Sa karapatang pantao, nakamasid pa rin ang mundo

Noong Mayo 22, mahigit 200 Aleman ang nagsindi ng kandila para sa bawat aktibistang pinaslang sa ilalim ng pamahalaang Arroyo
Dahil sa ulan at malalakas na hangin, inabot ng pitong oras bago nila nasindihan ang 1,105 na kandila—isa sa bawat Pilipinong biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang.
Noong Mayo 22, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga Aleman sa lungsod ng Bremen upang makatawag ng pansin sa nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Pinangunahan ito ng Action Network on Human Rights (ANHR), United Evangelical Mission, Institute for Mission, Ecumenism and Global Responsibility of the Protestant Church of Westphalia, at iba pang organisasyong nakabase sa Germany.
Sa mga billboard na ipinaskil sa may Bremen River, tinampok ang buhay ng 25 na pinaslang na aktibista. Karaniwang tanong mga dumaraang Aleman, “Bakit sila pinaslang?” at “Sino ang pumaslang sa kanila?”
Lumabas na ang resulta ng maraming pagsisiyasat, nagsalita na ang mga testigo’t nakaligtas, ngunit wala pa ring nananagot na salarin sa mga kaso ng pamamaslang, toryur, pagdukot, at panghaharas sa ilalim ng pamahalaang Arroyo.
Lalo lamang nadidiin ang pananagutan nito sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, sa dalawang mahahalagang pangyayari sa internasyunal na komunidad: ang paglabas ng bagong ulat sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) ni Propesor Philip Alston, UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Arbitrary or Summary Executions, at ang katatapos lamang na ika-42 na sesyon ng UN Committee Against Torture (UNCAT) sa lungsod ng Geneva, Switzerland.
Pagsasantabi ng ulat ni Alston
Noong Abril 29, isinumite ni Propesor Phillip Alston sa UNHRC ang kanyang suri sa pagtalima ng pamahalaan sa iminungkahi niyang mga pamamaraan upang matigil ang mga paglabag sa karapatang pantao. Matatandaang kasama sa mga mungkahing ito ang pagtigil sa pagtarget ng mga sibilyan sa kampanyang kontra-insurhensiya ng pamahalaan, at ang paglusaw sa Inter-Agency Legal Action Group na nasa likod umano ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso bilang porma ng pampulitikang panunupil.
Sinabi ni Alston sa kanyang 16-pahinang ulat na bigo ang pamahalaan sa pagpapatupad sa mga mungkahing nagmula sa kanyang pagdalaw sa bansa at pag-iimbestiga noong 2007. Sinabi rin niyang nananatili ang walang habas na opensiba ng Armed Forces of the Philippines, hindi sa mga rebelde na nais pulbusin ni Pangulong Arroyo sa 2010, kundi sa mga kasapi ng binabansagang “prenteng mga organisasyon” ng Communist Party of the Philippines.
Habang lumiit ang bilang ng pamamaslang sa mga aktibista—kumpara sa dalawang taon ang nakaraan—hindi pa rin ito nawawala, ayon sa special rapporteur. Katunayan, naitala ng Karapatan ang kapansin-pansin na pagtaas sa bilang ng mga pamamaslang sa unang kuwarto ng 2009. Mayroon nang 20 na kaso ng pamamaslang ngayong taon. Nangangahulugang sa bawat linggo mula noong Enero, may isang aktibista ang pinapatay.
Ang pagpapatupad ng pamahalaan sa mga mungkahi ni Prop. Alston ang siya ring panawagan ng nagprotestang mga Aleman. Anila, mas kailangan itong sundin ngayon ng pamahalaan upang maiwasan ang pampulitikang karahasan sa panahong papalapit na ang halaan. Nadismaya ang mga ito nang sabihin ni Kal. Raul Gonzalez ng Department of Justice na “mas mabuting huwag na lamang natin pansinin [ang ulat]” at nang magreklamo naman si Anthony Golez, and deputy spokesperson ng Malakanyang, na nakabase ang ulat sa mga tala ng “makaliwang mga grupo.”
Ayon kay Philipp Bück, coordinator ng ANHR, napakaraming kaso ang kailangang isalang sa hukuman at maraming indibidwal mula sa armadong puwersa ng pamahalaan ang kailangang parusahan kung isasaalang-alang ang “command responsibility” nito sa nasabing mga kaso.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1578













