Editoryal

Uto-uto sa Balikatan


Ayaw nating madamay sa giyera. Nais natin ng alternatibo. Isang hakbang ang balota sa darating na Mayo. Baka sakaling makatulong para masaksihan natin ang huling taon ng Balikatan.

Balikatan joint military exercises na naman sa Pilipinas ngayong Abril 21 hanggang Mayo 9. Sa “Sabak 2025” inaasahan ang paglahok ng 14,000 na sundalo, kabilang ang 9,000 na tropang Amerikano. Kasali rin ang militar ng Australia, Japan at ang mga observer mula sa Czech Republic, Poland at Colombia.

Taunan ang Balikatan at tila bawat taon ay isang hakbang papalapit sa giyera. ‘Di lang basta paghahanda ng giyera, kundi nagpapainit ng tensiyon at paghahamon ng digma sa China. Ang masahol lang, hindi naman teritoryo ng United States (US) ang reresbakan ng atake.

Sa mata ng US, kapwa ang Pilipinas at Taiwan ay kasangkapan lang para ipain sa pakikipagdigma sa China. Ang Pilipinas at Taiwan ay pambala sa kanyon at human shield na inuuto para sundin ang dikta ng dayuhang nanghihimasok.

Tinawag ni Gen. Romeo Brawner, hepe ng Armed Forces of the Philippines, na “full battle test” ang Balikatan 2025. Ito’y matapos niyang sabihin na dapat maghanda ang Pilipinas na sumabak sakaling simulang sakupin ng China ang Taiwan.

Lantarang dinadamay ang Pilipinas sa agresyong pinatitindi ng Amerika. Sa nakaraang Balikatan, nagpuwesto ng mga sundalo sa may Batanes—para bang nanutok ng baril sa Taiwan na pinag-aagawan ng Amerika at China.

Darating sa Pilipinas ngayong buwan ang ipinagmamalaki ng US na Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System o NMESIS, isang mobile anti-ship missile system na kayang magpalubog ng barko na may layong halos 200 kilometro.

Pupuwesto ang NMESIS sa may Batanes, kulang-kulang 200 kilometro rin mula sa Taiwan.

Nagpahayag rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muli siyang dadalo sa Balikatan para manood at magbigay ng suporta sa gagawing war games.

Kadalasan namang pinalalabas ng mga lider na dapat magkaroon ng kampihan, kung ikaw ba’y maka-US o maka-China. Para bang ang anumang posisyon sa isyu ay pagpanig na sa isang makapangyarihang bansa.

Sa katunayan, para sa kalakhang mamamayang Pilipino at Taiwanese, mas mabuti pa kung itigil na ang lahat ng imperyalistang agresyon nang hindi tuluyang madamay ang karaniwang tao.

Dahil papalapit din ang Pilipinas sa halalan ngayong Mayo, hindi maiwasang magbalik-tanaw sa mga dating makabayang senador na nagtakwil sa mga baseng Amerikano noon.

Noong Set. 16, 1991, hindi inaprubahan ng Senado ang ekstensiyon ng Military Bases Agreement ng US sa Pilipinas at winakasan ang halos kalahating siglong opisyal na paglalagay ng mga permanenteng pasilidad at tropa sa bansa.

Tampok noon sa tinaguriang “Magnificent 12” na senador na sina Jovito Salonga, Sotero Laurel, Teofisto Guingona Jr., Rene Saguisag, Wigberto Tañada, at iba pa. Aba, maging si dating Pangulong Joseph Estrada bumoto rin para palayasin ang mga baseng Kano.

Mahusay ang desisyon at tindig ng mga mambabatas. Binigyang-pugay ito bilang paggiit ng soberanya ng bansa na may nagsasariling lakas, isip at pasya na hindi nagpapadikta sa dating mananakop kagaya ng Amerika.

Ngayon kaya, sa mga nakaupong senador at sa mga nangunguna sa mga sarbey, mayroon bang titindig para ilayo tayo sa giyera at pigilan ang paparaming pumapasok na dayuhang sundalo?

Titindig kaya si Erwin Tulfo para sa kanselahin ang Visiting Forces Agreement o Enhanced Defense Cooperation Agreement na nagpapahintulot ng halos unlimited na pagpasok at paggamit ng Pilipinas sa mga sundalong Kano? Siya mismo ang nanawagan na hayaang magpatrol ang Amerika sa West Philippine Sea.

Mananawagan kaya ng paghinto sa Balikatan si Sen. Robin Padilla? Gumanap nga siya bilang Andres Bonifacio sa pelikula at umano’y kontra sa panghihimasok ng dayuhan. Pero si Padilla mismo ay nagpanukala ng batas noong 2024 para hikayatin ang publiko na suportahan ang pagpasok ng mga Amerikano.

Nasaan ang mga makabayang senador? Wala sila sa “Magic 12” ng mga sarbey. Ang 11 na senador mula sa Koalisyong Makabayan, paulit-ulit nang nagpahayag at kumilos para pigilan ang panghihimasok ng US at pagtrato sa Pilipinas bilang kolonya.

Ang iba pang mga progresibong mambabatas sa Senado at maging sa partylist, may kaparehong panawagan. Ang kaibahan lang, wala silang bilyon-bilyong pondo at rekurso na nagpapaandar ng kanilang mga kampanya.

Ayaw nating madamay sa giyera. Nais natin ng alternatibo. Isang hakbang ang balota sa darating na Mayo. Baka sakaling makatulong para masaksihan natin ang huling taon ng Balikatan.