga manggagawa at iba pang naghihirap na sektor ng lipunan?

Kailangan nating ipagpatuloy ang pagkakaisa lalo na ngayong panahon ng krisis. Ipagpapatuloy ng Anakpawis Partylist ang pagsusulong ng mga reporma at mga panukalang batas na tutulong upang maging maaayos ang kabuhayan ng mga manggagawa at ng ibang naghihirap na sektor. Kailangang patuloy ang pagkilos ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan sa CBA (collective bargaining agreement), pagsasagawa ng strike at pagkakamit ng tenure sa trabaho.

Kailangang patuloy ang pagsusulong ng genuine trade unionism at pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.

Ang pinakamahalaga ay ang sama-samang pagkilos ng mamamayan para wakasan ang sistemang naglilingkod lamang sa iilan.

  • Share/Bookmark

Related posts:

  1. Kyompalan sa Propiyedad (tula)
  2. Sahod lalong mapapako kapag naging House Espiker si Arroyo -KMU

Discussion

No comments for “Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis”

  1. [...] Joel Maglunsod ng Anakpawis: [...]

    Posted by Pinoy Weekly | Tatlong bagong progresibo sa Kongreso | May 11, 2009, 3:11 pm

Post a comment

Opinyon

PinoyMedia Center pays tribute to Alexander Martin Remollino

PinoyMedia Center, publisher of the progressive newsmagazine Pinoy Weekly, pays the highest tribute to Alexander Martin Remollino who devoted most of his life in the grassroots-based, non-profit media, steadfast in his principles and excellent in his craft.

Read on