Mga magniniyog, tutol sa EOs ni Aquino hinggil sa coco levy fund

March 23, 2015

Kontra ang mga magniniyog sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (Claim) sa ipinalabas na dalawang executive order (EO) ni Pangulong Aquino na magsasapribado sa tinatayang P83 Bilyong coco levy fund.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, plano nilang hamunin ang legalidad ng EO 179 at 180, aniya “unconstitutional” daw ang mga ito.

“Hahamunin namin ang kautusan ni Aquino sa Supreme Court dahil labag ito sa Konsitusyon at (isang) grave abuse of discretion,” pahayag ni Mariano.

Sa EO 180 na nilagdaan kamakailan ng pangulo, inatasan ni Aquino ang mga Office of the Solicitor General, Presidential Commission on Good Government at Department of Justice na tiyakin at pangalagaan ang karapatan at interes ng gobyerno sa mga ari-arian na nagmula sa coco levy.

Binigyang direktiba din ng EO 180 ang mga ahensiya na ideposito ang mga coco levy asset sa Bureau of Treasury.

Samantala, binigyang patnubay naman ng EO 179 ang sasaklawin na mga ahensiya sa inventory, transfer, reconveyance at disposition ng pondo at ari-arian mula sa coco levy. Gayundin, binigyan ng EO ang PCGG ng 60 araw para sa imbentaryo ng ari-arian at 60 araw naman para mailipat ito sa gobyerno.

Kasama sa mga ari-arian na mula sa coco levy ang share of stock sa United Coconut Planters Bank (UCPB), gayundin ang shares of stock sa Coconut Industry Investment Fund (CIIF) companies at CIIF Holding Companies.

Sabi naman ni Nestor Villanueva, national coordinator ng Claim, isang “iskema” ng gobyerno ang dalawang kautusan para maetsa-puwera ang mga magniniyog at mapunta sa administrasyong Aquino ang pondo.

“Puwersahang kinuha ‘yan ni Eduardo Cojuangco Jr. mula sa amin na maliliit na mga magniniyog gamit ang mga batas ni Marcos,” ani Villanueva.

Tiyuhin ni Pangulong Aquino si Cojuangco na gumamit sa coco levy fund para makakuha ng alaking sapi sa San Miguel Corporations.

Nagmula din sa pondo ang pagtatayo ng United Coconut Planters Bank, the Coconut Industry Investment Fund – Oil Mills, dagdag ni Villanueva. Sabi pa niya, wala man lang binanggit sa EO na ang pondo ay pag-aari ng mga magsasaka.

Sa taya ng institusyong pananaliksik na Ibon Foundation, tinatayang nagkakahalaga ngayon ang coco levy funds at assets sa P246.8-B.

Binubuo ito ng anim na coconut oil mills (P34.8-B); 10 Copra Trading Corporations, ang share ng CIIF na ibinigay sa Bureau of Treasury (P100-B); ang sapi sa San Miguel Corp. na inaangkin ni Cojuangco (P84.6-B); ang United Coconut Chemicals (P2.4-B); ang Trading Company-UCPI-France (P1.1-B); ang Cocolife (P1.5-B); ang Barging Company-IBEC (P200-B); ang United Coconut Planters Bank (P13.7-B); at ang COCOFED (P8.4-B).

“Hindi ordinaryong public fund ang coco levy fund. Ang salitang public ay nangangahulugang publiko mismo, ang mga magsasaka sa niyugan, (ang may-ari,) hindi ang gobyerno sa pangunguna ni Aquino, “ sabi naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap.

Sa pagtingin ng Anakpawis, pagtugon sa patakarang neo-liberal sa pamamagitan ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ang kautusan ni Aquino na isapribado ang coco levy fund at para makinabang ang dayuhang mga monopolyo kapitalista at mga burges-kumprador.

“Dinambong na nga ng tiyuhin nya mula sa mga magsasaka, ngayon si Aquino naman ang mandarambong sa coco levy fund, dapat lamang natin itong labanan,” ani Hicap.

Isinusulong ng Anakpawis ang pagpasa sa House Bill 1327 o Genuine Small Coconut Farmers Fund (GSCFF) sa Kamara na mas pakikinabangan ng mga magniniyog. “Direktang makikinabang ang mga magniniyog sakaling maipasa ang HB 1327,” ani Hicap.