US Defense Secretary Hegseth, sinalubong ng protesta 


Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa harap ng United States Embassy sa Maynila para kondenahin ang patuloy na panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas at pang-uupat ng giyera sa China.

Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa US Embassy nitong Mar. 28 bilang pagsalubong kay US Defense Secretary Pete Hegseth. Anakbayan

Sinalubong ng protesta ang pagdating ni United States (US) Defense Secretary Pete Hegseth sa Pilipinas nitong Mar. 28 sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Nagtipon ang iba’t ibang progresibong grupo sa tapat ng US Embassy para kondenahin ang anila’y pakay ng administrasyon ni Donald Trump na palawakin ang presensiyang militar ng US sa bansa at tutulan ang nalalapit na Balikatan exercise sa harap ng tumitinding banggaan ng US at China.

Ang pagbisita ni Hegseth sa Pilipinas ay bahagi ng pag-ikot at pakikipag-usap ng US sa mga alyadong bansa sa rehiyon. Kasabay ito ng estratehiya ng US na “pivot to Indo-Pacific” o ang pagpapalakas ng alyansa sa mga bansa at pagkosentra ng tropang Amerikano sa rehiyon sang-ayon sa tunguhing mapayapa at bukas na Indo-Pacific laban sa agresyon ng China.

Bilang pagpapakita ng sukdulang pagtatakwil at paglaban sa imperyalismong US, simbolikong nagsunog ng imahe ng watawat ng US ang mga nag-protesta sa tapat ng US Embassy nitong Mar. 28. Anakbayan

Sa inilabas na joint statement ng Pilipinas at US, ibinunga ng dalawang araw na pagpupulong ang pagpapalakas ng tulungang militar para umano’y harapin ang mga pinakamalalaking banta sa rehiyon.

Ilan sa mga naging kasunduan ang pagpapadala ng mga makabagong kagamitang pandigma, kasama na ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), isang anti-ship missile launcher; pagsasagawa ng mga ehersisyong militar para itaas ang antas ng “interoperability” ng mga armadong pwersa; pagsasagawa ng Special Operations Forces Training sa Batanes para sa mga “high-end” na operasyong militar sa Indo-Pacific; pagsisimula ng isang defense industry cooperation; at paglulunsad ng isang cybersecurity campaign.

Ayon naman kay League of Filipino Students (LFS) chairperson Lloyd Manango, ang pagposisyon ng Amerika ng mga kagamitang pandigma sa Pilipinas, lalo na ang Typhon missile, ay nagtitiyak at nagpapabilis lang ng pagputok ng isang digmaan. Taliwas aniya ito sa mensahe nina Hegseth at Marcos Jr. na pag-iwas sa digmaan. 

“Dapat magpakatotoo na lang ang US at ang mga tuta nitong sina Marcos Jr., [Secretary Gilbert] Teodoro at [Gen. Romeo] Brawner. Hindi ito tungkol sa pag-iwas sa digmaan, lalo pa’t sa [nakalipas na siglo], ang US ang pangunahing responsable sa pagsisimula ng halos lahat ng mga wars of aggression,” ani Manango.

Nataon ang pagbisita ni Hegseth ilang linggo bago ang nakatakdang Balikatan exercises ngayong Abril. Inaasahang magsasagawa ng isang “full battle simulation” sa iba’t ibang lugar sa bansa, kasama ang nasa higit 15,000 tropa mula sa US, Pilipinas, Australia at Japan.

Inanunsiyo rin ni Hegseth ang pagpapadala ng iba pang “highly-capable unmanned surface vehicles” para sa Balikatan 2025. 

Ilang araw, matapos ang pagbisita ni Hegseth, inutusan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner ang Northern Luzon Command na maghanda kung sakaling salakayin ng China ang Taiwan.

Ayon kay Bayan secretary general Raymond Palatino, ang pahayag na ito ni Brawner ay patunay na ang kasunduang militar ng Pilipinas at US ay paggamit lang sa bansa sa war posturing ng Amerika.

“Ito ay nagpapatibay ng ating makabayang tungkulin na ipanawagan ang agarang pagpapaalis ng mga base at tropang Amerikano sa bansa. Hindi na dapat muling magamit ang Pilipinas bilang ‘staging ground’ ng pag-atake sa ibang teritoryo,” panawagan ni Palatino.