May pinagtatakpan?
Nailibing na ang lider-magsasaka’t peace advocate na si Randall Echanis ngunit hindi pa naisasama sa hukay ang kontrobersiya sa kanyang pagkamatay.
Inilibing na noong Agosto 17 ang pinaslang na beteranong lider-magsasaka at peace advocate na si Randall “Ka Randy” Echanis.
Bagaman naihimlay na sa kanyang huling hantungan, hindi pa rin matahimik ang mga kaanak, kaibigan at kasama sa kilusang masang naghatid sa kanyang libingan.
Para sa kanila, hindi katanggap-tanggap ang anila’y pagtatakip ng kapulisan sa brutal na pamamaslang kay Ka Randy.
May pinagtatakpan?
Sira ang door knob at strike plate ng pintuan sa inuupahang apartment ni Echanis sa Novaliches, Quezon City.
Ito ang inabutan sa lugar ng krimen ng rumespondeng mga kasapi ng Anakpawis noong madaling araw ng Agosto 10 nang mabalitaan ang pamamaslang sa kanilang pambansang tagapangulo.
Anila, tanda ito ng puwersahang pagpasok ng mga suspek sa naturang krimen, taliwas sa sinasabi ng Quezon City Police District.
“Sinasabi ng kapulisan na boluntaryong binuksan ni Echanis ang kanyang pintuan o kilala niya ang pumatay sa kanya, sa bastos na pagtatangka sa isang cover-up. Pero ang lugar ng krimen ay iba ang ipinapahayag,” ani Ariel Casilao, dating kinatawan ng Anakpawis sa Kamara, sa isang pahayag noong Agosto 13.
Hinihinalang brutal na pinatay si Echanis ng di bababa sa limang suspek. Ibinunyag pa ni Erlinda, asawa ni Echanis, nakita sa katawan ng kanyang asawa ang kahina-hinalang “mga marka ng tortiyur”, gayundin ang :maraming saksak” na malamang na sanhi ng pagkasawi. Kasama din sa napatay si Louie Tagapia, kapitbahay ni Echanis. Maging ang ilan sa mga kapitbahay ay narinig umano mula sa silid ni Echanis ang mga sigaw at tila may tinotortyur noong nangyari ang krimen.
Tinangay ang bangkay
Naging malaking balita ang pagpatay kay Echanis na pinakaunang kaso ng pampulitikang pamamaslang matapos maging epektibo ang Anti-Terrorism Act of 2020 noong Hulyo 18. Kasama si ang naturang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan sa inilabas ng gobyerno na listahan ng mga terorista noong 2018.
Higit pang naging kontrobersiyal ang usapin nang kunin ng kapulisan ang mga labi ni Echanis habang inihahanda ng mga kaanak nito ang kanyang burol noong gabi ng Agosto 10. Ayon kay Erlinda, asawa ni Echanis, diumano’y puwersahang kinuha ng mahigit 10 kapulisan mula sa La Loma PNP ang labi ng kanyang asawa upang ibalik sa Pink Petal Funeral Homes sa La Loma, Quezon City.
“Kinokondena ko ang patuloy na panghaharass ng PNP La Loma-QCPD at ang bastos na akto ng pagtangay ng mga labi ng aking asawang si Randall “Randy’ Echanis mula sa amin,” saad ng balo ni Echanis.
Ayon sa PNP, kinuha nila ang labi ni Echanis dahil wala umanong “release order” ang mga kaanak ng naturang lider-magsasaka. Ngunit ayon kay Jobert Pahilga, abogado ni Erlinda, walang umiiral na ganoong tipo ng dokumento.
“Unang-una, bakit ang labi ng aking asawa ang iniimbestigahan? Ang mga maysala ang siyang dapat hinahabol at pinaparusahan, hindi ang wala nang buhay na katawan ng aking asawa,” dagdag pa ni Erlinda Echanis.
Pinayagang maibalik ang labi ni Echanis sa kanyang kaanak matapos ng tatlong araw sa kustodiya ng kapulisan nang magtugma diumano ang finger print test ni Echanis sa naturang bangkay.
Matapos mabawi ang labi, diniretso ito sa Philippine General Hospital noong Agosto 12 ng gabi para mapasailalim sa awtopsiya.
Nananawagan ang pamilyang Echanis ng agarang independiyenteng imbestigasyon. Ipinakita na umano ng PNP na wala itong kredibilidad na matapat na imbestigahan ang pamamaslang.
Gawa ng Estado
Paniwala ng Anakpawis, Estado ang may gawa sa pamamaslang sa kanilang lider.
“Iyon ay malinaw na pamamaslang at kami’y lubos na naniniwalang mga puwersa ng Estado ang na likod nito kasunod ng kanilang paghostage sa kanyang mga labi at ang mga baluktot na mga kuwento,” ani Casilao.
Bahagi umano si Echanis, ayon sa naturang grupo, sa anila’y lumalawak at lumalakas na boses na tumutuligsa sa rehimeng Duterte. Wala umano silang duda na “politically motivated” o may motibo sa pulitika ang pangyayari.
“Anuman ang pagsisikap ng kapulisan para pagtakpan, para i-whitewash, para i-deviate ang tunay na pangyayari, alam ng mamamayan, alam ng masang anakpawis na walang ibang kumitil sa kanyang buhay kundi ang Estadong matagal na niyang nilalabanan para baguhin nito at matagal nang hiling ng mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at kapayapaang nakabatay sa katarungan,” pagtatapos ni Casilao.