Banggaan ng submarinong Intsik at barko ng US Navy, pinaiimbestigahan


Pinaiimbestigahan ng isang militanteng grupo at isang senador ang banggaan kamakailan ng isang submarinong Instik at barko ng US sa territorial waters ng Pilipinas dahil sa umano’y paglabag ng mga dayuhan sa soberanya ng bansa. Noong Hunyo 12, nagbanggan ang USS John McCain at isang submarinong Instik malapit sa Subic Bay, ayon sa ulat ng […]

Pinaiimbestigahan ng isang militanteng grupo at isang senador ang banggaan kamakailan ng isang submarinong Instik at barko ng US sa territorial waters ng Pilipinas dahil sa umano’y paglabag ng mga dayuhan sa soberanya ng bansa.

Noong Hunyo 12, nagbanggan ang USS John McCain at isang submarinong Instik malapit sa Subic Bay, ayon sa ulat ng CNN. Bumangga ang submarino sa underwater sonar array, kagamitan para sa underwater surveillance, na iniaahon ng destroyer na USS John McCain.

“Ano ang ginagawa ng US warship sa erya? Gayundin ang submarinong Instik? Nananawagan kami kay Pangulong Arroyo na ipatawag ang mga opisyal ng gobyerno US at Tsina para ipaliwanag kung bakit gumagala ang kanilang mga puwersang militar sa ating karagatan,” sabi ni Antonio Tinio, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Binatikos ni Tinio ang pagiging tahimik ni Arroyo sa nasabing insidente na umano’y isang “paglabag sa soberanya ng bansa.” Sa ilalim ng Konstitusyong 1987, ipinagbabawal ang di-awtorisadong presensiya ng mga dayuhang tropang militar.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lt. Col. Edgar Arevalo, tagapagsalita ng Philippine Navy, na naganap ang banggaan sa international waters at hindi sa teritoryo ng bansa.

Pero ayon kay Tinio, “tangkang pagtatakip sa insidente” ang ang ganitong pahayag ni Arevalo.

Samantala, naniniwala si Sen. Rodolfo Biazon na kailangan imbestigahan kung may nilabag na batas ang mga dayuhan sa pagpasok sa bansa ng kanilang mga sasakyang pandigma.

“Kung lumahok ang USS John McCain sa Balikatan Exercises, at pumunta sa Subic para mag-refuel, kailangan ito ng permiso para makapasok at makalabas ng Philippine waters,” sabi ng senador.

Ipinagtataka ni Biazon kung bakit hindi alam ng Philippine Navy na kalahok ang barkong pandigma sa Balikatan Exercises o ehersisyong militar sa pagitan ng mga tropang Pilipino at Amerikano.

Samantala, muli namang nanawagan ang ACT na ibasura ang Visiting Forces Agreement na pumapayag sa pagpasok ng mga tropang Amerikano sa bansa.